Dahil sa hindi makontrol ang galit, isang ina sa China napatay sa palo ang anak.
Napatay sa palo ng kaniyang ina ang isang 7-anyos na batang babae sa Shandong Province, China. Ang dahilan, dahil daw sa table manners at mabagal na pagkain ng bata.
Ayon sa report ng Qilu Evening News, napatay daw sa palo ng ina ang kaniyang anak gamit ang isang iron bar.
Napuno daw ito dahil ilang beses na nitong winarningan ang anak na kaniyang papaluin kapag hindi nito binilisan ang kaniyang pagkain.
Naroon ang ama ng biktima ng nangyari ang insidente. Ngunit sabi nito ay pinalabas niya sa kwarto ng asawa bago pinagpapalo nito ang kaniyang anak.
Hindi niya daw sinubukang pigilan ang asawa sa pagpalo sa anak. Dahil daw hindi makontrol ang galit nito at pati siya ay pinapalo sa tuwing pinipigilan niyang paluin ang anak.
Pagbalik niya sa kanilang kwarto ay nakita niyang puro sugat at latay na ang anak. Dadalhin niya dapat ito sa ospital pero pinigilan siya ng kaniyang asawa.
Ilang oras ang lumapas at lumala ang kondisyon ng kaniyang anak. Dito na siya sinugod sa ospital at ginamot. Ngunit pagkalipas ng dalawang oras ng maitakbo sa ospital namatay ang kaawa-awang bata.
Sa ngayon ay nakakulong ang ina ng bata sa isang presinto sa Eastern China.
15 Tips para sa mga hindi makontrol ang galit
Hindi makontrol ang galit? Para maiwasang maibuntong ang galit sa iyong anak, ay kailangang matuto kang kontrolin ito. Magagawa ito sa sumusunod na tips:
1. Magbilang ka.
Para dahang-dahang humupa ang galit mo at bumagal ang tibok ng iyong puso ay makakatulong ang pagbibilang ng isa hanggang sampu. Kung talagang galit na galit naman ay maaring paabutin ito ng 100 para tuluyang mapakalma ang sarili mo.
2. Mag-inhale at exhale.
Kapag tayo ay galit ay bumabaw at bumibilis ang ating hininga. Kaya ang pag-iinhale at exhale kapag galit ay makakatulong para maibalik sa ayos ang iyong paghinga at pati ang galit mo ay humupa.
3. Maglakad-lakad ka o mag-exercise.
Ang pag-eexercise ay kayang pakalmahin ang iyong mga nerves na nakakapagbawas ng iyong galit. Maaring gawin ito sa pamamagitan ng paglalakad-lakad, pagbibike o pagtakbo. O kaya naman kahit anong activity na magdudulot ng paggalaw ng iyong katawan at isipan.
4. Magulit-ulit ng isang salita o mantra.
Maghanap ng salita o kataga na makakatulong sayong kumalma at mag-refocus tulad ng “Relax”, “Kalma” o “Okay lang yan”. Ulitin ang salitang ito ng paulit-ulit kapag ikaw ay galit.
5. Mag-stretch ng katawan.
Ang pag-stretch ng katawan ay makakatulong para makontrol ang iyong katawan at emosyon. Ilan sa simpleng stretching exercise na puwede mong gawin ay neck at shoulder rolls.
6. Pumunta sa tahimik na lugar.
Kapag nakakaramdam ng galit, mabuting umalis sa lugar na nakakagalit sayo. At magpunta sa isang lugar na tahimik. Saka ipikit ang iyong mata at mag-imagine ng lugar o eksena na makakapagrelax o makakapagpasaya sayo.
7. Makinig ng music.
Para maitaboy ang iyong galit ay maari ring magpapatugtog ng music. Mas mabuti kung ito ay club music na ikaw ay mapapasayaw o kaya naman ay pop music na maari mong sabayan.
8. Manahimik ka muna at huwag magsalita.
Para maiwasang mas lumala ang galit na nararamdaman, mas mabuting manahimik ka muna at huwag magsalita. Sa ganitong paraan ay makakahinga ka ng maayos at marerelax mo ang iyong katawan at isipan.
9. Think before you speak.
Kapag tayo ay galit, madalas ay nakakapagsabi tayo ng mga salita o kaya naman ay nakakagawa ng bagay na kalaunan ay pagsisihan natin. Kaya naman hangga’t maari ay mas mabuting isipin muna natin ang ating gagawin o sasabihin. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng ilang minuto sa sarili na kumalma bago sabihin ang gustong nating sabihin o gawin ang gustong gawin.
10. Kapag kalmado na saka i-express ang galit.
Kapag tayo ay kalmado mas masasabi natin ng maayos at maliwanag ang ating punto. Ito rin ang pinakamagandang pagkakataon na sabihin ang frustration o galit sa paraan na hindi makakasakit sa ating kapwa.
11. Magisip ng posibleng solusyon sa mga bagay na nakakagalit sayo.
Kaysa ubusin ang iyong lakas at oras sa pagkagalit, mas mabuting mag-isip nalang ng paraan para masolusyonan ang mga bagay na nagpapagalit sayo. Kung naiinis ka sa kalat na ginawa ng mga anak mo sa kanilang kwarto, isarado mo ang pinto. Kung lagi namang late umuwi ang asawa mo, i-urong ng kaunti ang schedule ninyo ng hapunan. O kaya naman ay sanayin ang iyong sarili na kumain mag-isa minsan sa isang linggo. At laging ipaalala sa sarili na hindi nalulutas ng init ng ulo ang kahit anong problema.
12. Ugaliing gumamit ng “I” o “Ako” statements imbis na “You” o “Ikaw”.
Para maiwasang masisi o kaya naman ay ma-criticize ang iba ay iwasan ang mga “you” statements o mga pahayag na tumutukoy sa ibang tao. Mas mabuting laging magsimula sa “Ako” o “I” para mas mabawasan ang tensyon na nagpapalala ng sitwasyon. Maging magalang rin sa pagsasalita at maging deretso sa gusto mong sabihin.
13. Gumamit ng humor para mabawasan ang tensyon.
Ang paggamit ng humor o pag-iisip ng nakakatawa sa isang pangyayari ay nakakatulong para mapababa ang tensyon na nararamdaman. Ngunit iwasan ang sarcasm o pagiging sarcastic sa isang usapan na mas nagpalala ng isang problema o hindi pagkakaunawaan.
14. Huwag mag-ipon ng galit.
Ang pagpapatawad ay nakapagpapagaan ng pakiramdam. Kung hahayaan ang iyong sarili na mapuno ng galit at iba pang negative feelings ay kakainin ka ng bitterness na mas magpapasama ng iyong pakiramdam at mas magpapatindi ng iyong galit. Samantalang, ang pagpapatawad naman ay nagbibigay sayo ng oportunidad na matuto at mapatibay ang relasyon mo sa isang tao.
15. Humingi ng tulong sa iba kung kinakailangan.
Ang pagkokontrol ng galit, minsan ay hindi madali para sa ilan sa atin. Sa ganitong pagkakataon ay mga taong maari tayong tulungan o puwede nating makausap para gumaan ang ating pakiramdam. Maaring ito ay isang kaibigan o isang professional na may kaalaman sa mga epektibong paraan para makontrol mo ang iyong megatibong nararamdaman tulad ng galit o kalungkutan.
Source: South China Morning Post, Mayo Clinic, Healthline
Basahin: 5-anyos na nakatapon ng bigas, patay sa pambubugbog ng ama