Yeast infection: Sanhi, sintomas, at gamot para sa candidiasis

lead image

Alamin ang mga sanhi, sintomas at gamot sa yeast infection, simple man o kumplikado, pati na ang mga natural na alternatibong maaaring gamitin

Ang vaginal yeast infection ay isang karaniwang kundisyon. Kilala rin ito sa tawag na candidiasis. Depende sa impeksiyon kung ano ang kakailanganing gamot sa yeast infection.

Para sa mga simpleng impeksyon, maaaring ma-resetahan ng antifungal cream, ointment, tablet, o supositoryo. Para naman sa mga kumplikadong impeksyon, maaaring mas tumagal ang pag-gamit ng mga nabanggit.

Mga sanhi ng yeast infection

Ang fungus na candida ay karaniwang natatagpuan sa ari ng babae kahit pa wala itong problema. Ang lactobacillus ang naninigurado na hindi ito kumalat.

Ngunit, kung magkaroon ng hindi balanse sa sistema ng isang babae, hindi magiging epektibo ang lactobacillus. Dahil dito, sumosobra ang pagdami ng yeast na nagiging sanhi ng sintomas ng yeast infection.

Ang ilang mga kadahilanan ay maaaring maging sanhi ng impeksiyon:

  • Pag-inom ng antibiotics
  • Pagdadalang-tao
  • Diabetes na hindi na-kontrol
  • Mahinang immune system
  • Hindi wastong pagkain
  • Hormonal imbalance
  • Stress
  • Pagkakulang sa tulog

Mga sintomas ng yeast infection

Ang mga karaniwang sintomas ng yeast infection ay:

  • Pangangati sa bandang ari
  • Pamamaga sa bandang ari
  • Masakit na pag-ihi
  • Pagkaramdam ng sakit sa pakikipagtalik
  • Pamumula sa bandang ari
  • Pagpapantal
  • Kulay puti o abong discharge na kumpol-kumpol

Kadalasan, habang tumatagal na hindi ginagamot ang yeast infection, lalo itong lumalala.

Paraan ng pagsusuri

Simple lang ang pagsusuri para sa yeast infection. Kakailanganin lamang ng duktor malaman ang medical history ng pasyente at kung nagkaroon na dati ng yeast infection. Maaari ring tanungin ng duktor kung nagkaroon na ng sexually transmitted infection dati.

Sa pelvic exam, susuriin ng duktor ang loob ng ari at ang cervix ng pasyente. Susuriin din ang paligid para sa ilang senyales ng impeksiyon.

Maaaring kumuha ang duktor ng cells mula sa ari. Ang mga cells na ito ay susuriin sa laboratoryo. Kadalasan itong ginagawa para sa mga pabalik-balik ang impeksiyon.

Gamot sa yeast infection

Bawat yeast infection ay iba-iba kaya importante na magpasuri sa duktor upang malaman ang angkop na gamot. Ang pag-gamot ay kadalasang nagdedepende sa seberidad ng impeksiyon.

Simpleng impeksiyon

Kadalasang magrereseta ang duktor ng mga gamot na gagamitin mula isa hanggang tatlong araw. Ang mga gamot na ito ay maaaring kailanganin ng reseta o hindi. Ang mga kadalasang ginagamit ay:

  • Butoconazole (Gynazole)
  • Clotrimazole (Lotrimin)
  • Miconazole (Monistat)
  • Terconazole (Terazol)
  • Fluconazole (Diflucan)

Kumplikadong impeksiyon

Kinukunsidera ng mga duktor ang yeast impeksiyon bilang kumplikado kapag ang pasyente ay:

  • May sobrang pamumula, pamamaga at pangangati sa ari na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng sugat
  • Nagkaroon na ng 4 na yeast infection sa isang taon
  • May impeksiyon na sanhi ng ibang uri ng candida kumapara sa kadalasang candida albicans
  • Nagdadalang tao
  • May hindi kontroladong diabetes o mahina ang immune system dahil sa gamot
  • HIV positive

Ang mga kadalasang gamot sa yeast infection na kumplikado ay:

  • Antifungal cream, ointment, tablet, o supositoryo na gagamitin nang 14 araw.
  • Dalawa hanggang tatlong dose ng fluconazole (Diflucan)
  • Matagalang pag-inom ng fluconazole (Diflucan) o matagalang pag-gamit ng antifungal cream

Alternatibong gamot sa yeast infection

Ang mga natural at alternatibong remedyo sa yeast infection ay maaari din gamitin. Subalit, kadalasan ay hindi ito kasing epektibo kumpara sa mga inirerekumenda ng mga duktor. Ang mga kadalasang ginagamit ay:

  • Coconut oil
  • Tea tree oil cream
  • Bawang
  • Boric acid vaginal suppository
  • Pagkain o pagpasok sa ari ng plain yogurt

Importanteng siguraduhin na malinis ang kamay bago gumamit ng ano mang gamot sa yeast infection.

 

Source: Healthline

Basahin: Bacterial vaginosis: karaniwang impeksyon sa mga buntis

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner