Hindi makabasa ang bata? Ang kondisyon na dyslexia ang maaring dahilan kung bakit.
Talaan ng Nilalaman
Ano ang dyslexia?
Ang dyslexia ay isang language-based learning disability na nagdudulot ng reading at writing difficulties sa isang bata. Dahil sa kondisyon ito ay hindi makabasa ang bata o hirap siyang matutong magbasa o magsulat.
Ayon sa reading specialist na si Mr. Jose Cecilio Pascual, “Ang dyslexia ay nakakaapekto sa abilidad ng isang tao na matandaan at maproseso ng tunog ng mga salita.” Dahil sa kondisyon ay nahihirapan ang isang tao na makonekta ang tunog o sounds sa mga nakikita niyang printed symbols tulad ng mga letra at salita.
Karamihan ng kaso ng dyslexia ay genetic o namamana. Nakakaapekto ito sa performance ng isang bata sa school. Kaya naman kailangan ng isang propesyonal para ito ay malunasan o maitama.
Ang pagpunta sa mga learning centers ang isang sa mga paraan upang matulungan ang isang bata o adult na nakakakaranas ng kondisyon. Upang maging effective at independent learners ng hindi na nangangailangan ng tulong ng iba.
Sino ang mas at risk na makaranas ng dyslexia?
Samantala, mas mataas ang tiyansa ng isang bata na makaranas ng dyslexia kung siya ay nakakaranas ng mga sumusunod:
- May isang miyembro ng pamilya ang may history ng dyslexia o iba pang learning abilities.
- Ipinanganak ng premature o may low birth weight.
- Na-expose noong ipinagbubuntis sa nicotine, drugs, alcohol o infection na nakaapekto sa kaniyang brain development.
- May individual differences sa mga parte ng utak na nakakatulong sa pagbabasa.
Sintomas ng dyslexia
Ayon kay Mr. Pascual, isang Reading Education masteral candidate mula sa University of the Philippines at administrator ng Readability Center, mahalaga ang early detection at intervention sa kondisyon.
Ito’t upang mabigyan ng malaking tiyansa ang isang bata na ma-overcome ang kondisyon at mag-improve ang kanilang scholastic performance.
Kaya naman dapat ay bantayan ng mga magulang ang mga sumusunod na sintomas ng dyslexia. Bagama’t hindi naman agad na nangangahulugan na nakakaranas na agad ng kondisyon ang sinumang magpapakita ng sumusunod na sintomas.
Mas mabuting hingin agad ang payo at assessment ng isang professional para malaman talaga ang tunay na kalagayan niya.
Ang mga sintomas ng dyslexia ay ang sumusunod, ayon sa Mayo Clinic.
Bago pumasok ng school o paaralan
Ang mga sintomas na may dyslexia ang isang bata ay ang sumusunod:
- Huli o late ng pagsasalita.
- Mabagal matuto ng mga salita.
- Problema sa pagbuo ng mga salita ng tama. Maaaring napagpapalit niya ang mga tunog ng mga salita o naguguhulan sa mga salitang magkatunog.
- Hirap sa pag-alala o pag-pangalan ng mga letra, numero at kulay.
- Hirap na matuto ng mga nursery rhymes o maglaro ng mga rhyming games
School-age o kung pumapasok na sa eskuwelahan ang bata
Kapag pumasok na ang isang bata sa eskuwelahan ay mas mapapansin na ang sintomas ng dyslexia. Kabilang sa mga sintomas na ito ay ang sumusunod:
- Hindi makabasa ang bata o mahinang magbasa para sa edad niya.
- Hirap na i-process o intindihin ang mga naririnig niya.
- Hirap na makahanap ng tamang salita o makabuo ng sagot sa mga itinatanong sa kaniya.
- May problema sa pag-alala ng pagsunod-sunod ng mga bagay.
- Hirap na makita o marinig ang mga pagkakatulad o pagkakaiba sa mga letra at salita.
- Hindi kayang i-pronounce ang mga salitang hindi siya pamilyar.
- Hirap na mag-spell ng mga salita.
- Matagal o mahabang oras ang kaniyang inilalaan para makompleto ang mga task na nag-i-involve ng pagbabasa at pagsusulat.
- Iniiwasan ang mga activities na kung saan may involve na reading o pagbabasa.
Teens and adults
Samantala, maaari ring makaranas ng dyslexia ang mga teenagers o adult na. Ang mga sintomas ng dyslexia sa mga teens at matatanda ay halos katulad din sa mga bata. Ang mga ito ay ang sumusunod:
- Hirap na magbasa lalo na ng malakas.
