Natural lang para sa mga magulang na gustuhing magkaroon ng magandang edukasyon ang kanilang anak. Hindi lang ito sa pamamagitan ng paglalagay sa kanila sa magagandang schools kundi sa pagtutok din sa kanilang mismong pag-aaral.
May mga pagkakataon bang naiisip mo na ang iyong anak ay may tendency na maging slow-learner?
Narito ang sampung bagay na hindi mo dapat gawin para maiwasang maging slow-learner ang iyong anak.
How to identify slow learners
Lahat ng tao ay may iba’t ibang paraan ng pagkatuto, may mga batang mas mabilis natutong magbasa o sumulat at mayroon namang iba na mas mabilis natutong makipagkapwa. Paano mo nga ba malalaman kung ang iyong anak ay may learning disability?
Ayon sa pag-aaral, ang mga senyales na ang iyong anak ay nagtataglay nito ay ang mga sumusunod:
- Hirap sa pagbabasa o pagsulat
- Mahina sa Math
- May mahinang memorya
- May problema sa pakikinig o pagtutuon ng atensyon
- Hirap sumunod sa mga palatuntunin
- Clumsiness
- Hirap sa pagtukoy ng oras
- At pagiging burara o hirap mag-organize
Paano maiiwasang maging slow-learner ang iyong anak
Kung sa tingin mo ay nakikitaan mo ng mga ganitong senyales ang iyong anak, maaari mo pa siyang matulungan sa pamamagitan ng pag-oobserba ng mga sumusunod.
1. Iwasang gawin ang lahat para sa kanila
Walang magulang ang may gustong maghirap ang kanilang anak, ngunit minsan ay nakatutulong pa nga kapag hinahayaan natin silang mahirapan nang kaunti. Halimbawa, kung siya ay medyo nahihirapan sa isang homework, hindi mo dapat akuin ang paggawa nito dahil kung ito ay iyong gagawin para sa kanila, hindi mo hinahayaan na sila ay matuto gamit ito.
2. Huwag bilhin ang lahat ng kanilang hinihingi
Marahil ay iyong sasabihin na nagpupursige ka upang maibigay ang lahat para sa iyong anak. Ito naman ay tama, ngunit sa kanilang murang edad ay dapat na nilang matukoy ang pinagkaiba ng gusto lamang sa kailangan. Sa pamamagitan nito, natuturuan din nating hindi maging materyoso ang mga bata.
3. Hindi pagbibigay ng maraming options
Sa panahon ngayon, masyadong maraming options ang available para sa lahat ng tao. Para sa mga bata, hindi rin ito ganoong nakabubuti dahil bukod sa ito ay overwhelming, mahihirapan din ang mga batang matuto na magdesisyon nang mabilis para sa kanilang kapakanan. Halimbawa, kung dadalhin mo ang iyong anak sa toy store at hinayaan mo siyang pumili ng isang laruan mula sa lahat ng laruan na nandoon, siya ay mahihirapan. Ang maigi mong gawin ay bigyan siya ng budget para magkaroon siya ng mas kaunting pagpipilian.
4. Iwasang magdesisyon para sa kanila
Katulad ng nabanggit, hindi mo dapat inuunahan sa pagdedesisyon ang iyong anak. Sa simpleng pag-order lang ng kanilang pagkain dahil sa tingin mo ay mas alam mo ang makabubuti para sa kanila. Minsan ay hayaan mo rin siyang makapag-isip.
5. Hayaan silang magbasa ng libro sa kanilang sariling paraan
Hindi mo kailangang pilitin ang isang bata na magbasa ng libro nang mabilis. Syempre ay mahalaga ang pagbabasa, ngunit dapat nating tandaan na kahit kailan, hindi nakabubuti para sa kahit kanino ang pressure. Hayaan mo ang bata na tumapos ng libro sa bilis na kanyang kaya. Hindi naman sa bilis natutukoy ang kagalingan. Ang mahalaga lang ay may interes siyang tapusin ang isang istorya. Kung ito naman ang nagiging problema, maging creative at gawing kasiya-siya ang activity na ito. Marahil ay gawin itong family bonding o di naman kaya ay sabayan mo lang siya sa kanyang pagbabasa.
6. Turuan silang gumawa ng gawaing-bahay
Bukod sa pagbabasa at pagsusulat, isa sa mga importanteng leksyon na dapat mong maituro sa iyong anak ay ang paggawa ng mga gawaing-bahay. Kailangan nilang matuto na maging responsable kahit sa simpleng pagliligpit lamang ng kanilang mga gamit.
7. Pag-limita sa kanilang screen time
Marahil ay alam mo na na ang pagbibigay ng sobra-sobrang screen time sa mga bata ay makakasama para sa kanila. Hindi maiiwasang ang TV o gadgets ay kanilang hanap-hanapin, ngunit ang pagbababad dito ay maaring makadulot ng pagiging anti-social ng bata. Kung sila ay masyadong nasanay sa mga gadgets ay mahihirapan din silang magbasa ng libro dahil iisipin nila na ito ay boring at ubos-oras.
8. Hayaan silang sumali sa mga activities o magkaroon ng sports
Magkasing-halaga lamang ang intelektwal na galing ng isang bata at sosyo-emosyonal niyang kakayahan. Ang paglalaro ng sports o pagsali sa mga activities ay makatutulong sa self-confidence ng isang bata at natuturuan din sila nitong maging effective communicators. Kung sila naman ay nahihirapan makipagkaibigan, isa rin ito sa mga mabibisang solusyon dito.
9. Mag-set ng realistic boundaries
Ang pagiging masyadong strikto ay hindi rin makabubuti para sa isang bata. Mahalaga ang disiplina, ngunit kailangan ay magkaroon ka ng realistic boundaries. Alamin kung ano ang sakto lang para sa kanila o kung ikaw ay sumusobra na sa pagbabawal sa kanila. Makakaramdam din sila ng sense of stability at security kung ang iyong mga rules ay maipapaliwanag sa kanila nang maayos.
10. Hayaan silang makaranas ng pagkatalo
Kailangan nilang matutunan na hindi sa lahat ng pagkakataon ay sila ang panalo. Kadalasan, ang pagkatalo ay makatutulong pa nga sa kanilang pagkatuto. Mahirap para sa magulang na makita ang kanilang anak na malungkot, ngunit mas mahalaga pa ring matutunan ng isang bata na magpursige at lumaban nang patas.
Ang pagkatalo ay parte ng buhay, kaya naman mas mahalaga na turuan ang mga bata na palakasin ang kanilang mental at emotional skills. Kailangan mo ring iparamdam sa kanila na manalo o matalo ay nandyan ka lamang para sa kanila. I-acknowledge din ang kanilang effort at paalalahanan sila na ito ay parte talaga ng buhay.
SOURCES: Time, Parenting Science, NICHD
BASAHIN: Slow learners children tips and educational games!, 11 Signs that your child is slower than average, Girls’ brains develop faster than boys, says study