Maraming mga magulang ang naniniwala na ang kanilang tahanan ang pinakaligtas na lugar para sa sa kanilang mga anak. Ngunit alam niyo ba na kung mayroong kakulangan sa pag-iingat, ay mayroong mga gamit sa bahay na lubhang mapanganib para sa mga bata. Kaya’t mabuting sundin ang mga sumusunod na home safety tips, para makasiguradong magiging ligtas palaga ang iyong anak, lalong-lalo na sa sarili ninyong tahanan.
Home safety tips: 14 gamit sa bahay na mapanganib sa iyong anak
Likas sa mga bata ang maging makulit at curious sa lahat ng bagay. Kaya naman ito ang dahilan ng pagkukulit o pagdadampot nila ng kung anu-anong mga bagay sa loob ng bahay. Bantayan sila ng maigi at alaim ang mga gamit sa bahay na mapanganib! Sundin ang home safety tips na ito:
1. Crib
Unang-una sa listahan natin sa home safety tips ay ang crib ni baby.
Ang isa sa mga pinakakinakailangang tutukan ng mga magulang ay ang crib ng kanilang mga anak. Ito ay dahil dito madalas nakahiga si baby, at mataas din ang posibilidad ng panganib dito kapag hindi nag-iingat.
Importanteng huwag mag iwan ng kung anu-anong mga gamit sa crib, at hangga’t maaari ay maglagay lang dito ng kutson na mayroong masikip na bedsheet. Hindi na kinakailangan maglagay ng mga kumot, unan, o kung anu-ano pang mga bagay dahil posible lang itong maging sanhi ng injury, at mas tumataas ang posibilidad ng SIDS dahil sa mga gamit na ito.
2. Saksakan ng kuryente
Hangga’t-maaari, hindi dapat maabot ng mga bata ang outlet sa bahay. Ngunit kung hindi maiiwasan, siguraduhing lagyan ng mga outlet covers ang mga ito upang hindi nila ito kalikutin o kaya tusukin.
3. Changing table
Sa mga magulang na gumagamit ng changing table, importanteng siguraduhing ligtas ito. Huwag na huwag papabayaan si baby sa taas ng changing table, dahil baka siya gumulong at mahulog dito.
4. Mga pinto
Kapag marunong nang gumapang o maglakad si baby, siguraduhing gumamit ng mga childproof na doorknob para hindi nila aksidenteng mabuksan ang mga pinto. Bukod dito, mahalaga ring palaging bantayan si baby para hindi sila mabangga, o kaya naman ay mauntog sa mga pinto.
5. Blinds at mga bintana
Ang mga tali ng blinds ay hindi dapat hinahayaang nakalaylay lang. Ito ay dahil baka maabot ito ng mga bata, at posible silang masakal nito kapag napaglaruan, kaya mahalagang itali ito upang hindi nila maabot.
Bukod dito, ang mga bintana rin ay mapanganib sa mga bata, dahil posible sila ditong mahulog. Siguraduhing hindi makakaakyat ang iyong anak sa mga bintana, at ilayo ang kanilang mga crib, higaan, at iba pang puwedeng akyatin sa mga bintana. Nakakatulong rin ang paglalagay ng screen sa mga bintana.
6. Mga laruan ni baby
Isa pang mga gamit sa bahay na mapanganib na hindi natin namamalayan ay ang mga laruan mismo nito.
Huwag bigyan si baby ng mga maliliit na laruan, dahil mahilig ang mga bata na sumubo at magpasok sa kanilang mga bibig ng kung anu-anong mga bagay. Importante rin na iligpit ang kanilang mga laruan matapos maglaro upang walang makaapak o kaya madulas sa mga ito.
7. Pagkain
Mahalaga rin na maging maingat sa mga kinakain ni baby. Umiwas muna sa mga maliliit na pagkain tulad ng grapes, dahi posible itong bumara sa kanilang lalamunan at maging sanhi ng choking.
8. Furniture sa bahay
Ang isa sa mga pinakamahalagang home safety tips na dapat tandaan ay ang paglalagay ng mga protector sa kanto ng mga upuan, lamesa, at iba pang furniture. Ito ay upang hindi ito makasakit kay baby kung sakaling siya ay mauntog o kaya mabunggo sa furniture.
9. Mga appliances
Huwag hayaang nakasaksak ang mga appliances sa bahay, at siguraduhing nakapatay ang mga ito. Mahalaga rin na hindi maabot ng mga bata ang appliances upang hindi nila ito subukang paglaruan o kaya kalikutin.
10. Mga lason
Lahat ng mga bagay na nakakalason tulad ng insecticide, panlinis ng banyo, atbp, ay dapat nakalagay sa mataas na cabinet na hindi maaabot ng mga bata. Siguraduhin rin na huwag iwan sa kung saan-saan ang mga ito matapos mong gamitin.
11. Mga gamot
Ang mga gamot ay kadalasang inaakalang candy ng mga bata, at kung kumain sila ng marami nito ay lubhang mapanganib. Siguraduhing nakalagay sa mataas na lugar ang mga gamot, at kung maaari ay gumamit ng mga child-proof na bote ng gamot upang hindi nila ito aksidenteng mabuksan.
12. Sa banyo
Huwag pabayaan mag-isa sa banyo ang iyong anak, kahit na inaakala mong safe sila rito. Ito ay dahil posible silang malunod kung mayroong timba, at baka madulas at masaktan sila kung hindi sila mababantayan.
Kung maaari, maglagay ng mga non-slip na mat sa banyo upang masiguradong safe at hindi madulas.
13. Swimming pool
Isa pa sa home safety tips natin ay ang pool. Kung mayroon kayong swimming pool sa bahay, siguraduhin na mayroon rin kayong swimming pool cover para hindi aksidenteng mahulog dito ang iyong anak. Kung maaari, maglagay rin ng fence na hindi kayang akyatin ng bata upang masigurado na hindi sila aksidenteng madulas at mahulog rito.
Ugaliin ring bantayan ang iyong anak habang lumalangoy upang masigurado na safe sila at hindi malulunod.
14. Mga balcony
Kung nakatira naman kayo sa condominium, o kaya kung may balcony ang inyong tahanan ay siguraduhin na naka-lock ang pinto papunta rito upang hindi aksidenteng mapuntahan ng iyong anak. Importante rin na mataas ang bakod ng balcony upang hindi maabot ng iyong anak, at sila ay aksidenteng mahulog.
Tandaan na ang mga home safety tips na ito ay makakatulong sa iyo at kay baby na maiwasan ang mga disgrasya. Bigyan ng extra time na bantayan ang iyong anak para maiwasan ang mga disgrasya.
Source:
Basahin:
Lindol safety: 10 tips na dapat gawin para sa bawat edad ng bata