Isang ina ang nagbahagi ng kuwento ng kanilang baby, matapos nilang malaman na ang inaakala nilang sore eyes, ay herpes ng baby na pala. Ating alamin kung paano ito nangyari, at ano ang mga sintomas na dapat alamin ng mga magulang.
Sore eyes, herpes ng baby na pala
Kuwento ng inang si Sophie Lebner, napansin raw niya na tila ay nagluluha ang mata ng kaniyang 8-week-old baby na si Lottie. Inakala niya na simpleng sore eyes lang ito, kaya’t bumili sila ng eye drops para ilagay sa mata ni Lottie.
Ngunit noong sumunod na araw ay nagkaroon ng mga mapulang dots sa paligid ng mata ang kaniyang baby. Sigurado raw siya na hindi ito sore eyes, kaya’t nagpa-schedule siya ng appointment sa doktor. Busy raw ang schedule ng doktor, kaya’t sa sunod na araw na ang naging appointment nila.
Kinahapunan, nagkaroon naman ng parang maliit na pimples ang kamay ni Lottie. Dahil dito, inisip ni Sophie na baka may HFMD (hand, food, and mouth disease) ang kaniyang anak. Matapos ang isang oras ay iyak raw ng iyak si Lottie, at hindi nila mapatahan. Inalam niya kung may lagnat ang bata, ngunit normal naman daw ang temperatura nito. Nagdesisyon na si Sophie na dalhin sa emergency room ang anak upang mapatingnan.
Wala raw silang dapat ipag-alala
Pagdating sa doktor ay sinabi sa kanila na wag raw silang mag-alala at mawawala rin ang pamumula matapos ang 10 araw. Wala naman raw lagnat ang bata, at hindi nanghihina, kaya’t okay lang ito.
Pero nag-aalala pa rin si Sophie sa mata ng kaniyang baby, kaya’t sinigurado niya sa doktor kung wala talagang problema. Dahil dito, kinausap ng doktor ang isang pediatrician, at ipinakita ang mga sintomas ni Lottie.
Matapos ang kalahating oras, dumating sa ospital ang pediatrician at tinanong kung mayroon raw sa kanilang nagkaroon ng cold sore kamakailan lang. Sabi ni Sophie na nagkaroon raw ang kaniyang asawa, at sinabi ng pediatrician na posibleng mayroong herpes simplex virus si Lottie.
Dahil dito, agad na binigyan ng mga antibiotic si Lottie at ipinasok sa ospital upang magamot. At tama nga ang hinala nila na may herpes ang bata.
Buti na lang raw at maaga pa lang ay napansin na nila ang sintomas nito, kaya’t naagapan nila agad. Mabuti raw at dinala nila agad si Lottie sa ospital, at humingi ng second opinion sa pediatrician, dahil lubhang mapanganib ang herpes simplex para sa mga sanggol.
Sana ay magsilbing warning ito sa mga magulang na hindi dapat balewalain ang ganitong klaseng mga karamdaman.
Source: Kidspot
Basahin: 1-taong gulang, nagkaroon ng herpes dahil sa halik