Ang mga guro ang tinatawag na pangalawang magulang ng ating mga anak. Nariyan sila para gabayan sila at turuan sila ng tama at mali. Ngunit sa kaso ng isang gurong nakipagrelasyon sa estudyante, tila hindi ata alam ng guro na mali ang kaniyang ginawa.
Paano kaya ito nangyari? At bakit ginusto ng isang 41-anyos na guro ang makipagrelasyon sa isang 11-anyos na estudyante? Ating alamin.
Tanggal sa trabaho ang gurong nakipagrelasyon sa studyante
Natagpuan ng mga awtoridad na ang 41 taong gulang na guro na si Yi Chen Cheng ay di umano nakipagrelasyon sa isang 11 taong gulang na estudyante.
16 na taon na raw siyang nagtuturo, at isang music teacher sa public school sa Bronx, New York. Nalaman sa imbestigasyon na nagpadala daw ng mga text message ang guro sa estudyante na nagsasabi ng “I love you” at mayroon pang mga heart emoji.
Binilhan pa raw niya ng cellphone ang estudyante, at madalas daw silang magtext, at mag video call.
Ang asawa niya ang nakakita sa mga pag-uusap nila
Sinabi ng asawa ni Yi Chen Cheng, na hiwalay sa kaniya, na alam daw niya ang password nito sa Facebook. Kaya’t nagulat siya nang makita ang mga pinag-uusapan ng estudyante at guro.
Ngunit ayon sa estudyante ay wala naman daw sa kanilang nangyari. Naikwento pa raw ni Yi Chen Cheng sa isang kaibigan na legal naman daw ang kaniyang ginagawa, dahil wala silang ginagawang kahit anong sekswal.
Hindi rin nagsampa ng kaso ang NYPD at Bronx District Attorney’s Office. Ngunit dahil sa nangyari, tinanggal sa trabaho ang guro.
Aminado naman siya na mali ang kaniyang ginawa. Inamin niya na hindi dapat nahulog ang loob niya sa estudyante, pero sinabi niya na nagkakaintindihan daw silang dalawa, at malapit ang loob nila sa isa’t-isa.
Sa ngayon, nagtatrabaho pa rin bilang isang music teacher si Yi Chen Cheng. Ngunit kinakailangan na kasama ang magulang ng bata habang siya ay nagtuturo.
Matuturing na child abuse ang nangyari
Alam niyo ba, kahi sinabi pa ng guro at ng estudyante na walang nangyaring sekswal sa kanila, hindi pa rin tama ang ginawa niya. Kung tutuusin nga, puwede itong maging basehan para sa kaso ng child abuse.
Ito ay dahil hindi naman alam ng bata kung ano ang ‘relasyon’ na pinapasok niya. Puwede itong maging bahagi ng psychological abuse, o pang-aabuso na sikolohikal dahil posibleng niloko ng guro ang bata upang pumayag itong makipagrelasyon sa kaniya. Tinatawag din itong ‘grooming‘ kung saan dahan-dahang nagtitiwala sa kanila ang bata para makuha nila ang gusto nila.
Heto ang ilang senyales upang malaman kung biktima ng child grooming ang iyong anak:
- Nagiging patago at hindi nagsasabi ng kaniyang mga ginagawa, lalo na online
- Mayroon silang mas matandang karelasyon
- Nagpupunta sa kung saan saan para makipagkaibigan
- Nagkakaroon ng mga bagong gamit o damit na hindi nila maipaliwanag
- Nahuli mo silang mayroong alak o droga
Mahalaga rin na malaman ng mga magulang kung paano nila mapoprotektahan ang kanilang mga anak. Heto ang ilang mga hakbang upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari:
- Importanteng bantayan mo kung paano ginagamit ng iyong anak ang internet. Alamin ang sites na pinupuntahan nila at sabayan mo sila sa paggamit ng internet.
- Kaibiganin mo sila sa social media. Sa ganitong paraan, mas matututukan mo kung sino ang mga kinakaibigan at kinakausap nila.
- Gumawa ng bukas na environment para sa iyong mga anak. Hindi dapat sila matutong maglihim sa iyo, at sanayin mo sila na ibinabahagi sa’yo ang kanilang mga problema at saloobin.
- Ituro sa iyong anak na umiwas sa mga taong gusto lamang silang gamitin o saktan. Ipaalam sa kanila ang mga senyales ng grooming upang makaiwas sila sa mga ganitong tao.
- Ituro sa kanila na magsumbong sa iyo, o sa kanilang mga guro kapag sila ay inaabuso o kaya ay binabastos ng mga nakatatanda.
Source: NY Post
Basahin: 41-anyos na teacher, nakipag-relasyon sa kaniyang 11-anyos na estudyante