Mahalaga sa tao ang magkaroon ng kumpletong tulog sa gabi lalo na sa mga bata. Malaki nag epekto nito sa mood at sa nagiging performance ng bata sa paaralan. Mula sa pag-concentrate sa klase hanggang sa kung paano nila tanggapin ang impormasyon, lahat ito ay naaapektuhan. Dagdag pa dito, ang pagtulog ay ang paraan ng katawan upang ayusin ang mga problema dito. Kaya nalang marami ang apektado kapag hindi makatulog ang bata.
Kapag ang bata ay hindi makatulog, hindi lamang siya ang apektado nito. Ang mga magulang din ay nagbabago ang mood kapag ang kanilang mga anak ay kulang sa tulog. Sila rin ay kinukulang sa tulog na nagiging dahilan ng pagbago ng kanilang mood at kalusugan.
Upang matulungan ang bata na makatulog, alamin ang 10 steps para mapatulog ang bata.
Hindi makatulog ang iyong anak? Subukan ang 10 steps na ito
1. Walang gadgets
Isa sa mga pinaka-malaking dahilan ngayon kaya marami ang hindi makatulog ay ang mga gadgets. Dahil sa pag-aabang ng mga balita o kung ano ang bago sa kanilang newsfeed, ang pagtulog ay nasasapawan at nababalewala. Maging mga magulang ay guilty sa ganito. Marami na ang kinulang ng tulog dahil hindi namalayan ang oras sa paggamit ng mga gadgets. Makakabuting patayin ang wifi at itabi ng lahat ang gadgets pagdating sa isang takdang oras sa gabi.
2. Routines sa pag-relax
Ang mga routines ay may epekto sa pag-iisip ng mga tao. Kung ang bata ay masanay sa isang routine para sa pagre-relax nito, madaling napapahinga ang bata kapag masimulan na ang mga gawain. Makakabuti kung ang proseso ay nakaka-apekto sa senses ng bata. Halimbawa nito ay ang pag-dim ng ilaw, pagbabasa ng libro, at pagmasahe ng lavender-scented oil.
3. Pagpatay ng mga ilaw
Napag-alaman sa mga pag-aaral na ang liwanag ay may malaking epekto sa pagtulog ng bata. Kapag maliwanag ang kapaligiran, binibigyan nito ang kanilang mga katawan ng senyales na oras nang gumising. Ang madilim naman na kapaligiran ay nagpapatulog sa kanila nang mahimbing. Makakabuting panatilihin ang dilim ng paligid sa gabi at iwasan ang mga nightlight para madali silang makatulog nang malalim.
4. Iwasan ang stimulants
Makakabuting iwasan ang matatamis at ang mga may caffeine bago matulog. Hindi man mapapansin, ang caffeine ay matatagpuan sa maraming mga pagkain at inumin ngayon. Maging sa simpleng mga softdrinks o gamot, makikita ito. Ang mga matatamis din ay maaaring magdulot ng sugar high sa bata na maaaring maging sanhi ng hirap nila sa pagtulog.
5. Pagkain at pagtulog
Ang pagkain bago matulog ay nakaka-apekto sa kanilang pagka-antok. Hindi rin naman maganda sa katawan ang matulog nang gutom. Upang mai-ayos ito, maghanda ng mga snacks na makakabuti sa katawan. Ang mga slice ng gulay at prutas ay maaaring gamitin para dito. Iwasan ang matatamis na maaaring magdulot ng sugar high. Siguraduhin din ang pag-inom ng tubig bago matulog.
6. Init at lamig
Ang temperatura ng kwarto na tutulugan ay nakaka-apekto sa hirap ng bata matulog. Dapat siguraduhin na hindi gaanong mainit ang kwarto dahil maaari itong makahadlang sa sana ay malalim na pagtulog. Ganunpaman, makakatulong din ang pagligo ng maligamgam na tubig at isang buhos ng malamig na tubig sa gabi. Nakakapag-paantok ng katawan ang pag-papalamig na reaksyon ng katawan sa mainit na pag-ligo.
7. Kaalaman sa epekto ng tulog
Ituro sa bata ang mga benepisyo ng pag-tulog. Ipa-alam sa kanya kung gaano ito ka-kailangan ng katawan sa pag-ayos ng kanyang mga lamang loob. Ituro sa kanya kung paano nito matutulungan ang bata sa kanyang pag-laki. Ang mga kaalaman na ito ay magbibigay interes sa kanya para matulog.
8. Maging magandang halimbawa
Ang mga bata ay sinusunod lamang kung ano ang nakikita mula sa mga magulang. Kung kanyang nakikita na seryoso ang mga magulang pagdating sa pagtulog nang maaga, ginagaya niya ito at sumasabay din siya. Ipakita na pati ikaw ay hindi na gumagamit ng gadgets pagdating sa naka-takdang oras. Ibig nitong sabihin ay pantay kayo at walang angat sa mga alituntunin na itinakda sa pamamahay.
9. Mag-exercise nang maaga
Ang pag-exercise ay maraming benepisyo sa katawan. Subalit, kung gawin ito bago matulog, maaari itong makahadlang sa malalim na pagtulog ng tao. Ito ay dulot ng adrenaline na maaaring gumising sa diwa. Gawin ang mga page-ehersisyo sa umaga. Bukod sa mga benepisyo na matatanggap ng katawan mula dito, mauubos din nito ang lakas para sa araw na iyon na magpapadali sa pagtulog.
10. Iayon ang kapaligiran
Malaking bagay ang mga nasa kwarto ng bata para matulungan itong matulog. Ipagbawal ang mga gadgets at laruan sa kwarto. Ang kapaligiran dapat ay nagpro-promote ng pagtulog at hindi nakakagising. Iwasan ang mga maaaring maka-stimulate sa bata at matutulungan itong makatulog nang maaga.
Sundin ang 10 steps na ito at makikita ang pagbabago sa pagtulog ng iyong anak. Mula dito, madali ring makikita ang pagbabago sa kanyang performance sa pag-aaral at sa mga oras na siya ay gising.
Source: Psychology Today
Basahin: 6 na rason kung bakit kailangang matulog ng bata sa hiwalay na kuwarto