- Hirap at mabagal magbasa at magsulat.
- May problema sa pag-spell ng mga salita.
- Umiiwas sa mga aktibidad na kabilang ang pagbabasa.
- Hindi mabanggit ng tama o nami-mispronounce ang mga salita o pangalan.
- Hirap na makaintindi ng mga jokes o expressions na may hidden meaning tulad ng mga idioms o sawikain. Halimbawa na lamang ang salitang taingang kawali na nangangahulugang nagbibingi-bingihan.
- Matagal o mahabang oras ang kaniyang inilalaan para makompleto ang mga task na nag-i-involve ng reading o writing.
- Hirap na mag-summarize ng kuwento o istorya.
- Nahihirapang matuto ng mga foreign o banyagang salita.
- Hirap na mag-memorize.
- Hirap na sumagot ng mga math problems.
Komplikasyong maaaring maidulot ng dyslexia
Kung ang dyslexia ay hindi agad maagapan o malunasan sa isang bata ito ay maaaring magdulot ng mga sumusunod na komplikasyon.
- Hirap sa pagkatuto dahil sa ang pagbabasa ang isa mga basic skill na kinakailangan sa eskuwelahan.
- Social problems dahil sa ang dyslexia ay maaaring magdulot ng low self-esteem, behavior problems, anxiety, aggression, at paglayo sa mga kaibigan, magulang o guro.
- Problema sa kaniyang pagtanda dahil siya ay nahihirapang magbasa o umintindi sa mga bagay sa paligid niya. Ang kondisyon ay maaaring magdulot ng long-term educational, social at economic consequences sa kaniya.
- Ang mga batang may dyslexia ay mataas din ang tiyansang makaranas ng attention-deficit/hyperactivity disorder o ADHD. O kaya naman ang hyperactivity o impulsive behavior na dulot ng kondisyon ay maaring makapagpalala sa dyslexia.
Paano matutulungan ang isang batang may dyslexia?
Ayon kay Mr.Pascual, ang explicit, systematic, at multisensory na approach sa pagtuturo ang pinaka-epektibong paraan para matulungan ang mga batang may dyslexia o iba pang learning disorders.
Ito rin ang pinaka-the best na edad makakatulong sa mga batang nakakaranas ng kondisyon ay ang mga trained reading specialist na marunong o may alam sa mga teaching methods na kailangan ng isang bata.
Pero hindi nangangahulugan ito na walang magagawa ang mga magulang para matulungan ang kanilang anak.
Ayon kay Mr. Pascual, narito ang mga strategies o hakbang na maaaring gawin ng mga magulang upang matulungang mag-improve ang reading skills ng iyong anak at mabawasan ang frustration na kanilang nadarama.
Ang mga maaaring gawin ng mga magulang na may anak na nakakaranas ng dyslexia
- Magbasa ng malakas sa iyong anak ng mas maaga hangga’t maaari. Paliwanag ni Dr. Pascual, ang early exposure sa print at language ang pinakamagandang paraan para maihanda ang isang bata sa challenges na maaaring maidulot ng reading o pagbabasa. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng libro sa iyong anak, ito ay maaaring sa wikang Ingles o Filipino para lang ma-expose sila sa mga tunog at rhythm ng mga wika.
- Ipakita ang ugnayan ng mga letra at salita sa tulong ng mga flashcards at iba pang phonics activities.
- I-expose ang iyong anak sa mga sight words na building blocks sa abilidad niyang magbasa. Gawin ito sa tulong ng larawan o pictures, music, repetition at games.
- Siguraduhing bigyan ng break ang iyong anak sa ginagawang pagtuturo sa kaniya. Mahalaga ito sa mga batang may dyslexia na madaling kapaguran ang pag-aaral.
Tandaan
Napaka-halaga ng early detection at intervention sa mga batang nakakaranas ng kondisyon na dyslexia. Ito ay dahil maaaring makaapekto ito sa kinakabukasan nila hanggang sa kanilang pagtanda.
Bagama’t may mga eksperto o trained specialist na makakatulong sa mga batang may dyslexia, malaki ang papel na ginagampanan nating mga magulang para sa journey ng ating anak.
Hindi lang sa pagkatuto sa pagbabasa at pagsusulat. Kung hindi sa lahat ng mga bagay na kailangan niyang malaman tungkol sa mundong kaniyang ginagalawan.
Dagdag ulat mula kay Mariel Uyquiengco
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.