Isang hindi inaasahang pangyayari ang naranasan ng isang 2-year-old na bata. Isinama lang ng kaniyang lola sa palengke at nang umuwi ay nagkaroon na ng lagnat at namaga ang kanang paa. Ayon sa doktor, naimpeksyon ito ng flesh eating bacteria!
Nilagnat, namaga ang paa at nangitim ang mga kuko ng bata!
Ikinabigla ng kaniyang lola at mga magulang ang nangyari kay Chen, isang 2-year-old boy sa Zhuhai, Guangdong Province, sa China.
Sumama raw sa kaniyang lola sa palengke ang bata para mamili ng pagkain. Habang namamalengke ay nakakita ang bata ng isda at sinabi sa lola na bumili nito. Agad namang binili ng matanda ang sariwang isda.
Sa kanilang pag-uwi, ipinabitbit niya sa kaniyang apo ang bag na pinaglagyan ng isda.
Nang makauwi sa bahay ay bigla na lang daw nilagnat ang batang si Chen. At unti-unting namaga ang kanang paa nito. Nangitim din ang mga kuko nito sa paa.
Agad namang dinala ng kaniyang ama ang bata sa ospital nang makita ang hindi magandang kondisyon na sinapit nito.
Flesh eating bacteria sanhi kung bakit kailangang putulin ang paa ng bata
Kinailangang i-admit sa Intensive Care Unit (ICU) ang bata. At ayon sa diagnosis ng doktor na tumingin dito ay naimpeksyon daw ito ng flesh eating bacteria na vibrio vulnificus.
Posible umanong aksidenteng nahawakan ng bata ang patay na isda habang buhat nito ang bag na naglalaman ng isda. Ito ang posibleng dahilan kung bakit na-impeksyon ito ng flesh eating bacteria.
Ayon pa sa doktor, hindi maganda ang kondisyon ng bata at maaaring kailanganing putulin ang kanang paa nito para mailigtas ang buhay ng bata.
Labis ang dalamhati ng ama ng bata na napag-alaman na single dad pala. Sinisisi nito ang kaniyang sarili dahil hindi niya umano naalagaan nang maayos ang anak. Samantala, ang lola ni Chen ay patuloy ang panalangin na maging ligtas ssana ang kaniyang apo sa hindi inaasahang pangyayaring ito.