Gabay para mapadali ang pagbubuntis
Sinasabing ang pag-aanak ay darating sa iyo, at hindi dapat ipilit. Bagamat ito nga ay natural na mangyayari o dadating sa tamang panahon, may mga maaaring gawin ang mag-asawa upang mas mapadali o mapalaki ang posibilidad ng pagbubuntis. Narito ang mga gabay para mapadali ang pagbubuntis.
1. Kumunsulta sa espesyalista
Bago pa ang lahat, magpa-chekup muna sa iyong OB GYN. May mga bitaminang para sa bago magbuntis na maaaring ireseta sa iyo, at maging kay mister. Karaniwang kailangan ay mayaman sa Omega-3 at folic acid. Ang folic acid ay proteksiyon ng magiging sanggol laban sa mga birth defects. At ang Omega-3 ay nagbibigay ng nutrisyon para sa brain development at tumutulong sa maayos na panganganak. Maaari mong tanungin rin sa iyong doctor kung ano ang mabisang paraan para mabuntis agad.
Ang mga prenatal vitamins ay dapat inumin bago pa man mabuntis upang matulungang maging malusog ang iyong reproductive system. Gawin ito mahigit isang buwan bago pa magsimulang sumubok magbuntis. Makakatulong ng malaki kung malalaman ang kabuuan ng kondisyon ng iyong kalusugan, lalo na ng reproductive health, bago pa sumubok ng kahit anong may kinalaman sa pagdadalantao.
2. Sa mga ina, alamin ang iyong sariling menstrual cycle
Isa sa pinaka sikat sa listahan ng gabay para mapadali ang pagbubuntis ay alamin ang menstrual cycle.
Ito ang madalas na nakakaligtaan ng mga babaing nais magbuntis. Kailangang intindihin at malaman kelan ang ovulation mo, o kailan ka pinaka-fertile. Alamin din ang mga hudyat ng ovulation at mga pagbabago sa katawan na makakapagsabi sa iyo ng tamang oras para mabuntis, tulad na rin ng pagkakaron ng cervical mucus—kung ano ang ibig sabihin ng manipis at madulas na mucus, o ng makapal at mas malagkit. Ayon sa mga pag-aaral, ang manipis at madulas na cervical mucus ay hudyat ng pagiging fertile.
Ang iba ay gumagamit ng basal body temperature method. Ito ay ang temperatura bago ka bumangon sa umaga. Kapag ang babae ay fertile, mataas ito ng kaunti kaysa normal. Kung ililista mo ang temperatura mo tuwing umaga ng parehong oras, sa loob ng ilang linggo o buwan, makikita mo ang ovulation period mo.
Tandaan na maaring makaapekto sa temperaturang ito ang paninigarilyo, pag-inom ng alak, hindi pagtulog ng tamang oras, lagnat at sakit.
May mga ovulation prediction kits din na mabibili, para malaman kung kailan pinaka epektibong makipagtalik para mabuntis. Iba-iba kasi ang ovulation period ng mga babae buwan buwan. Makakatulong na ilista ang araw ng iyong menstruation, mula umpisa hanggang katapusan nito para makita mo ang pagitan ng bawat cycle mo, sa loob ng 8 hanggang 12 buwan. Ang karaniwang cycle ay 28 araw, at 21 hanggang 35 para sa iba. Dahil ang ovulation ay nasa pagitan nito, mula 13 hanggang 20 araw. Ang unang araw na ikaw ay fertile? Kabuuang bilang ng araw ng pinakamaikling cycle (minus) 18. Ang sagot dito ang gagamitin para bilangin ang araw papunta sa susunod na menstruation period. Bilugan ang petsang iyon sa kalendaryo dahil iyon ang araw na pinakaposibleng fertile ka.
3. Huwag ma-stress
Isang tips para mabuntis ay ang ‘wag sobrang mastress.
Mag-relaks. Iwasang mag-alala o mag-isip ng mag-isip, dahil walang maitutulong ang pag-aalala. Alam mo bang ang stress ay nakakaapekto sa simula pa lang ng pagbubuntis? Magpamasahe, maglibang, mag-date kayo ni mister. Nakakatulong ang positibong paningin sa buhay para makabuo ng bata. Isa itong importanteng paraan para mabuntis agad.
May ibang nagyo-Yoga, may iba namang nasubukan na ang acupuncture para marelaks. Ito ay mga ligtas na paraan para masuportahan ang mental at pisikal na kalusugan ng isang babae.
