Nitong nakaraang linggo, ibinahagi ng isang nanay ang nangyari sa kaniyang anak: umiiyak ito ng dugo! Ang kundisyon na ito ay tinatawag na haemolacria.
Ayon sa inang si Fitri Resita Dewi, nagkaroon daw ng ganito ang kaniyang anak dahil sa kakagamit ng gadgets at sa radiation mula sa mga ito. Totoo ba ito? Puwede nga bang mangyari ito?
Post ni Fitri
Noong nakaraan lamang, nabasa ko sa mga ulat ang tungkol sa pagluha ng dugo. Akala ko fake news lang. Ngunit nangyari ito sa anak ko. Salamat sa Diyos at hindi ito kasing lala ng nangyari kay Fajar. Bigla na lang lumuha si Tsaqib ng kulay pula na luha—na parang dugo.
Lubos akong nabahala. Kasalanan ko ito dahil hinahayaan ko si Tsaqib na gumamit ng cell phone nang hindi iniisip ang epekto ng radiation sa kaniya. Namula ang mata at namaga ang mata niya nang tatlong araw.
Hininto ko na ang pagpapahiram sa kaniya ng telepono. Sana maging babala ito sa ibang mga nanay na mayroong mga anak na na-adik na sa gadgets.
Hindi nagtagal at naging viral ang post. Naibahagi ito ng mga kapwa magulang na nagaalala sa epekto ng cell phone sa mga anak nila.
Matapos ang ilang araw, nag-post ulit si Fitri. Ginamot ng isang opthalmologist ang kaniyang anak.
“Okey ang resulta. Mayroong membrane na humaharang sa pores ng mata niya kaya siya lumuluha ng dugo [haemolacria]. Nalinisan na ito at nagamot na kahapon,” aniya.
Sanhi nga ba ng cell phone use ang haemolacria?
Para sagutin ang tanong na ito, sumangguni kami kay Dr. Meta Hanindita, isang pediatrician.
Pahayag nito: “Hindi totoo na ang cell phone radiation ang pangunahing dahilan ng haemolacria o pagluha ng dugo. Maaaring ang red eyes ay puwedeng humantong sa pagkakaroon ng luha na mukhang dugo. Maaaring magkaroon ng maraming sanhi ito, hindi lamang ang cell phone radiation.”
Ngunit pinaalalahanan niya ang mga magulang na hindi man sanhi ng haemolacria ang cell phone radiation, hindi ibig sabihin na dapat hayaan na lang ang bata na gumamit ng gadgets.
May isang artikulo din sa Detik Health tungkol sa relasyon ng haemolacria at ng gadgets. Ayon kay Dr. Ariani Safira Nurul Akbar, isang eye specialist sa Jakarta Eye Center, kapag gumagamit ng gadgets ng matagal, nagiging dry ang mata, mas lalo na ng bata.
Kapag nangyayari ito, nangangati ang mata at nagiging sanhi ng pag kamot ng mata. Kapag kinakamot ang mata, nagkakaroon ito ng sugat na puwedeng maging sanhi ng pagluha ng dugo.
Sang ayon naman ang isa pang espesyalista na si Dr. Fira. Pinapaalalahanan niya na iwasang hayaan na matagal ang pag-gamit ng cell phone ng mga bata, pati na rin ng TV.
Update
Sa isang post, nagpahayag ang nanay ng update tungkol sa kalagayan ng kaniyang anak:
Salamat sa Diyos at malapit nang gumaling anak ko. Kaunting pamamaga na lang ang natira. Masigla naman ang anak ko at nakakatakbo kung saan-saan. Mukhang ako lang ang lubos na apektado sa kundisyon niya.
Inakala ko na ang pag-gamit ng cell phone ang naging sanhi ng pagluha niya ng dugo. Tinanong kasi ako ng duktor kung parati bang nanonood ang anak ko ng shows sa cell phone. Sinabi rin niya sa akin na ‘wag na itong ipahiram sa kaniya. Na-e-expose daw kasi ang bata sa radiation.
Nagulat ako sa tanong niya. Tapos naalala ko na may nabasa ako sa Facebook tungkol sa bata na naapektuhan ang mata dahil sa radiation—nagdugo ang mata niya dahil dito. Kaya lubos na nabahala ako. Naisip ko na naapektuhan na ng radiation ang anak ko dahil gumagamit siya ng cell phone ilang oras sa isang araw kakanood ng Youtube.
Habang ginagamot siya, hindi ko siya pinagamit ng cell phone. Naging leksyon ang nangyari sa kaniya. Ngunit kahapon, dumugo ulit ang mata niya. Nang gumising siya, maga ang mata niya.
Nang dalihin namin siya sa duktor, sinabi nito na malamang galing daw ito sa isang virus. Ang pagdurugo ay maaaring buhat ng pagputok ng blood vessel na kapag tumagal ay namumuo at nagiging membrane. Ito marahil ang naging sanhi ng pagharang sa pores ng mata na nagiging sanhi ng pagdurugo.
Kaya hindi lamang gadgets ang dahilan ng kaniyang karamdaman.
Hindi man cell phone radiation ang sanhi ng pagluha ng bata ng dugo, hindi ibig sabihin na puwede ng payagan ang bata na gumamit ng cell phone ang bata buong araw. Kailangan pa rin may limit ang pag gamit nito para na rin sa kanilang kalusugan.
Isinalin mula sa bahasa ni Kevin Wijaya Oey at Candice Lim Venturanza.
References: TAP Indonesia