High blood sa buntis o preeclampsia ang itinuturong sanhi ng pagkamatay ng isang ina ilang oras matapos magsilang ng malusog na kambal.
Siya ay si Sara Sewald, 26 years old mula sa Colorado. Ayon sa partner ni Sara na si Dustin Sisneros, na-diagnose daw ito na may preeclampsia ilang linggo bago manganak.
Nitong May 29 ay matagumpay na nagsilang si Sara ng kambal na pinangalan nilang Sir at Rumi. Ngunit ilang oras matapos manganak ay sinabi ng mga doktor na kinailangang dumaan ni Sara sa isang emergency surgery. Dahil daw ito sa bleeding o pagdurugo na nararanasan niya.
Kuwento ni Dustin, una ng sinabi ng doktor na simple procedure lang ang gagawin kay Sara ngunit unti-unti daw lumala ang sitwasyon nito. At matapos ng ilang oras ay ibinalita ng doktor sa kaniya na hindi daw kinaya ni Sara at nasawi ito dahil sa kumplikasyon.
Sa ngayon ay iniipon ni Dustin ang kaniyang lakas sa pag-aalaga ng kambal bagamat hindi niya alam kung ano talaga ang nangyari sa asawa.
High blood sa buntis o preeclampsia
Ang preeclampsia ay isang kumplikasyon sa pagbubuntis. Ito ay nailalarawan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mataas ng blood pressure ng babaeng nagdadalang-tao.
Madalas itong nagsisimula sa ika-20 ng linggo ng pagbubuntis kahit na may naitalang normal na blood pressure noong una ang babaeng buntis.
Ang napabayaang high blood sa buntis o preeclampsia ay maaring mauwi sa seryosong kumplikasyon sa ina at kaniyang sanggol o hindi kaya naman ay sa kamatayan.
Para makaiwas sa seryosong kumplikasyon na maidudulot ng preeclampsia ang pinakamabisang lunas ay maipanganak o mai-deliver ng mas maaga si baby.
Ngunit kung ang preeclampsia ay nagsimula ng maaga sa pagbubuntis ay kailangan ng doble pag-iingat at mahigpit na pag-aalaga sa kalagayan ng buntis at ng sanggol na kaniyang dinadala hanggang sa ito ay maging handa na para sa delivery.
May mga pagkakataon rin na nagdedevelop ito pagkatapos maipanganak ang sanggol na tinatawag na postpartum preeclampsia.
Sintomas ng preeclampsia
Maliban sa mataas na blood pressure ang iba pang sintomas ng preeclampsia ay ang sumusunod:
- Protein sa ihi
- Grabeng pananakit ng ulo
- Pansamantalang panlalabo ng mata
- Pananakit ng tiyan sa ibaba ng tadyang sa bandang kanan
- Pagsusuka o pagduduwal
- Impaired liver function
- Paghingal
Ang biglang pagtaba at pamamanas ng mukha at kamay ay sintomas rin ng preeclampsia. Ngunit ito rin naman ay normal lang din na maranasan ng mga babaeng nagdadalang-tao.
Paano maiiwasan ang high blood sa buntis
Ilan sa mga paraan para makaiwas sa preeclampsia ang isang buntis ay ang sumusunod:
- Pagkain ng mga pagkaing less salt
- Pag-iwas sa mga pagkaing ma-calories
- Pag-inom ng vitamin C at E. Ngunit mahalagang tandaan na bago uminom ng kahit anong gamot o supplements kapag buntis ay kumonsulta o makipag-usap muna sa iyong doktor.
- Bago magbuntis lalo na kung mayroon ng history ng preeclampsia ay mabuting magbawas muna ng timbang.
- Kung nagdadalang-tao, ingatan ang iyong sarili at si baby sa pamamagitan ng regular check-ups o prenatal care.
- Kung madedetect ng iyong doktor na may preeclampsia ka, makipag-usap sa kaniya kung ano ang mga dapat mong gawin at dapat iwasan para mapangalagaan ang iyong sitwasyon at ni baby.
Source: DailyMail UK, Mayo Clinic
Photo: Freepik
Basahin: 11 hindi inaakalang sintomas ng preeclampsia sa mga buntis
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!