4. Kumain ng masustansiyang pagkain at mag-ehersisyo
Mag-ehersisyo, pero hinay-hinay lang. Ang sobrang pagpapagod at pag-eehersisyo ay may hindi magandang epekto din sa pagsubok na mabuntis. Ang regular na menstural cycle na 14 na araw ay umiikli kung sobra ang pag-eehersisyo at diyeta. Itala ang mga araw ng menstruation para malaman kung umiikli ba ang pagitan. Kung umiikli nga, kailangang bawasan ang exercise regimen. Iwasan ang pagbubuhat at kahit anong mabigat na ehersisyo. Kahit ang paglalakad o pagtakbo ay pwede na, at hindi makakasama.
Tandaan na ang pagiging kulang o sobra sa timbang ay nakakaapekto sa tiyansang mabuntis. Makipag-usap sa iyong OB GYN tungkol sa tamang timbang at kung paano matutulungang madagdagan o mabawasan ito. Tandaan na ang malusog na pangangatawan ay tumutulong sa hormonal balance, cycle regularity, at maayos na ovulation—lahat na ito ay makakatulong sa posibilidad ng pagbubuntis.
Siyempre pa, kung gusto mong magbuntis, kalimutan muna ang paninigarilyo. Nakalagay sa mga pakete ng sigarilyo na ang paninigarilyo ay sanhi ng impotence o pagkabaog. Naapektuhan din nito ang estrogen levels at ovulations.
6. Huwag naman sobra ang pagtatalik
Kailangan ding mag-hinay hinay sa pagtatalik. Ayon kay Dr. Brad Imler, sa kaniyang librong The Essential Guide to Getting Pregnant, hindi kailangang araw araw. Ang sperm o semilya ay nabubuhay ng hanggang 72 oras pagkatapos ng pagtatalik, kaya’t ang payo ng mga doktor ay kahit makalawang araw. O kung hindi man, gawin itong regular, ngunit hindi naman maya’t maya. Gawin itong romantiko, masaya, at hindi kapag stressed o pagod kayong dalawa.
Kalimutan na ang mga pinapayong posisyon ng mga kaibigan o kamag-anak. Ayon sa mga pagsasaliksik ni Dr. James Goldfarb, MD, direktor ng infertility service sa isang klinica sa Cleveland, Ohio, walang kinalaman ang posisyon sa pagtatalik.
7. Gabay para mapadali ang pagbubuntis: Mag-ingat sa mga ginagamit sa katawan
Ang paggamit ng douche ay sinasabing nakakakaalis ng mga bacteria na nagbibigay ng normal na proteksiyong sa ari, na nagiging sanhi pa ng bacterial vaginosis (BV) o impeksiyon. Ang mga lubricant at olive oil, o pampadulas, ay nakakahadlang sa semilya na makarating sa dapat nilang puntahan.
8. Gabay para mapadali ang pagbubuntis: Huwag kaligtaan ang kalusugan ng kabiyak
Ang pinaka importanteng gabay para mapadali ang pagbubuntis ay ang kalusugan.
Kailangan ding pangalagaan ang kalusugan ni mister. Kung ano ang makakasama sa kababaihan, gayon din sa mga lalaki: alak, sigarilyo, timbang at pagkaing kulang sa nutrisyon. Marami nang pagsasaliksik na nagpatibay sa masamang epekto ng alak at sigarilyo sa pagkasira ng chromosomes sa semilya ng lalaki. Magtanong sa doktor tungkol sa pag-inom ng vitamins E and C at ang tinatawag na mineral selenium, na makakatulong sa pagkakaroon ng malusog na semilya.
May mga pagsasaliksik ding nagsasabi na ang pagususot ng lalaki ng mahihigpit na damit ay nakakaapekto sa sperm count. Gayundin ang pagkain ng pagkaing mayaman sa soy. Itanong sa doktor ang mga kondisyong ito para masiguro ang kalusugan ng kabiyak.
Kung ang mag-asawa ay mayroong problema sa pagbubuntis, maaaring magtanong sa OB GYN kung mayron bang espesiyalista na makakatulong sa inyo. Kailangang sumailalim sa mga medikal na pagsusulit para malaman at matukoy kung ano nga ba ang problema. Siyam sa sampung kaso ng infertility ay nagagamot, o di kaya’y natutugunan ng surgery.
May mga naniniwala sa Holistic at natural na paraan ng pagbubuntis. May mga handa namang sumailalim sa IVF o In-Vitro Fertilization para mas makasiguro sa tagumpay at mabuntis agad. Lahat ng ito ay depende sa inyong lifestyle at gusto. Huwag mag-atubiling magtanong tungkol sa mga opsiyon na makakatulong sa inyo.
The Essential Guide to Getting Pregnant ni Dr. Brad Imler
Office on Women’s Health, U.S. Department of Health and Human Services. “Trying to conceive.” Updated: Feb 01, 2017.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.