An-an: Sanhi, sintomas, at gamot para sa tinea versicolor
Ating alamin kung paano nagkakaroon ng an-an at kung anu-ano ang mga mainam na gamot para gamutin at para makaiwas sa ganitong kondisyon.
Nakakakita ka ba ng patse-patseng marka sa iyong balat? Alamin rito kung ano ang mabisang gamot sa an-an.
Ang ating balat ay isa sa mga bahagi ng ating katawan na kailan ng pangangalaga. Kapag hindi malusog ang ating katawan, kadalasan ay lumalabas at nakikita ito sa ating balat. Kaya naman kapag may napapansin tayong kakaiba sa ating kutis, nababahala tayo ng husto.
Isa sa mga kondisyon ng balat na lubhang nakakabalisa kapag nagkaroon ang isang tao ay ang an-an o tinea flava o tinea versicolor.
Ang tinea versicolor ay isang fungal infection ng balat. Kilala rin ito sa tawag na pityriasis versicolor. Sanhi ito ng isang uri ng fungus: ang Malassezia. Ito ay isang uri ng yeast na namamahay sa balat na kapag naging aktibo ay lumalabas at nakikita sa balat—at ito ang tinatawag na an-an.
Isang tingin lang ng doktor ay malalaman nang ito ay an-an, dahil sa patse-patseng marka na minsan ay maputi at minsan ay maitim.
Talaan ng Nilalaman
Bakit nagkakaroon ng an-an?
May mga kondisyon sa kapaligiran na sanhi ng tinea versicolor at nakakapagpalala nito. Kapag ikaw ay may oily skin, mainit ang panahon at pawisin, at may mahinang immune system, mas mataas ang posibilidad na magkaron ng an-an. Maaari rin itong sanhi ng pagbabago ng hormones sa katawan.
Bagama’t nakakairita itong tingnan dahil hindi pantay ang kulay ng iyong balat, hindi naman ito nakakahawa dahil nasa loob ng balat ang yeast. Pero para sa taong mayroon nito, maaari itong magdulot ng pagkabalisa at maging conscious at mahiya dahil sa kaniyang balat.
Nagiging sanhi rin kasi ng pang-aasar ang pagkakaroon nito ng isang tao, dahil sa pag-aakala ng iba na maari silang mahawa rito.
Bukod pa rito, ang sinomang nakararanas ng pabalik-balik na problema sa balat ay kailangang kumonsulta sa doktor. Ito ay upang masiguro kung mayroon bang kaugnay na mas seryosong kondisyon ang pagkakaroon ng nito o iba pang skin condition.
Sintomas ng an-an
Ang mga patse-patseng marka sa balat ang pinakahalata at pangunahing sintomas ng tinea versicolor. Kadalasan, lumalabas ang an-an sa ating mga braso, dibdib, leeg o likod. Ang mga marka ay maaaring:
- mas maputi o mas maitim kaysa kulay ng iyong balat
- kulay pink, red, tan o brown
- makati at parang may kaliskis
- mas tumitindi kapag umiitim o nagiging tan ang kulay ng balat
- maaaring mawala kapag lumalamig ang panahon
Hindi rin ito namimili ng kulay ng balat—maitim, maputi, kayumanggi, maaaring magkaron ng tinea versicolor.
Sa mga taong may maitim na balat, ang tinea versicolor ay nagreresulta sa kawalan ng skin color o hypopigmentation. Samantala, sa mga taong maputi ang kulay ng balat, maaaring maging mas maitim ang kulay ng kanilang an-an, o tinatawag na hyperpigmentation.
Subalit mayroon ring mga pagkakataon na hindi kapansin-pansin sa balat ang pagkakaroon ng an-an. Maaaring mawala ang sintomas ng an-an o mabawasan tuwing malamig ang panahon. At pwede rin itong bumalik kapag naging mainit o maalinsangan ang panahon.
Gayundin, mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng an-an ang mga taong:
- taong may family history ng tinea versicolor
- pawisin
- nasa mainit na lugar
- may mahinang immune system
- umiinom ng mga gamot na nagpapahina ng immune system
- mayroong ilang uri ng cancer
Mas mataas ang risk ng mga teenager sa pagkakaroon ng an-an. Ito ay dahil sa hormonal fluctuations na karaniwang nararanasan sa puberty stage. Subalit ano mang-edad, lahi, o kasarian ay maaari pa ring magkaroon ng an-an.
Mabisang gamot sa an-an?
Kung hindi naman malala ang iyong an-an, pwede mo naman itong gamutin sa bahay. May nabibiling mga gamot sa an-an na maaari mong gamitin sa iyong likod, mukha o iba pang bahagi ng katawan.
