Kamakailan ay nag-viral ang usapin sa gluta drip dahil sa post ng asawa ng isang senador. Dahil dito, sa isang interview ay nagbigay babala ang isang kongresista sa epekto umano ng glutathione sa katawan ng tao.
Gluta drip maaaring magdulot ng cancer at kidney problem
Nagbigay babala si House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Representative Janette Garin sa negatibong epekto umano ng gluta drip sa katawan ng tao.
Ayon sa dating Department of Health (DOH) secretary, ang pagputi ng balat ay epekto ng overdose ng glutathione. At kapag overdose umano ng gluta ay madaling kapitan ng cancer ang isang tao.
Paliwanag ni Garin, hinaharang kasi ng glutathione ang melanin o pigment cells. Ang melanin ang siyang protection ng balat laban sa radiation. Kaya kung haharangan ng gluta ang melanin ay mas prone sa cancer ang isang tao.
Bagamat ginagamit umano bilang immune booster ang gluta para sa mga cancer patients na sumasailalim sa chemotherapy, mayroon itong side effect lalo na para sa mga wala namang cancer.
Matatandaang tinutulan din ng Department of Health noong January ang paggamit ng gluta drip. Dahil hindi inaprubahan ng Food and Drug Administration ang ano mang injectable products para sa pagpapaputi ng balat.
Babae namatay umano dahil sa IV gluta at stem cell therapy
Noong January 2024 pa lang ay naging usapin na ang paggamit ng gluta drip. Dahil sa isang 39-anyos na babae mula sa Quezon City na namatay sa di umano’y komplikasyon mula sa intravenous glutathione at stem cell therapy.
Pinaliwanag ni DOH Secretary Ted Herbosa, na maaaring makasira umano ng kidney o bato ng tao ang pag i-inject ng gluta sa katawan.
“IV glutathione will whiten your skin and make you look really like Caucasian, but it can damage your kidneys and kill you,” saad ni Secreatry Herbosa.
Pinaalala rin ni Herbosa na dapat siguruhin na lisensyado ang stem cell therapy clinic bago sumailalim sa mga ganitong proseso. Inatasan naman umano ng secretary of health ang regional office na alamin kung lisensyado ba ang klinika na gumawa ng procedure sa nasabing babae.
“Babala sa ating mga kababayan para hindi kayo mauwi sa ganito, sa morgue, ay sa inyong pagpapaganda, pagpapabata, i-check po sa ating website ‘yung listahan ng mga stem cell clinic na lisensyado,” saad ni Secretary Herbosa.
Tandaan na ilang beses nang nagbabala ang FDA sa publiko. Tungkol sa panganib na maaaring dulot ng gluta drip at iba pang injectable whitening agents. Aprubado lamang daw itong gamitin para sa cisplatin chemotherapy at hindi sa pagpapaganda.
“To date there are no published clinical trials that have evaluated the use of injectable glutathione for skin lightening. There are also no published guidelines for appropriate dosing regimens and duration of treatment. The FDA has not approved any injectable products for skin lightening,” saad ng FDA.
Kaya naman mommy o daddy, walang masama kung gusto nating maging mas maganda o mas gwapo. O kaya naman ay mas mag-glow ang ating skin. Pero tandaan din na mahalagang siguraduhin natin na ang ginagamit nating produkto o ang procedure na ginagawa natin sa ating balat o katawan ay ligtas sa ating kalusugan. Tandaan na mas importante ang iyong buhay. Kaysa sa ano mang social validation na makukuha mo sa pagkakaroon ng maputing balat.