Ubo ng baby: Sanhi, sintomas, at gamot para dito

Ubo ng baby: Sanhi, sintomas, at gamot para dito

Marami nga bang ibig sabihin ang iba’t ibang ubo ng isang sanggol? Narito ang ilang paraan para malaman kung anong uri ng ubo ang nararamdaman ng iyong baby

Anu-ano ang puwedeng ibigay na gamot sa ubo ng baby? Alamin kung ano ang dapat gawin kapag inuubo ang iyong sanggol at kung kailan dapat mabahala.

Sadyang mahirap mag-alaga ng sanggol na may ubo dahil hindi niya masabi sa iyo kung ano ang nararamdaman. Kailangang maging mapagmasid at makinig sa bawat tunog ng ubo at paghinga ni baby, para matanto kung anong klase ng ubo ang mayron siya.

Hindi naman puwedeng itulad sa ating mga matatanda na kahit anong oras ay bibili lang ng gamot sa botika para sa ubo at sipon. Kapag baby at mga bata ang inuubo at sinisipon, hindi gamot sa ubo ng baby ang unang solusyon.

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Ano nga ba ang ligtas na gamot sa ubo ng baby ?

Maraming puwedeng maging kahulugan ang ubo ng isang sanggol. Dapat bang hintaying mawala ang ubo? Paiinumin lang ba ng gamot sa ubo ng baby  katulad ng cough syrup? Dapat bang magpa-appointment muna kay Dok, o dapat nang isugod si baby sa Emergency Room?

Ayon kay Robert Giesler, BSN, RN, RNC-NIC, RRT, CPST, isang respiratory therapist sa Children’s Hospital Los Angeles, kapag nasanay ka na sa pakikinig sa iba’t ibang batang umuubo, matatanto mo na ang iba’t ibang uri nito at kung alin ang dapat na ikabahala. Natural na nakakaawa kapag naririnig mong may halak o ubo ng ubo ang iyong baby, lalo na sa gabi.

Bakit inuubo si baby?

Unang dapat maintindihan ay ang sanhi ng ubo.

Ubo ang unang depensa ng katawan, para mapanatiling bukas ang airways at alisin ang bumabarang plema, o di kaya ay pagkain. Ito ang pinakaimportanteng paraan ng proteksiyon ng katawan laban sa mga sakit sa respiratory tract. Ang pag-ubo din ang magbibigay sa magulang ng hudyat kung anong klaseng sakit ang nagbabadya.

Kapag ang bata ay wala pang 4 na buwang gulang ay nagsimulang ubuhin nang malala, ito ay dapat ikabahala, ayon kay Dr. Carlo Palarca, MD, isang internist.

Kapag tag-lamig at inabutan ng matinding ubo ang isang sanggol, maaaring ito ay respiratory syncytial virus (RSV), isang delikadong viral infection na nakukuha ng mga sanggol.

Anong klaseng ubo mayro'n si baby?

Habang lumalaki ang bata, at lagpas na ng isang taong gulang, hindi na nakakabahala ang ubo. Mas malamang na ito ay kasama lang ng sipon o common cold, paliwanag ni Dr. Palarca.

May dalawang uri ng ubo sa mga bata, ayon kay Dr. Palarca:

  • Tuyo o dry cough, kung saan ang bata ay may sipon o allergies kaya inuubo. Tumutulong kasi ang pag-ubo sa pagtulo ng sipon at sa pagpapaluwag ng lalamunan at airway, kung saan nakaharang ang plema.
  • Basa o wet cough, na sanhi ng respiratory illness na may bacterial infection. Ito ang uri ng ubo na may plema o mucus (na may kasamang white blood cells na lumalaban sa germs) na nasa lalamunan ng bata.

     

gamot sa sipon ng baby

Mga sintomas na dapat “pakinggan” at mga gamot sa ubo ng baby

Si baby ba ay may halak? Hirap ba sa paghinga at may wheezing na parang sumisipol, o ubo ng ubo na parang walang tigil? Ano ang sanhi ubo ni baby, at ano ang dapat gawin dito?

Ubo na sintomas ng sipon: Ubong may halak

Senyales ng sipon at nagbabadyang trangkaso ang baradong ilong at sore throat. Kaya’t kapag inubo ang bata, may halak dahil sa plema sa lalamunan na sinusubukang alisin ng sistema. Minsan ay nilalagnat din.

Simpleng solusyon: Kailangan lang ng maraming tubig at fluids si baby. Ayon sa American Academy of Pediatrics, hindi pa dapat bigyan ng gamot sa ubo ng baby ang isang sanggol, at mga batang wala pang 6 na taong gulang, hangga’t maaari.

Makakatulong ang mga natural na pag-gamot tulad ng pagpapainom ng honey para sa mga batang 1 taong gulang pataas, saline drops, at paggamit ng cool-mist humidifier.

Kapag ang ubo ay may kasamang lagnat na nasa 38°C o mas mataas pa, mas mabuting dalhin ang bata sa doktor, lalo na kung wala pang 4 na buwang gulang ito.

Croup: Ubo na parang kumakahol

Ito ang pinaka-karaniwang ubo sa mga batang 5 taong gulang at mas bata pa.

Ito ang walang humpay na pag-ubo na ang tunog ay parang kumakahol ang bata at hirap huminga. Sanhi ito ng viral infection, na nagpapamaga sa lalamunan o trachea kaya’t halos magsara ang daanan ng hangin o hininga.

Mabilis ding nawawala ang ubong ito, minsan ay hanggang 4 na araw lang. Kung tumagal ang ganitong ubo, ikunsulta agad sa doktor.

