Buntis na may leukemia, tinanggihan ang chemo para mabuhay ang baby

Dahil sa pag-aakalang maisasalba niya ang buhay ng kaniyang dinadala sa pamamagitan ng pag-delay sa kaniyang cancer treatment, isang babae at kaniyang sanggol ang magkasunod na namatay dahil sa kumplikasyon dulot ng leukemia.

Idinelay ni Brianna Rawlings ang gamot sa leukemia na kailangan niyang pagdaan para gumaling upang mabigyan ng tiyansang mabuhay ang sanggol na kaniyang dinadala.

Bagamat naipanganak niya ang sanggol, kulang naman sa buwan ito na nasa 26 weeks palang nang isilang. Dahilan upang bawian rin ito ng buhay matapos ang labing-dalawang araw.

Image from Dailymail UK

Paglipas naman ng ilang buwan ng mamatay ang anak ay sunod na binawian din ng buhay si Brianna sa kabila ng masigasig na paglaban sa sakit na cancer.

Pag-iwas sa gamot sa leukemia

Si Brianna Rawlings ay isang 19-year-old na cancer patient mula sa Sydney, Australia. Na-diagnose siya ng nakakamatay na blood cancer o leukemia noong siya ay apat na buwan ng nagdadalang-tao sa kaniyang baby boy. Kahit nalaman niya na ang tungkol sa kaniyang sakit ay mas pinili ni Brianna na i-delay muna ang kaniyang cancer treatment. Ito ay upang mas mabigyan ng tiyansa ang kaniyang sanggol na mabuhay kesa sa kaniya.

Nang malaman nga daw ni Brianna ang kaniyang sakit matapos ang series of test ay nagulat daw ito.  Nagalit din siya at hindi inaasahang ganito daw ito kaseryoso. Lalo pa’t noong una ay inakala niyang morning sickness lang. Dahil nga dito ay naging bedridden na si Brianna. Ito ay dahil sa maselan niyang kondisyon at para mas mabantayan ang kalagayan niya pati narin ng kaniyang baby.

Dahil naman sa mahinang immune system dala ng kaniyang sakit, nagkaroon ng isang infection si Brianna. Ito ang naging dahilan upang magkaroon ng force at emergency Caesarean delivery ang kaniyang anak na 26 weeks old palang.

Naisilang naman ng buhay ang baby boy ni Brianna na pinangalan niyang Kyden. Ngunit pagtapos ng labing-dalawang araw ay binawian rin ng buhay si Kyden dahil sa isang stomach infection.

Image from Dailymail UK

Ayon sa isang interview kay Brianna, sinabi niyang ang 12 days na nakasama niya ang kaniyang baby boy na si Kyden na kung saan nahawakan niya ito at nakausap tulad ng kaniyang ginagawa habang nasa tiyan niya palang ito ay ang pinaka-special at the best daw na 12 days sa kaniyang buhay.

Sakit na leukemia

Matapos ang pagkamatay ng kaniyang anak ay sumumpa si Brianna na lalabanan niya ang kaniyang sakit. Hindi lang para sa kaniyang sarili kung hindi pati narin sa kaniyang baby boy.

Si Brianna ay may hindi pangkaraniwan ngunit aggressive na sakit na NK Leukemia. Ito ay isang blood disease na pumipigil sa bone marrow na makapagproduce ng healthy blood cells na kinakailangan ng intensive na chemotheraphy treatment para malampasan.

Bagamat pinayuhan siya ng mga doktor na magpagamot muna at huwag ituloy ang pagbubuntis noon sa kaniyang baby Kyden pinili ni Brianna na i-delay ang gamot sa leukemia na kailangan niyang pagdaanan. Ito ay para tumaas ang tiyansa ng kaniyang anak na mabuhay.

Image from Dailymail UK

Paglaban sa leukemia

Ilang buwan lumipas mamatay ng kaniyang anak ay nakitaan ng improvement ang kalusugan ni Brianna. Mula sa pagiging bedridden ng ma-diagnosed ang kaniyang sakit, si Brianna ay kinaya ng lumabas sa ospital para mamasyal.  Tumaas din ang kaniyang blood level at ginagawa niya ang lahat para makapaglakad ulit. Ang lahat daw ng ito ay kaniyang ipinangako sa kaniyang anak.

Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon biglang lumala ang sakit ni Brianna na kahit ang isang bone marrow transplant ay hindi na kaya itong gamutin.