Mayroong mga over-the-counter creams, sabon o shampoo na naglalaman ng mga kemikal na lunas sa an-an gaya ng:
- clotrimazole
- miconazole
- selenium sulfide
- terbinafine cream o gel
- zinc pyrithione soap
Bago gumamit ng anumang lotion, ointment o topical cream, hugasan munang mabuti ang balat at siguraduhing malinis ito. Basahing mabuti ang direksiyon sa kung paano at gaano kadalas itong dapat gamitin.
Kung walang pagbabagong nakikita, mabuting kumunsulta sa doktor. Baka kailangan na ng prescription-strength na gamot. Gayundin, kung ikaw ay nagdadalang-tao, itanong muna sa iyong doktor kung anong gamot ang ligtas para sa ‘yo.
At kung hindi ka sigurado kung tinea flava nga ang nasa iyong balat, makakabuti kung kokonsulta ka sa isang dermatologist.
Susuriin niya ang iyong balat para makumpirma kung mayroon kang tinea versicolor. Kung hindi ito halata sa kulay ng iyong balat, maaring magsagawa siya ng skin scraping.
Kukuha siya ng manipis na sample ng iyong balat (hindi ito masakit, pero maari kang magkaroon ng maliit na sugat o pasa) at susuriin sa ilalim ng microscope para makita kung mayroong yeast na nagsasanhi ng an-an.
Kung mada-diagnose ka ng tinea versicolor, kailangan mo itong gamutin para mapabuti ang kondisyon ng iyong balat. Subalit, minsan, kahit nagamot na ang impeksyon, hindi agad bumalik sa dati ang iyong balat. Maaaring manatili ang mga patse-patse ng ilang linggo o buwan bago ito kumupas.
Maaari ring bumalik ang iyong an-an kapag umiinit ang panahon. Kapag ganito ang kaso, kumonsulta sa iyong doktor dahil maaari siyang magreseta ng gamot para maiwasan ang mga sintomas.
Sa kabilang banda, mayroon ding antifungal pills na maaaring gamiting gamot sa an-an sa likod, mukha at iba pang bahagi ng balat. Inirerekomenda ito para sa mas seryoso at paulit-ulit na sintomas ng an-an.
Minsan, ginagamit ito ng mga doktor para mas mabilis na magamot ang impeksyon sa balat. Maaaring may side effects ang gamot na ito kaya naman kailangan ng prescription bago makabili nito. O-obserbahan ka ng doktor kung ikaw ay magte-take ng antifungal pills.
Home remedies at mabisang gamot para sa an-an
Kung wala kang budget para sa mamahaling ointment o lotion, may mga alternatibong gamot para sa an-an na pwede mong subukan. Mga bagay ito na karaniwang nasa kusina lang.
-
Honey, bawang at sibuyas.
Ang mga ito ay may antifungal properties na mabisang panlaban sa fungus. Ipahid lang ang pinaghalu-halong katas ng mga ito sa mga parte ng balat na may an-an, hanggang 3 beses araw-araw, at makikita ang resulta.
-
Ang essential oils na eucalyptus, turmeric, luya, at tea tree ay mabisa rin para maibsan ang sintomas ng an-an.
Bago gumamit ng mga essential oil, subukin muna ito sa maliit na bahagi ng balat para makita kung may allergic reactions. Haluan din ng kaunting tubig ang oil, turmeric at luya kung ito ang gagamitin.
-
Aloe vera ang isa sa mga mabisang gamot sa an–an sa likod, mukha at iba pang bahagi ng balat.
Kilala ang halaman na ito na nakagagaling ng ilang mga skin problems. Mayaman ito sa vitamin B12, na makatutulong sa paggamot ng an-an.
Ito ay may anti-inflammatory at alkalizing properties na magbibigay ginhawa sa apektadong bahagi ng balat at tutulong na maiwasan ang pagkalat ng an-an.
-
Ang halamang neem na mayroong mapait na dahoon.
Kilala rin ito bilang natural remedy sa iba’t ibang skin infections. Mayroon itong antimicrobial properties na mabisang gamot sa an-an.
-
Maaaring maglagay ng yoghurt paste sa apektadong bahagi ng balat.
Makatutulong ito para ma-neutralize ang overbalance ng yeast na pangunahing dahilan kung bakit nagkakaroon ng an-an. Mayaman sa probiotics ang yoghurt kaya makatutulong ito para mapanatiling balanse ang growth ng fungi sa katawan.
-
Magandang pang-moisturize ng balat ang coconut oil.
