How to be more patient with kids: Narito ang mga paraan at tips na maaring gawin kung paano humaba ang pasensya mo sa iyong anak.
How to be more patient with kids
Paano humaba ang pasensya mo sa iyong anak? Ano ang iyong ginagawa? Ito ba ang madalas mong itinatanong sa ibang mga magulang. Bagamat minsan ay mahirap talaga itong gawin, mahalaga na manatili tayong pasensyoso sa ating mga anak. Dahil ayon sa parenting coach na si Carla Naumburg, ang pagiging pasensyoso ay isang mahalagang aspeto ng pagiging magulang na nagbibigay ng deep meaningful connection sa ating mga anak.
“Having a warm, flexible, responsive connection to our children is fundamental to virtually every aspect of parenting.”
Ito ang pahayag ni Naumburg. Dagdag pa niya tayo ay tinitingnan ng ating mga anak bilang kanilang modelo. Kaya naman kung anumang ipinapakita natin sa kanila ay kanilang ginagaya. Tulad nalang sa kung tayo ay laging galit o nakasigaw. Ito ay nagagaya nila ng hindi sinasadya at maari nilang makalakihan kung hindi agad maitatama.
Epekto sa isang bata ng kawalan ng pasensya ng kaniyang magulang
Ayon naman sa psychologist na si Robert Puff, ang madalas na pagpapakita ng galit o kawalan ng pasensya sa isang bata ay nagdudulot rin ng malaking impact sa kaniyang pagkatao. Lalo pa kung ikaw ang gumagawa nito sa kaniya na itinuturing niyang pinakamahalagang tao sa buhay niya.
“When children are little, you’re their universe. When you get angry, their world is shaken. By the time they get older, they have friends and other people in their lives to turn to, and that minimizes the impact.”
Ito ang pahayag ni Puff.
Habang ayon naman kay Matthew McKay, isa ring psychologist, ang laging pagpapakita ng galit sa iyong anak ay nagbibigay rin ng mensahe sa kaniya na hindi siya safe sayo o mayroong mali sa kaniya. Isang dahilan rin ito kung bakit lumalaking less emphatic ang isang bata. O kaya naman ay mas depress o aggressive siya kumpara sa ibang bata na kasing edad niya.
“Studies have shown that parents who express a lot of anger in front of their kids end up with less empathetic children. These kids are more aggressive and more depressed than peers from calmer families, and they perform worse in school. Anger has a way of undermining a kid’s ability to adapt to the world.”
Ito ang pahayag ni McKay. Kaya naman mahalagang matutunan ng bawat magulang kung paano humaba ang pasensya sa bata o anak nila. At ito ay magagawa sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan:
Mga paraan kung paano humaba ang pasensya mo sa iyong anak
1. Tanungin ang iyong sarili kung bakit.
Sa oras na may gagawin ang iyong anak na susubok sa iyong pasensya, tanungin muna ang iyong sarili kung bakit niya ito ginagawa. Dahil hindi naman siya magwawala o gagawa ng isang bagay ng walang dahilan. Kaya bago mag-react ay mas mabuting ilagay ang iyong sarili sa posisyon ng iyong anak para maintindihan ang nararamdaman niya.
2. Huwag makipag-usap sa iyong anak kapag ikaw ay galit.
Hangga’t maari ay pigilan ang iyong sarili na kausapin ang iyong anak kapag ikaw ay galit. Kung may nagawa man siyang mali ay pakalmahin mo muna ang iyong sarili bago humarap sa kaniya. Upang maiwasan mong masigawan o masabihan siya ng mga salitang makakasakit sa kaniyang damdamin.
3. Mag-break muna at kausapin siya kapag kalmado kana.
Para matulungang pakalmahin ang iyong sarili ay lumayo muna sa iyong anak. Habang paulit-ulit na humihinga ng malalim para matulungang pababain ang emosyon mong nadarama.
4. Isipin na bata lang ang anak mo at normal sa kaniya ang magkamali.
Ayon kay Sandra Tomas, professor mula sa University of Tennessee, Knoxville, may isang trick na makakatulong upang makontrol ng isang magulang na masigawan niya ang kaniyang anak. Ito ay ang pag-iimagine sa kaniyang anak noong ito ay baby pa. Na kung saan very sensitive pa ito at nangangailangan pa ng maingat na pangangalaga. Sa pamamagitan nito ay maaring mabago ang iyong mood at mapa-kalma ang galit na iyong nadarama.
5. Ikanta ang gusto mong sabihin sa iyong anak.
Bagamat kakatwa kung iisipin, ngunit ang pagkanta ng gusto mong sabihin sa iyong anak ay nakakawala ng galit o emosyon na nararamdaman mo. Pupukawin rin ng style na ito ang interes ng anak mo. Ang resulta, siya ay makikinig sa bawat sasabihin mo.
6. Paalalahanan ang iyong sarili na tingnan ang sitwasyon sa point of view ng isang bata.
Oo nga’t may maling nagawa ang iyong anak, ngunit hindi niya alam ito at kailangan mo pang ipaintindi sa kaniya. Sa mura niyang edad ay mahalaga ang paggabay mo bilang magulang niya. Kaya sa tuwing pagagalitan siya isipin mo ang maaring maramdaman niya. At ipaliwanag sa kaniya ang mali na kaniyang nagawa sa paraang maiintindihan niya ito. Upang ito ay hindi niya na maulit pa.
7. Mag-sorry sa iyong anak as oras na hindi mo napigilan ang galit na iyong nadarama.
Sa oras na hindi mo na-kontrol ang iyong sarili ay humingi ng tawad sa iyong anak. Ipaliwanag na medyo masama lang ang araw mo kaya hindi mo napigilan na siya ay sigawan. At hindi dapat sinisigawan ang sinuman kahit mali ang nagawa nito ng tulad sa kaniya. Ngunit, dapat mo ring ingatan na huwag sumobra sa paghingi ng tawad sa iyong anak. Dahil maaring isipin niya na siya ay tama at sa nangyayaring pagkakamali ay siya ang biktima.
8. Magkaroon ng oras o break para sa iyong sarili.
Para mabawasan ang iyong iniisip ay dapat bigyan mo ng oras o break ang iyong sarili. Ito ay upang mas maging maaliwalas ang iyong pag-iisip at maiwasan na ikaw ay agad na nagagalit.
9. Magkaroon ng sapat na tulog at kumain sa tamang oras.
Ayon sa mga eksperto, isa sa madalas na dahilan kung bakit nagiging mainitin ang ulo o maikli ang pasensya ng isang tao ay dahil sa pagod, puyat o gutom. Kaya naman panatalihing kalmado ang isip mo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat na tulog o pahinga at pagkain ng mga masusustansya.
10. Humingi ng tulong sa iba kung kinakailangan.
Makakatulong rin ang paghingi ng tulong o pakikipag-usap sa iba upang mas humaba ang iyong pasensya. Mas mainam kung ang mga kakausapin mo ay mga magulang na nakaranas rin ng parehong sitwasyon sayo ngunit ito ay nalampasan at may maayos na pakikitungo na sa kanilang anak.
Source:
Essence, PsychCentral, Psychology Today
Basahin:
3 paraan para humaba ang pasensya kapag makulit ang anak