12-anyos na batang babae, ginahasa ng kaniyang 56-anyos na amain
Isang batang babae kasama ang kaniyang ina ang dumulog sa mga awtoridad upang isuplong ang amain na gumahasa umano sa kaniya.
Ginahasa ng amain na lulong sa droga ang sumbong ng isang 12-anyos na dalagita at kaniyang ina sa mga awtoridad ng Pandacan, Manila.
Ayon sa kuwento ng ina ng dalagita ay ginagawa raw ito ng kaniyang ka-live-in kapag siya ay wala sa bahay at nagtratrabaho.
Dahil sa sumbong ay agad na umaksyon ang mga barangay officials ng Barangay 844 sa Pandacan, Manila upang dakpin ang suspek na kinilalang si alyas “Emil,” 56 taong gulang.
Dalagitang ginahasa ng amain
Rebelasyon ng biktimang dalagita na si alyas “Betty” ay ilang beses na daw siyang ginahasa ng amain. Ginagawa daw ito ng amain matapos gumamit ng illegal na droga.
Pati nga raw mga kabarkada nito na kasama niya sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay ginahasa narin siya. Kapag siya naman daw ay tumatanggi sa gusto ng amain ay nilalatigo siya nito ng solid electrical wire.
Ang pahayag na ito ng dalagita ay kinumpirma ng mga latay ng naturang wire sa kaniyang hita.
Kaya naman upang mapanagot ang nasabing amain sa ginawa niya sa kaniyang stepdaughter ay nagkasa ng isang operasyon ang mga awtoridad upang dakpin ito. Sumama naman ng maayos ang suspek sa mga opisyal ng barangay.
Sa bahay nga ng suspek ay nakuha ang mga drug paraphernalia at shabu na itinuro ng biktimang dalagita kung saan nakalagay.
Ayon sa barangay chairman ng lugar na si Capt. Eddie Tojon ay dati nilang tanod ang suspek. Ngunit ito ay kanilang tinanggal dahil sa paggamit ng illegal na droga.
Sa barangay ay umamin at humingi ng tawad ang suspek sa biktima sa kaniyang nagawa. Napagbalingan niya daw ito dahil laging gabi na umuuwi ang kaniyang live-in partner.
Inamin niya ring siya ay gumagamit ng illegal na droga mula noong 2017 pa. Ito daw ay dahil hirap siyang makahinga na naiibsan daw sa paggamit ng illegal na droga.
Ngunit ang dahilan ng suspek ay hindi naging rason upang mapigil ang pagsampa sa kaniya ng kasong rape ng Manila Police.
“Nahihirapan ako pero wala akong magawa. Hindi ko na makaya. Akala ko magbabago siya,” iyan naman ang naging reaksyon ng ina ng biktima na si alyas “Kristy” sa nangyari sa anak at kaniyang kinakasama.
Ang biktimang dalagita ay dinala ng mga pulis sa Department of Social Welfare and Development para sumailalim sa counseling.
10 paraan para maiiwas ang inyong anak sa sexual abuse
Para sa mga magulang narito naman ang sampung paraan para maiiwas ang inyong anak sa sexual abuse:
1. Upang maging komportable na pag-usapan ang tungkol sa kanilang katawan lalo na ang maseselang bahagi nito ay dapat ipakilala at sabihin sa kanila ang kahalagahan nito. Ito ay para tulungan silang magsalita ng maayos sa oras na may mangyari sa kahit ano mang parte ng katawan nila lalo na sa mga sensitive area.
2. Ipaintindi sa mga bata na ang kanilang private parts ay sinasabing private dahil ito ay hindi dapat makita ng iba.
3. Turuan ang inyong anak tungkol sa body boundaries. Sabihin sa inyong anak na ang kanilang private parts ay hindi dapat hinahawakan ng iba. Hindi rin dapat sila humahawak ng private parts ng iba.
4. Ipaintindi sa inyong anak na hindi maganda ang body secrets at dapat ay agad na ipaalam sa inyo kung mayroon mang nagsabi sa kanila na gawin ito. Ito ay dahil karamihan ng nangaabuso ay tinuturuan ang bata na itago ito.
5. Ipaalam sa inyong anak na wala dapat kumukuha ng litrato ng kaniyang private parts.
6. Turuan ang inyong anak kung paano umalis sa nakakatakot o hindi komportableng sitwasyon kasama ang matatanda at gumamit ng salitang hindi o no kung may gagawin sa kaniyang hindi niya gusto.
7. Bigyan ng code word ang anak kung ito ay nakakaramdam na hindi siya safe at kailangan ng inyong tulong.
8. Sabihin sa inyong anak na hindi siya mapapasok sa kahit anong gulo o kapahamakan kung magsasabi sayo ng body secret.
9. Sabihin sa inyong anak na ang body touch mula sa iba ay maaring nakakiliti o masarap sa pakiramdam ngunit ito ay mali o bad touch.
10. Ipaala rin sa inyong anak na ang mga rules na ito ay dapat iapply sa lahat ng tao kahit kakilala at malapit sa kaniya o kahit sa ibang bata tulad niya.
Sources: ABS-CBN News, Child Mind
Photo by Arwan Sutanto on Unsplash
Basahin: 12-anyos na batang lalaki, ginahasa ang kapatid na babae dahil sa video games