Ano ang heat cramps tagalog meaning at ang mga heat cramps signs and symptoms na maaring senyales na ng isang heat illness na hindi dapat isawalang bahala.
Heat cramps tagalog
Ang heat cramps sa tagalog ay tumutukoy sa pananakit o pamumulikat ng mga muscles ng katawan. Ito ay nararanasan matapos ang pag-iexercise o pagtratrabaho sa mainit na lugar at panahon. Ang mga parte ng katawan na madalas na nakakaranas ng heat cramps ay ang binti, balikat, braso, likod at tiyan.
Ayon sa mga eksperto, ang heat cramps ay dulot ng dehydration. O ang pagkawala at pagbaba ng electrolytes ng katawan dahil sa labis na pagpapawis.
Ito ay sinasabing palatandaan na hindi kayang i-handle ng katawan ang init na nararanasan nito. Sinasabing panimulang senyales rin ito ng mga health related illness na heat exhaustion at heat stroke. Ang mga kondisyon na ito kapag napabayaan ay maaring magdulot ng seryosong komplikasyon sa katawan o kaya naman ay kamatayan.
Sino ang mas at risk sa heat cramps?
Ang heat cramps ay maaring maranasan ng sinuman man. Ngunit mas mataas ang tiyansang maranasan ito ng mga sumusunod:
- Mga baby at maliliit na bata
- Matatanda o senior citizens
- Mga taong labis ang katabaan o obese
- Mga nakatira sa maiinit na lugar na walang proper ventilation o air conditioner sa bahay
- Nagtratrabaho o nag-iexercise sa mainit na lugar
- Mga umiinom ng alak
- Umiinom ng gamot o under prescription medication na nakakaapekto sa pagpapawis at heat regulation ng katawan. Tulad ng mga psychiatric drugs, tranquilizers, OTC cold medications, at antihistamines.
- Mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot na ecstasy at iba pang synthetic drugs.
Heat cramps signs and symptoms
Ang mga palatandaan naman ng heat cramps na hindi dapat isawalang bahala ay ang sumusunod:
- Labis na pagpapawis na sasabayan ng pananakit ng mga muscles sa katawan.
- Ang parte ng katawan na nananakit ay ang mga na-stress o nagamit sa pag-ixercise o isang activity.
- Ito ay nararanasan matapos gawin ang isang activity o ilang oras matapos itong ma-kumpleto.
Kung ang mga nabanggit na sintomas ng heat cramps ay sinabayan ng iba pang sintomas tulad ng pagkahilo, pagsusuka at sakit ng ulo maaring ito ay sensyales na ng heat exhaustion.
Kapag ang mga nabanggit na sintomas naman ng heat cramps at heat exhaustion ay nadagdagan na ng hirap sa paghinga, pagkalito o pagkahimatay, ito ay palatandaan na heat stroke na ang nararanasan ng isang tao. Ito rin ang kondisyon na kung saan tumigil na sa pagpapawis ang katawan at umabot na ang temperature nito sa 40 degrees Celsius o mas mataas pa. Isa itong medical emergency na dapat mabilis na maagapan. Dahil kung hindi ito ay maaring mauwi sa multi-organ failure o kamatayan.
First aid treatment sa heat cramps
Ang heat cramps ay kusa namang nawawala. Ngunit may mga maaring gawin upang mas mabilis na maibsan ito. Ito ay ang sumusunod:
- Tumigil sa ginawang exercise o activity.
- Umalis sa init at magpahinga sa well-ventilated o air-conditioned na lugar.
- Uminom ng tubig o electrolyte beverage.
- Pwede ring gumawa ng sariling salted drink para mapalitan ang mga nawalang nutrients sa katawan. Gawin ito sa pamamagitan ng paghahalo ng ¼- ½ kutsaritang asin sa apat na tasa ng tubig saka ito ang inumin.
- Hindi inirerekumenda na gumamit ng salt tablets dahil maaring magdulot ito ng stomach upset na nakakaapekto sa rehydration ng katawan.
- Dahan-dahang i-stretch ang nanakit na parte o muscle ng katawan.
Sa oras naman na hindi tumigil o nawala ang nararanasang heat cramps matapos ang isang oras ay agad ng magpunta sa doktor o ospital. Dito ay maaring sumailalim na sa IV fluid rehydration ang pasyente para mabilis na mabawi ang mga nawalang electrolytes niya sa katawan.
Paano maiiwasan ang heat cramps
Para naman maiwasan na makaranas ng heat cramps at iba pang health related illness ay huwag kalimutang gawin ang mga sumusunod na paraan:
- Uminom ng maraming tubig bago, habang at pagkatapos ma-expose sa labis na init.
- Kumain ng mga maaalat na snacks o energy bars sa tuwing mag-exercise sa mainit na lugar o panahon.
- Mag-break sa mga ginagawang activity o exercise para makapag-cool down ang katawan.
- Tumigil sa pag-inom ng alcohol, caffeine at sugary beverages bago, habang at pagkatapos ma-expose sa init.
- Mag-suot ng mga maluluwag, magagaan at light-colored na kasuotan kung mag-exercise o may gagawing activity na maari kang mapagpawisan. Ang mga ito ay nakatutulong upang maginhawaan ang iyong katawan.
- Mag-exercise sa umaga o sa gabi para hindi masyadong mainit ang paligid at panahon.
Ang heat cramps, heat exhaustion at heat stroke ay mga kondisyon na madalas na nararanasan sa tuwing mainit ang panahon. Ngunit ang mga ito ay maiiwasan sa pamamagitan ng tamang disiplina at pangangalaga sa ating katawan.
Source:
UIHC, E Medicine Health, WebMD
Basahin:
Heat Exhaustion: Ano ito at bakit delikado ito sa sanggol at bata?