Simpleng solusyon: Makakatulong ang steam treatment sa ubong ito ni baby. Magpakulo ng tubig na may menthol (tulad ng Vicks), at ipalanghap sa sanggol ang steam nito. Mayro'n na ring nabibiling steam vaporizer na para sa congestion at ubo.

Kung presko sa labas, at may katamtamang init na hangin, puwedeng ilabas ang bata para makatulong ito sa maluwag na paghinga.

Bronchiolitis o Hika: Ubong may wheezing o mistulang pagsipol

Karaniwang nagiging bronchiolitis ang ubo, kasabay ng sipon.

Kapag may kasamang hirap sa paghinga at pagsipol, maaaring sanhi ito ng bara sa daanan ng hangin o airway, tulad ng alikabok, halimbawa. Kapag may RSV, posibleng mapunta sa bronchiolitis, na delikado para sa mga sanggol na wala pang isang taong gulang. Karaniwan itong umaatake kapag taglamig o tag-ulan, at may kasamang mababang lagnat at pagkawala ng gana.

Hindi karaniwan ang hika, sa mga batang wala pang 2 taong gulang, Maliban kung may nagsimula nang eczema o family history ng allergy o hika. Kapag sumasara ang airway o daanan ng paghinga, at may wheezing o pagsipol, ito ay maaaring hika. May kasama itong sipon, pangangati at pagluha ng mga mata.

Paggamot: Kapag bronchiolitis, kailangan ng bata ng maraming tubig o fluids, pahinga at cool-mist humidifier sa kuwarto. Pakinggang mabuti ang pag-ubo at ang wheezing sound, at kung pakiwari ay lumalala ito at hirap nang huminga ang bata, dalhin ito kaagad sa doktor.

Kung suspetsa ay hika, kumunsulta agad sa doktor para mabigyan ng karampatang lunas, lalo na kung nakikitang hindi na ito makahinga at nagiging maitim na ang bibig at mukha.

May mga gamot para mismo sa hika, pero kailangan ng sapat na diagnosis. Ang salbutamol, halimbawa, ay ibinibigay sa pamamagitan ng nebulizer, na gamit para sa hika.

Ubong dalahit (whooping cough): malakas at madalas na pag-ubo

Ang ubong ito na tinatawag ding pertussis ay walang kasamang sipon o lagnat, ngunit ito ay isang malubhang uri ng ubo. Ito ay delikadong bacterial infection na karaniwang sanhi ng pagkamatay ng mga sanggol, bago nagkaron ng DTP vaccine nuong 1960s, at tuluyang napuksa sa Amerika.

Ayon sa APA, nagbabalik ang sakit na ito at kailangang malaman ang mga sintomas para maagapan ito.

Pag-gamot: Kailangang magmasid at maging alerto sa mga sintomas para maiwasan ang pagkakaron nito. Siguraduhing mabakunahan ang bata sa tamang oras at sapat na dose (Tdap  o tetanus, diphtheria, pertussis booster).

Kung ito ang uri ng ubo na napapansin kay baby, dalhin kaagad sa doktor ang bata. Nakakahawa ang ubong ito kaya’t kailangan ding maresetahan ng antibiotic na erythromycin ang mga kasama sa bahay para hindi na ito kumalat.

Ubo na sintomas ng pulmonya: basa at may plema

Ito ay isang viral o bacterial infection na umaatake sa baga na sanhi ng maraming posibleng bagay tulad ng sipon. Kapag may pulmonya ang bata, maririnig ang garalgal ng plema sa pag-ubo nito, siya ay nanghihina at may lumalabas na berde o madilaw na mucus sa ilong at bibig.

Pag-gamot: Kailangang malaman ng doktor kung bacterial o viral ang impeksiyon kaya’t dalhin agad sa doktor ang bata, lalo kung may lagnat.

Tandaan: Dapat ikabahala kapag

  • Ang bata ay wala pang 6 na buwan, at madalas na ang pag-ubo
  • Tumagal na ng hanggang 8 linggo ang ubo
  • Lumulubha ang ubo, at umabot na sa ikatlong linggo
  • Walang gana kumain o dumede si baby. Hirap nang huminga si baby
  • Pinapawisan sa gabi, bumababa ang timbang at may dugo sa pag-ubo
  • May halak, pero walang sipol o wheezing, gabi man o araw.
  • Para sa mga sanggol na wala pang 6 na buwang gulang, gatas ng ina o formula milk lamang ang pwedeng ipainom. Iwasan ang tubig o juice. Sa pagtulog, ihiga ang ulo ng sanggol sa mababang unan para matulungan siyang huminga kapag may ubo at sipon.
  • Karaniwang pinapainom ang batang may ubo ng tubig, juice, gatas, at mainit na sabaw. Sa mas malalaking bata at sa matatanda, pwedeng ipainom ang apple cider at hot chocolate, lalo na para sa makating lalamunan. Katulad ng nabanggit, makakatulong din ang 1/2 kutsarita ng honey bago matulog para maibsan ang sakit ng pag-ubo.
  • Kapag walang gana o mahina kumain ang sanggol at toddler na may ubo, bigyan ng mga pagkaing madaling kainin, lulunin, o nguyain. Nariyan ang mga malalambot na pagkain tulad ng mashed potatoes, ice cream (huwag madami), flavored gelatin, pudding, yogurt, o applesauce.

 

SOURCES: Carlo Palarca, MD; Robert Giesler, BSN, RN; WebMD, MayoClinic

Basahin: Inuubo si Baby, alam mo ba ang gagawin?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner