Tamang-tama na Buwan ng Panitikan ngayong Abril. Dahil kung naghahanap kayo ng library kung saan pwede kayong magbasa, o kaya naman ay nais niyong maka-iskor ng free books, pwedeng-pwedeng pumunta sa Ayala Triangle Gardens.
Free Books sa pop-up library ng The Book Stop Project
Nagbahagi ng social media post ang The Book Stop Project, kung saan ay inanunsyo nito ang kanilang pagbabalik sa lungsod ng Makati simula sa April 20, 2024! Ito umano ay kaugnay ng pagdiriwang ng World Book Day.
Sa Ayala Triangle Gardens nga ang newest spot ng The Book Stop Project ngayong Abril. Maaari kang pumunta rito kung naghahanap ka ng libro na pwede niyong mabasa for free. Pwede mong dalahin ang iyong anak para sabay niyong ma-enjoy ang pop-up library. Pwede rin namang ikaw lang ang pumunta at uwian mo na lang ang chikiting ng librong para sa kanya.
Available ang daan-daang free books na may iba’t ibang genre sa project na ito. Kaya ano mang edad, tiyak na may librong para sa’yo.
Give a book and get a book
Hinihikayat ang mga mambabasa na magbigay ng libro bilang kapalit ng kukuhaing libro. Ito ay kaugnay ng layuning makabuo ng community of readers sa bawat location na bibisitahin ng The Book Stop Project.
Simula pa noong 2016 ay umaarangkada na ang pop-up libraries ng Book Stop Project. Hindi lamang sa Ayala Triangle Gardens ang naging spot nila. Nagtatayo sila ng mga pop-up library sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Bukod sa pop-up library, mayroong permanent library ang The Book Stop Project, libre lamang din ito. Matatagpuan ang aklatan sa Plaza Roma sa Intramuros.
Sa ngayon, kung nais mag-donate ng libro sa pop-up library sa Makati, pwedeng dalahin ang mga aklat sa Instituto Cervantes, sa ground floor ng Ayala Tower One.
Kapag bukas na sa publiko ang library sa April 20, maaari nang dumiretso sa Ayala Triangle Gardens at doon dalahin ang mga libro. Pwede nang makipagpalitan ng librong nais mo.