Ito ay natural anti-fungal na makapipigil sa fungal infections tulad ng an-an.
-
Maaaring paghaluin ang one teaspoon ng turmeric at kalahating kutsarang cold yoghurt.
Haluin ito nang maigi at ipahid sa balat na may an-an. Hayaan itong nakalagay sa balat nang 10 hanggang 15 minuto. Pagkatapos ay punasan ito ng warm, damp cloth.
Subalit gaya ng karamihang halamang gamot, mag-ingat kapag gagamit ng home remedies bilang gamot sa an-an. Ito ay dahil baka sa halip na makatulong ay lalo pa itong makasama sa kondisyon ng iyong balat.
Tiyakin din na wala kang allergy sa mga nabanggit na home remedies bago ito gamiting gamot sa an-an.
Paano maiiwasang magkaroon ng an-an?
Bagamat mahirap malaman kung kailan biglang susulpot ang sakit na ito sa iyong balat, mayroong mga bagay na pwede mong gawin para mabawasan ang posibilidad na magkaroon ka ng tinea versicolor.
Narito ang ilan sa kanila:
- Umiwas sa mga maiinit na lugar
- Iwasan ang paggamit ng oily skin products.
- Maaaring iwasan ang pagpapaitim (sunbathing) o labis na exposure sa araw
- Iwasan ang matinding pagpapawis. Magsuot ng komportableng damit kapag mainit ang panahon. Gayundin, maligo agad kapag pinawisan o kaya punasan ang iyong balat.
- Ugaliing magdala ng ekstrang damit kung aalis ng bahay. Magpalit ng damit kapag pinawisan. Makatutulong ito para maiwasan ang sweat build-up na nagdudulot ng an-an.
- Gumamit araw-araw ng sunscreen. Piliin ang sunscreen na broad ang spectrum, may non-greasy formula na may 30 minimum sun protection factor (SPF).
- Subukang gumamit ng mga anti-dandruff shampoo na may selenium o ketonazole.
- Panatiliing malakas ang iyong immune system. Kumain ng tama, mag-ehersisyo at magkaroon ng sapat na tulog at pahinga.
Tandaan, hindi nakakahawa ang tinea versicolor, kaya hindi dapat ito pandirihan. Hindi rin ito nagdudulot ng permanent pigmentation at peklat.
Subalit kung nakakaranas ka ng mga sintomas nito, mas makakabuti pa rin na kumonsulta sa isang dermatologist. Sundin at seryosohin ang medical advice ng iyong doktor upang maiwasang bumalik ang sintomas ng an-an.
Iba pang skin condition na may ilang sintomas tulad ng an-an
Mahalagang magpakonsulta kung ang sintomas ng sakit sa balat ay pabalik-balik. Ito ay upang maiwasan ang paglala nito. Bukod pa rito, may ilang problema sa balat na maaaring mapagkamalang tinea versicolor tulad ng:
- Vitiligo – skin disease kung saan ay nawawala ang kulay ng iyong balat.
- Pityriasis rosea – skin rash na nagdudulot ng small spots na lumalapad sa katawan at bumubuo ng tila hugis puno.
Matutulungan ka ng iyong doktor na malaman kung ano ang iyong kondisyon. Titingnan nito ang features ng iyong skin condition tulad ng texture at rash pattern.
Panatilihing malinis ang paligid para maiwasan ang fungal infection
Upang maiwasan na magkaroon ng problema sa balat dulot ng fungal infection, siguraduhing linisin ang bahagi ng bahay at mga gamit na maaaring pamahayan ng fungi. Ang mga sumusunod ang ilan sa maaaring gawin:
- Panatilihing tuyo at malinis ang iyong balat
- Pahanginan at paarawan ang sapatos at iba pang footwear bago muling suotin.
- Tiyaking magsuot ng malinis na medyas at underwear araw-araw.
- Kung hindi kailangang magsuot ng sapatos, mas mabuting magsuot na lang ng sandals o tsinelas para mahanginan ang mga paa.
- Kung mag-eehersisyo, gumamit ng maluluwag na damit bilang workout clothes. Ito ay para mapanatiling tuyo ang iyong balat.
- Gumamit ng sandals o tsinelas sa pool area, communal showers, at locker rooms.
- Ugaliing maghugas ng kamay
- I-disinfect ang mga exercise equipment bago at matapos gamitin.
- Maligo agad matapos mag-work out at ilagay sa labahan ang damit.
- Isampay at patuyuin ang mga damit
- Kung mayroon kang sugat, linisin ito at i-cover. Huwag din munang pumunta sa sauna, hot tubs, at steam rooms hanggang sa ito ay gumaling.
Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.