Napagkasunduan ng 12 magkakapatid sa Batangas na idaan na lang sa Bingo ang hatian sa lupa na ipinamana sa kanila ng yumaong ina.
Hatian sa lupa ng magkakapatid sa pamamagitan ng Bingo, umubra nga ba?
Sa isang episode ng Kapuso Mo Jessica Soho (KMJS) naitampok ang kwento ng 12 magkakapatid sa San Juan, Batangas.
Pumanaw umano noong May 12, 2024 ang ina ng 12 magkakapatid na si Nicanora. At sa pagpanaw nito ay naiwan ang 4,700 square meters na lupain sa Barangay Talahiban First sa San Juan, Batangas.
Kaya lamang, walang naiwan na last will and testament ang ina kaya hindi alam ng magkakapatid kung paano paghahati-hatian ang lupa.
1940s daw nang maging tenant ng lupa ang kanilang ama na si Teodoro. Tinaniman nito ng palay ang lupain na siyang pinangtustos niya sa mga pangangailangan ng kanilang pamilya.
Naging palaisipan sa magkakapatid kung paano ang gagawing hatian sa lupa.
“Dati, sabi, ibebenta. E wala naming bibili kasi wala naming titulo. Sakali, kailangan may titulo muna,” saad ng isa sa magkakapatid na si Zosimo Javier.
Hanggang isang araw ay nagkaroon umano ng ideya ang panganay nila na si Crisanto. Ang hatian sa lupa ng magkakapatid, idadaan sa Bingo!
Mahilig daw kasi mag-bingo ang magkakapatid. At hindi rin naman daw kumontra ang iba pang mga kapatid sa ideya na ito ng kanilang panganay.
Labing tatlo pala talaga silang magkakapatid, pumanaw lamang ang isa. Pero ang lupang paghahatian ay pantay-pantay daw na hahatiin sa 13, kasama ang pamilya ng namatay na kapatid. Kumbaga, ang paglalabanan lamang nila sa Bingo ay kung kanino mapupunta ang specific na pwesto.
Hindi na raw isinama ang panganay na si Crisanto sa pa-Bingo dahil napagdesisyunan ng magkakapatid na iparaya na rito ang ikalimang lote kung saan ay may ipinatayo na roong poso ang panganay.
Ayon sa magkakapatid, naging masaya ang hatian sa lupa na kanilang ginawa. Wala namang kumontra at pare-parehong nagkasundo ang mga ito sa resulta ng kanilang pa-Bingo. Plano na rin daw nilang patituluhan ang lupa nang maipangalan na sa may-ari ng kani-kanilang lote.