Namatay siya matapos ang dalawang injection ng cancer-fighting drug at ilang araw pagtapos niyang i-celebrate ang kaniyang 19th birthday.

Dahil nga sa hindi pangkawaniwang sakit, ang kondisyon ni Brianna ay pinag-aaralan at sinusubaybayan ng mga estudyante at doktor sa buong mundo na na-enjoy din daw ni Brianna.

Image from Dailymail UK

Ayon nga kay Brianna, umaasa siya na ang kaniyang kaso ay makakatulong sa iba pagdating ng panahon. Umaasa din siya na ang kaniyang kwento ay magsilbing inspirasyon sa iba para labanan ang kung ano mang pagsubok na pinagdadaanan nila.

Hinikayat niya rin ang sinumang makakabasa ng kaniyang mensahe na maging positive, maging malakas at palibutan ang sarili ng mga supportive na tao. Ganoon din ang lumayo sa lahat ng negativity habang pinapasalamatan ang magagandang araw at nilalabanan ang mga araw na puno ng pagsubok at problema.

Ano ang NK Leukemia

Ang Aggressive NK-cell leukemia o kilala rin sa tawag na aggressive NK-cell lymphoma, or ANKL ay isang hindi pangkaraniwang uri ng leukemia. Ang sakit na ito ay tumutukoy sa hindi pangkaraniwang paggawa o pagproproduce ng katawan ng NK cell o natural killer cells na mas malaki kumpara sa normal na bilang. Ito ay mabilis magdevelop bagamat mahirap tukuyin. Ang karaniwang naapektuhan ng sakit na ito ay ang dugo at bone marrow ng isang tao na minsan ay maari ring makaapekto sa liver o spleen.

Ang mga taong mayroon nito ay mayroong sintomas gaya ng sumusunod:

  • B symptoms tulad ng unexplained fever, night sweats at unexplained weight loss
  • Mas malaki sa normal na liver o spleen
  • Mababang bilang ng healthy blood cells
  • Mas malaki sa normal na lymph nodes

Ang paraan para malunasan ang sakit na ito ay sa pamamagitan ng chemotheraphy samantalang ang iba ay maaring dumaan naman sa stem cell transplant.

Ano ang mga gamot sa leukemia

Maraming paraan o treatment ang gamot sa leukemia. Nakadepende ang treatment na gagawin sa pasyente nito base sa edad, uri ng leukemia at lala ng sakit. Ang mga sumusunod na treatment o gamot sa leukemia ay ang sumusunod:

 Chemotherapy

Ang chemotherapy ang isa sa major treatment na ginagawa laban sa sakit. Sa pamamagitan ng drug treatment o gamot sa leukemia na ito ay pinapatay ang cancer cells sa katawan ng pasyente. Ang chemotherapy ay magagawa sa pamamagitan ng pag-inom ng isang pill o pag-inject ng gamot na deretso sa ugat ng pasyente.

Targeted therapy

Ang targeted therapy ay isinasagawa rin para patayin ang mga cancer cells sa katawan ng pasyente. Pero mas naka-focus ito na i-block ang abnormalities sa cells ng katawan para mapigilan ang tuluyang paglala ng sakit.

Radiation therapy

Ang therapy naman na ito ay isinasagawa sa tulong ng radiation. Sa pamamagitan ng X-ray o iba pang high-energy beams ay pipigilan ng therapy ang growth ng cancer cells. Ang radiation therapy maaring gawin sa bahagi lang ng katawan na kung saan may koleksyon ng cancer cells. Madalas ay isinasagawa rin ang therapy na ito bilang paghahanda sa cancer patient na sasailalim sa bone marrow transplant.

Bone marrow transplant

Ang bone marrow transplant ay kilala rin sa tawag na stem cell transplant. Ito ay isinasagawa upang matulungan ang katawan ng cancer patient na magkaroon ulit ng healthy stem cells. Pero bago ang bone marrow transplant, tulad ng nabanggit ang pasyente ay kailangang sumailalim sa high dose na chemotherapy at radiation therapy. Ito ay para mapatay ang mga leukemia-producing bone marrow bago ito mapalitan ng bago.

Sources: Yahoo News, The Epoch Times, Daily Mail, Cancer, Mayo Clinic

Basahin: Three-year old diagnosed with breast cancer