14 na natural na solusyon para mawala ang pamamanas ng paa

14 na natural na solusyon para mawala ang pamamanas ng paa

Buntis at namamanas ang paa? May mga paraan na maaring gawin upang malunasan ito na hindi kailangang bilhin at maaring gawin kahit nasa bahay lang!

Narito ang mga natural na paraan o gamot sa pamamanas ng paa na ligtas sa mga babaeng nagdadalang-tao.

gamot sa pamamanas ng paa

Image from Freepik

Pamamanas ng paa

Ang pamamanas ng paa ay isa sa mga pagbabago sa katawan na nararanasan ng mga babaeng nagdadalang-tao. Ito’y madalas na nararanasan sa third trimester ng pagbubuntis. Paliwanag ng siyensya, nangyayari ito dahil sa pamamaga ng katawan dulot ng patuloy na pag-susupply ng dugo at fluid upang masuportahan ang pagbubuntis. Pero ito rin ay maaaring dulot ng mainit na panahon, dietary imbalance, caffeine intake, hindi pag-inom ng sapat na dami ng tubig at pagtayo ng matagal.

Para malunasan ang pamamanas ng paa partikular na sa mga buntis ay may mga paraang maaaring gawin na natural at ligtas para sa kaniya. Ang mga ito ay ang sumusunod:

Mga natural na paraan at gamot sa pamamanas ng paa

1. Bawasan ang iyong sodium intake.

Isa sa mga paraan upang maibsan ang pamamanas o pamamaga ng paa ay sa pamamagitan ng paglilimita ng pagkain ng maaalat. Tulad ng mga canned o processed foods na may mataas na sodium content. Dapat din ay iwasan ang paglalagay ng dagdag na asin sa mga pagkain para magkalasa. Sa halip ay gumamit ng mga savory herbs tulad ng rosemary, thyme at oregano.

2. Dagdagan ang potassium intake.

Ang kakulangan sa potassium ng katawan ay isa ring dahilan kung bakit nararanasan ang pamamaga o pamamanas. Dahil sa ang potassium ay nakakatulong upang mabalanse ng katawan ang fluid na mayroon ito.

Sa mga buntis ang pagdadagdag ng potassium intake ay magagawa sa tulong ng mga prenatal vitamins na may taglay nito. O kaya naman ang pagkain ng mga pagkaing rich in potassium tulad ng patatas, kamote, saging, spinach at yogurt.

3. Limitahan o bawasan ang caffeine intake.

Ang pag-inom ng labis na kape o inuming nagtataglay ng caffeine ay masama sa pagdadalang-tao. Ito ay nagdudulot din ng pamamanas. Dahil sa ang caffeine ay isang diuretic na nagiging dahilan upang mas madalas na maihi ang isang tao at mag-retain ng tubig ang katawan.

Kaya naman kung maaari ay dapat muna itong iwasan ng isang buntis. Sa halip ay uminom ng decaf coffee na may gatas o herbal tea bilang alternatibo.

4. Uminom ng mas maraming tubig.

Ang dehydration ay isang dahilan din upang mag-retain ng tubig ang katawan. Kaya naman para maiwasan ito ay mas mainam ang pag-inom ng mas maraming tubig.

Rekomendasyon ng mga health expert, subukang uminom ng hanggang sa 10 baso ng tubig sa isang araw. Upang mailabas ang mga dumi sa katawan at mapanatili itong hydrated.

gamot sa pamamanas ng paa

Image from Freepik

5. I-elevate o itaas ang iyong paa sa tuwing nagpapahinga.

Para ma-drain ang mga fluid na naipon sa iyong paa sa buong maghapon, itaas o i-elevate ito sa tuwing mauupo o magpapahinga. Pero hindi nangangahulugan ito na dapat lang maupo palagi. Dapat ay naglalakad-lakad din o nanatiling active para maihanda ang iyong katawan sa pagdating ni baby.

