Kalunus-lunos ang sinapit ng isang 15-anyos na dalagita sa kamay ng kaniyang sariling ama matapos na gahasain at gawing sex slave ng tatay niya sa loob ng tatlong taon.
Nakita ng isa sa mga kapatid ang ginawang panghahalay ng ama kay alyas “Carla” at agad na nagsumbong sa kanilang ina. Humingi ng tulong ang ina sa pulisya at nasagip si Carla ng mga otoridad.
Inaresto naman ang kaniyang tatay na si alyas “Rogelio” at kasalukuyang nakapiit sa Tondo, Manila.
Sex slave ng tatay sa loob ng tatlong taon
Isinalaysay ni Carla ang nangyari sa kanya. Kuwento niya, nagsimula umano siyang halayin ng kaniyang tatay noong 13-anyos pa lamang siya.
Simula noon ay halos araw-araw na raw siyang ginagahasa.
“Huwag daw po ako magsusumbong [dahil] papatayin daw niya ako,” ayon sa biktima.
Inamin naman ng 51-anyos na suspek na si Rogelio ang ginawa sa kaniyang anak. Lasing lang umano siya nang gawin iyon kay Carla.
“Totoo yung sinabi niya kaya lang naka-inom lang ako noon,” pag-amin niya.
Sukdulan naman ang galit ng ina ni Carla na si alyas “Merly” nang malaman ang panggagahasa ng kaniyang dating kinakasama sa kanilang anak.
Ayon kay Merly, taong 2013 pa nang maghiwalay sila ni Rogelio ngunit naging maayos naman ang kanilang naging relasyon pagkatapos noon. Pumayag pa siyang tumira ang kanilang apat na anak kay Rogelio upang magabayan ng ama.
“Nagtiwala ako sa kaniya para mapaayos ang bata, hindi mapariwara, ‘yon pala may ginagawa na,” ani Merly.
Nahaharap ngayon sa kasong rape si Rogelio habang patuloy pang inaalam ng pulisya kung ginawan din niya ng kahalayan ang iba pang anak na babae.
Samantala, si Merly na ang mangangalaga sa kanilang mga anak. Isasailalim naman si Carla sa counselling at stress debriefing ng Department of Social Welfare and Development.
Paano malalaman ang senyales ng sekswal na pang-aabuso sa bata?
Ang mga batang sekswal na inabuso ay malamang na hindi makipag-usap tungkol sa mga nangyayari sa kanila dahil ikinahihiya nila ito. Maaari rin na sila ay pinagbabantaan ng umaabuso sa kanila o sila ay bine-brainwash upang manahimik sila. Kaya paano mo malalaman ang mga senyales ng sekswal na pang-aabuso sa bata?
Narito ang ilang senyales na dapat mong bantayan.
Mga senyales ng sekswal na pang-aabuso sa bata:
- Biglaang pagbabago sa pag-uugali. Kung napansin mong umuurong, masyadong clingy o biglang nagiging agresibo ang bata, ito ay isa ng senyales. Maaari rin silang maghirapan sa pagtulog, hindi napipigilang maihi sa higaan, o nagkakaroon ng masasamang panaginip.
- Iniiwasan ang taong nang-abuso sa kanila. Ang bata ay maaaring magsimulang magpakita ng pagkamuhi sa taong umabuso sa kanila o natatakot sa isang partikular na tao at umiiwas silang makasama ito.
- Malaswang pag-uugali. Ang mga batang inabuso ay maaaring magsimulang gumamit ng mga malalaswang salita o magpakita ng kalaswaan sa iba.
- Nagbibigay ng mga palatandaan. Ang ilang bata ay maaaring magbigay ng ilang palatandaan na sila ay naaabuso. Maaaring ang iba sa kanila ay magsabi ng totoo sa iyo. Mahalagang imbestigahan at huwag ipawalang-saysay ang anumang sinasabi ng bata.
Source: ABS-CBN
BASAHIN: Why moms and dads need to talk to their kids about sexual harassment