Mga ligtas na gamot sa ubo at sipon ng buntis
Narito ang mga paraan at gamot sa ubo at sipon ng buntis na ligtas para sa kaniya at sa sanggol na kaniyang dinadala.
Ano ang gamot sa ubo at sipon ng buntis? Iyan ang madalas na tanong ng mga babaeng nagdadalang-tao lalo na sa panahong malamig na uso ang mga sakit na ito.
Kapag nagdadalang-tao, lahat ng gagawin o iinumin ng buntis ay maaring makaapekto rin sa sanggol na dinadala nito. Kaya naman kinakailangan ang doble-pagiingat upang hindi magkasakit at sa pag-inom ng mga gamot para maibsan ang mga sakit na gaya ng sipon at ubo.
Ayon sa University of Michigan Health System at karamihan ng mga OB-Gyns, mabuti raw na hindi uminom ng kahit anong gamot o medications sa unang labing-dalawang linggo ng pagbubuntis ang isang babae. Ito daw kasi ang critical time sa development ng mga vital organs ng baby.
Kaya naman para hindi makasama kay baby ay maaring subukan ng isang buntis ang mga natural remedies o paraan para maggamot ang kaniyang sipon at ubo lalo na sa critical time na ito.
Mga natural na gamot sa ubo at sipon ng buntis
- Sapat na pahinga
- Uminom ng maraming tubig
- Kumain ng tama
- Kung may sore throat o ubo, magmumog ng maligamgam na tubig na may asin
Kung sakali namang lumala ang mga sintomas ng ubo at sipon ay maaring gawin ang mga sumusunod:
- Gumamit ng saline nasal drops o sprays para matanggal ang mga nasal mucus o sipon at magamot ang mga namamagang nasal tissue
- Paggamit ng facial steamer o hot-mist vaporizer o ang paliligo sa maligamgam na shower o tubig
- Pagkain ng chicken soup para maibsan ang pamamaga sa nasal tissue at congestion
- Paglalagay ng honey o lemon sa mainit na tasa ng decaffeinated tea para sa sore throat
- Paggamit ng hot and cold packs para maibsan ang pananakit ng sinus
Paglagpas naman ng ika-labingdalawang linggo ng pagbubuntis, ay may mga paraan o medications na maaring gawin para magamot ang ubo at sipon na ligtas para sa buntis at sa sanggol na dinadala nito. Ngunit mahigpit paring ipinapayo ang pagtatanong muna sa doktor bago gumawa o uminom ng kahit anong medication habang nagdadalang-tao.
Mga ligtas na medications o gamot sa ubo at sipon ng buntis
- Paglalagay ng menthol rub sa dibdib, sintido at ilalim ng ilong
- Pagamit ng nasal strips para sa mag congested airways
- Pagkain ng cough drops o lozenges
- Pag-inom ng acetaminophen gaya ng Tylenol para sa sakit at lagnat
- Pag-inom ng mga cough suppressant tulad ng dextromethorphan (Robitussin) at dextromethorphan-guaifenesin (Robitussin DM)
Inirereseta din ng ilang mga OB-GYN ang Sinupret para sa sipon at Lagundi para sa ubo.
*Ngunit dapat tandaan na bago uminom ng kahit na anong gamot sa ubo at sipon ng buntis ay konsultahin muna ang duktor.
Ilan naman sa mga gamot na dapat iwasang inumin habang nagdadalang-tao puwera nalang kung nirekomenda ng doktor ay ang mga sumusunod:
- Aspirin
- Ibuprofen (Advil, Motrin)
- Naproxen (Aleve, Naprosyn)
- Codeine
- Antibiotic
Pero sabi nga prevention is better than cure, kaya naman mas mabuti ring malaman ng isang buntis ang mga dapat niyang gawin upang makaiwas sa mga sakit gaya ng sipon at ubo gaya ng mga sumusunod:
- Madalas na paghuhugas ng kamay
- Pagkakaroon ng sapat na oras ng tulog
- Pagkain ng tama at masustansiya
- Pag-iwas sa mga may sakit na kapamilya o kaibigan
- Regular na pag-eexercise
- Pag-iwas sa stress
- Pag-inom ng mga prenatal vitamins at probiotics
Para naman sa dagdag na proteksyon ng isang buntis mula sa impeksyon at kumplikasyon na maaring idulot ng sipon at ubo ay maari itong magpabakuna ng flu vaccination.
Ang flu vaccination ay nakakatulong at pumoprotekta sa isang buntis at sa kaniyang dinadala hanggang sa anim na buwan matapos manganak. ito ay ayon sa Center for Disease Control and Prevention o CDC.
Inirerekomenda rin ng CDC na mabakunahan ang lahat ng mga buntis sa pagitan ng kanilang 27th-36th week ng pagbubuntis ng Tdap vaccine o ang Tetanus, diphtheria, and pertussis vaccine.
Ito ay para maprotektahan ang mga baby na kanilang dinadala mula sa mga naturang sakit at sa whooping cough na isang nakakahawang impeksyon. Ang mga sintomas ng sakit na ito ay ang malakas at madalas na pag-ubo kasunod ang paghinga na tila gumagawa ng whooping sound.
Ayon sa CDC dapat mabakunahan ang mga buntis ng Tdap vaccine bilang proteksyon sa kanilang baby mula sa whooping cough sa oras na sila ay isilang.
Samantala may mga sintomas rin na dapat bantayan ang mga buntis kasabay ng ubo at sipon na kailangan agad ng medikal na atensyon ng doktor. Ang mga ito ay ang sumusunod:
- Pagkahilo
- Hirap sa paghinga
- Pag-ubo ng plemang may kakaibang kulay
- Pananakit ng dibdib
- Pagdurugo sa pwerto
- Pagkatuliro
- Pagsusuka
- Mataas na lagnat na hindi bumaba kahit inuman ng acetaminophen
- Decreased fetal movement o paghina ng pagagalaw ng sanggol sa sinapupunan
Ang pagbubuntis ng isang babae ay napakasenstitibo lalo pa’t dalawang buhay ang nakataya rito. Kaya naman kinakailangan ang mahigpit na pag-iingat sa kalusugan nito lalo na sa mga pagkain at gamot na iinumin at kakainin ng mga nagdadalang-tao.
Sources: CDC, HealthLine, American Pregnancy