6. Magsuot ng maluluwag at komportableng damit pang ibaba.

Ang pagsusuot ng masisikip na damit pang ibaba tulad ng tight-fitting jeans ay maaaring makadagdag sa pamamaga o pamamanas ng iyong paa. Kaya naman mabuting iwasan ito at magsuot ng mga damit na magpapanatili ng maayos na circulation ng dugo. Tulad ng mga maluluwag ngunit komportable damit gaya ng maxi maternity dress para sa mga buntis.

7. Panatilihing cool ang pakiramdam o katawan.

Ang init ng panahon at katawan ay maaari ring makapagdagdag sa pamamaga o pamamanas. Kaya naman dapat ay panatilihing cool lang ito sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga maiinit na lugar at pagsasagawa ng vigorous na exercise.

gamot sa pamamanas ng paa

Image from Freepik

8. Mag-suot ng high-waist compression socks o stockings.

Ang mga compression socks o stockings ay nakakatulong upang bahagyang mapiga ang iyong binti na nagiging dahilan upang mapanatili ang pagsi-circulate ng tubig o dugo rito. Sa ganitong paraan ay mas naiiwasan ang pamamaga o pamamanas ng paa. Ngunit dapat ang susuoting compression socks o stockings ay high-waist at hindi lagpas lang sa iyong tuhod. Dahil kung knee-high lang ang stockings ay masikip ito sa isang bahagi ng binti na maaring mas magpalala pa ng pamamaga.

9. Maglakad-lakad.

Ang paglalakad-lakad ang pinakaligtas na uri ng exercise sa mga buntis. Ito rin ay nakakatulong para ma-improve ang blood circulation ng katawan.

Sa mga buntis, ang 5-10 minuto ng paglalakad-lakad dalawang beses sa isang araw ay malaking bagay na.

10. Mag-suot ng komportableng sapatos.

Maliban sa mas ligtas ang pagsusuot ng komportableng sapatos kumpara sa high heels kapag buntis ay mayroon din itong maidudulot na benepisyo. Dahil sa ang komportable at well-fitting shoes ay nakakatulong din upang maiwasan ang pamamaga o pamamanas ng paa kapag nagdadalang-tao.

11. Paglangoy o pagbabad sa tubig.

Maraming buntis ang nagsasabing naiibsan ang pamamanas ng kanilang paa sa tuwing sila ay nasa pool. Nakakatulong din ito para gumaan ang pakiramdam at ma-exercise. Ang kailangan lang ay siguraduhing nakalubog sa tubig ng hanggang sa iyong leeg upang maiwasan ang labis na pressure sa iyong tiyan.

12. Magpamasahe.

Ang pagmamasahe ng paa ay isang paraan din upang mag-circulate ang fluids o dugo rito. Kung may oras ang iyong asawa ay mainam na paraan din ito upang makapag-bonding kayo at mas maging involve sa iyong pagdadalang-tao.

gamot sa pamamanas ng paa

Image from Freepik

13. Pagtulog sa iyong left side.

Ayon sa mga health expert, ang pagtulog ng nakatagilid paharap sa kaliwa ay nakapag-improve ng blood flow. Kaya naman isang ligtas at natural na gamot sa pamamanas ng paa rin ito sa mga buntis.

14. Pagbabad sa iyong paa sa Epsom salt.

Ang pagbabad o paglulubog sa iyong paa sa maligamgam na tubig na may Epsom salt ay isang paraan din upang maibsan ang pamamanas.

Para magawa ito ay kumuha ng palanggana na kakasya ang iyong paa. Lagyan ito ng maligamgam na tubig na mayroong ½ cup ng Epsom salt. Ibabad dito ang iyong mga paa sa loob ng 15 minuto. Sa ganitong paraan ay magiginhawaan ang paa mo at maiibsan ang pananakit at pamamanas nito.

 

Source:

Healthline

BASAHIN:

Pagmamanas ng buntis: Mga mahalagang kaalaman

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

Kung ano mang opinyon o ideya ang naibahagi dito ay sariling opinyon at ideya ng may katha; at walang kinalaman at hindi nagsasaad ng posiyon ng theAsianparent at ang mga cliente nito.
Article Stories
app info
get app banner