Nakatikim ka na ba ng ginataang tilapia at nais na sumubok na maghanda nito para sa iyong pamilya, kaibigan o kakilala? Sa artikulong ito, matututunan mo ang isang ginataang tilapia recipe na napakadaling gawin ngunit may sarap na siguradong mai-enjoy ng iyong family.
Ginataang tilapia recipe
Isa ang tilapia sa mga isdang mura at madaling makita sa pamilihan. May makikita pa nga at mabibiling buhay pa nito. Maliban sa maraming luto ang magagawa rito, masarap at malinamnam ang laman ng isdang ito. Kahit nga simpleng, prito o kaya kinamatisang tilapia siguradong masisimot kapag ito ang isdang iniluto mo. Ang kailangan lang ay matutong linisan ito ng maigi para mas maging kaaya-aya lalo ang presentasyon nito.
Pagdating sa mga luto sa tilapia, isa sa nire-request ng marami sa atin ay iyong ginataan. Lalo na iyong may konting anghang na mas magpaparami ng kain mo. Mukha man itong napaka-special kung titingnan, napakadaling iluto ng ginataang tilapia. Ang kailangan lang ay siguraduhing lahat ng sangkap o ingredients na iyong gagamitin ay sariwa. Tandaang mas ayos gamitin ang tilapiang sariwa. Marami ka rin mabibili na may kakaibang lasa dahil hindi na sariwa at mag-iiba ang lasa nito kapag naluto na.
Excited ng malaman at subukan kong paano ito gawin? Narito ang mga ingredients o sangkap na kailangan mo na munang bilhin at ihanda.
Ingredients o sangkap sa pagluluto ng ginataang tilapia
- 2 piraso ng tilapia na nakaliskisan at natanggalan na ng hasang
- 1 lata o 1 ½ tasa ng gata ng niyog
- 4 na tangkay o pirasong dahon ng mustasa
- 1 maliit na piraso ng luyo
- 3 butil ng bawang
- 1 pirasong sibuyas
- Asin o patis
- Paminta
- 1 tasang tubig
- 2 pirasong siling green o labuyo
- 2 kutsarang mantika
BASAHIN:
Ginataang kalabasa recipe: A healthy and delicious meal for the family
Batangas Lomi recipe, na pwedeng-pwede niyong iluto sa bahay!
Tips sa pagluluto ng ginataang tilapia
Nauna ko ng nabanggit na ang sikreto sa pagluluto ng masarap na ginataang tilapia, ay ang paggamit ng fresh na isda. Para nga masigurong sariwa ang tilapiang gagamitin sa recipe na ito, tandaan ang mga sumusunod sa pagpili at pagbili ng isda.
Palatandaan na fresh ang isda
Background photo created by topntp26 – www.freepik.com
- Bagama’t ang mga isda ay natural na may malansang amoy, hindi ito dapat masakit sa ilong o hindi kaaya-aya. Dapat ay amoy sariwa at malinis pa rin ito.
- Tingnan ang mata ng isda. Dapat pabilog o nakaumbok pa ito. Ito rin ay dapat makintab o tila buhay pa kung titingnan. Kung tila cloudy o milky at lubog na ang mata ng isda nangangahulugan na ito ay may katagalan na.
- Ang balat at kaliskis ng isda ay dapat mas matingkad o metallic kung titingnan. Hindi dapat ito mukhang maputla o kaya nagtataglay ng kahit anong patches o mantsa.
- Hawakan ang isda. Dapat firm ito at hindi masyadong malambot.
- Tingnan din ang hasang ng isda, dapat mamula-mula ito. Sapagkat ang maputla o brown na hasang ng isda’y palatandaan na ito’y hindi na sariwa. Lalo na kung tila madulas o slimy na ang hasang, palatandaan ito na bilasa na ang isda.
Sa paghahanda ng ginataang tilapia, maaari na munang iprito ang isda. Maaari rin namang hindi na depende sa gusto o choice mo.
Maliban naman sa pagpili ng sariwang isda, isa pang magpapasarap sa ginataang tilapia ay ang gulay na iyong gagamitin. Sa ginataang tilapia recipe na ito gumamit tayo ng dahon ng mustasa. Pero maaari ring gumamit ng petchay, talong o kaya naman dahon ng malunggay. Mas ginagawa ng mga itong healthier ang ginataang tilapia at mas pinapaganda pa ang presentasyon nito.
Maaari rin itong lagyan ng sili para may konting anghang. Tantyahin lamang ang paglalagay ng sili para makain ng mga bata.
Procedure o paraang ng pagluluto ng ginataang tilapia recipe
- Mag-init ng kawali at ilagay rito ang mantika.
- Kapag mainit na ang mantika, saka igisa ang bawang, sibuyas at luya.
- Saka sunod na ilagay ang gata ng niyog.
- Hintaying kumulo ang gata ng niyog saka ilagay ang isdang tilapia.
- Takpan at hayaan itong kumulo sa loob ng sampung minuto.
- Sunod na ilagay ang dahon ng mustasa o gulay na gusto mo. Hayaan itong maluto sa loob ng ilang minuto.
- Sunod na timplahan ito gamit ang asin o patis. Maari rin itong lagyan ng paminta.
- I-serve ito ng mainit-init pa.
Kung nais naman na may konti itong anghang ay magdagdag ng isa hanggang dalawang piraso ng sili sa iyong recipe bago ito ihanda.
Kung mabilis na mag-evaporate ang gata ng niyog na iyong ginamit ay maaring maglagay ng tubig sa iyong recipe.
May ibang gustong medyo maasim-asim ang kanilang ginataang tilapia recipe. Gawin ito sa pamamagitan ng paglalagay ng 2 kutsarang suka matapos ilagay ang gata.
Health benefits ng tilapia
Hindi lang masarap, masustansya rin ang tilapia kaya naman tamang-tama itong ihanda para sa buong pamilya.
Ayon sa artikulo ng Web MD na may pamagat na Health Benefits of Tilapia, mayaman umano ang tilapia sa bitamina.
Alam naman natin na isa sa mga masustansyang pagkain na source ng protina ang isda. Bukod sa mayaman sa protina ang tilapia mayroon pa itong ibang health benefits.
Rich din sa iba’t ibang bitamina at mineral ang tilapia. Ilan sa mga ito ay:
- choline
- niacin
- vitamin B12
- vitamin D
- selenium
- phosphorus
- omega-3 fatty acids
At dahil sa high nutrient content ng tilapia makatutulong ang pagkain nito sa mga sumusunod:
Maging healthy ang puso
Mayaman sa omega-3 fatty acid ang tilapia. Uri ito ng healthy fats na tumutulong sa ating katawan na mag-function nang maayos. Makabubuti rin ito sa puso. Kung may sapat na fatty acid sa katawan matutulungan nito ang katawan na ma-reduce ang blood clotting, mapababa ang blood pressure, maiwasan ang stroke at heart failure. Isa pa, nababawasan din nito ang iregular na heartbeats na tinatawag namang arrhythmia.
Pampatibay ng buto
Mayroong calcium, vitamin D, magnesium at phosphorus ang tilapia. Ang mga ito ay nutrients na kailangan ng katawan upang tumibay ang mga buto.
Maiwasan ang cancer
Nakatutulong ang selenium, isa sa mga mineral na mayroon ang tilapia, sa prevention ng cancer, heart disease, cognitive decline, at thyroid disease. Tandaan lang din na kaunting amount lang ng selenium ang kailangan ng katawan para makapag-function nang maayos.
Karagdagang impormasyon isinulat ni Jobelle Macayan