Hyperdontia, ito ang paliwanag ng mga doktor tungkol sa kondisyon ng isang bata mula sa Cebu na tinubuan ng humigit kumulang na 200 na ngipin.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
Sa isang episode ng Kapuso Mo Jessica Soho ay tinampok ang kwento ni John Chris. Siya ang bata na tinubuan ng hindi normal na dami ng ngipin.
Kwento ng ina ni John Chris na si Jenny Lind Mae, isang buwan palang si John Chris ng tubuan na ito ng apat na ngipin.
“Hindi ko na pinansin kasi akala ko normal lang yun sa bata. Sabi nila swerte daw.”
Ito ang pag-aalala ni Jenny Lind Mae ng unang makita ang mga tumutubong ngipin ng anak.
Anim na taon na si John Chris ng mapag-desisyunan nilang ipakonsulta ito sa doktor. Dahil sa kung anong bilis daw ng pagtubo ng ngipin ng bata ay ganoon din ito kabilis matanggal. At halos inukupa na nito ang bibig ng bata dahilan para hindi niya na ito masara.
“Kapag sumasakit po, mahirap hindi ako makakain. Masakit kapag binubuka ko ang bibig ko”, pagbabahagi ni John Chris sa kaniyang nararamdaman.
Nang mapacheck-up ay doon lang nila nalaman na ang ngipin pala ni John Chris ay mahigit 180 na. Patuloy paring tumutubo ang iba pa na umabot na sa pisngi at ilalim ng kaniyang mata. At kailangan nitong dumaan sa tatlo hanggang apat na surgery para maisaayos ito.
Ayon kay Dr. Roberto Pangan, isang oral and maxillofalial surgeon si John Chris ay may kondisyon na kung tawagin ay hyperodontia. Ito ay isang bibihirang sakit na kung saan tinutubuan ng abnormal na dami ng ngipin ang isang tao.
Taong 2016 ng unang sumalang sa operasyon si John Chris na kung saan tinanggalan siya ng 49 na ngipin.
Ngayong taon, sa edad na 13-anyos ay kailangan niya ulit sumalang sa panibagong operasyon para maisaayos ang kondisyon niya.
Ano ang hyperdontia?
Ang hyperdontia ay isang kondisyon na nagiging dahilan para tumubo ang napakaraming ngipin sa bibig ng isang tao. Tinatawag ang extra teeth na ito na supernumerary teeth. Ang mga ngipin na ito ay maaring tumubo kahit saan na malapit sa iyong panga o dental arches.
Ang normal na dami ng ngipin ng isang bata o primary teeth ay nasa 20 piraso. Sa kanilang paglaki ay tinutubuan sila ng permanent teeth na aabot naman sa 32 piraso.
Hindi pa tukoy ang dahilan ng pagkakaroon ng hyperdontia, pero pinaniniwaalang may koneksyon ito sa ilang hereditary o namamanang sakit. Tulad ng Gardner’s syndrome, Ehlers-Danlos syndrome, fabry disease, cleft palate and lip at cleidocranial dysplasia.
Sintomas ng hyperdontia
Ang pangunahing sintomas ng hyperdontia ay ang pagkakaroon ng extra teeth sa likod o malapit sa isang primary o permanent teeth. Ngunit maliban dito ang extra teeth na dulot ng kondisyon ay matutukoy rin sa pwesto o hugis nito.
Madalas ang mga hugis ng extra teeth na dulot ng hyperdontia ay ang sumusunod:
- Supplemental o kasing hugis ng ngipin na kalapit nito
- Tuberculate o ngipin na hugis tube o barrel
- Compound odontoma o ngipin na gawa sa maraming maliliit na ngipin na tumubo na malapit sa isa’t-isa
- Complex odontoma o pagtubo ng tooth-like tissue sa isang disordered group
- Conical o peg-shaped o ngipin na malapad sa babang bahagi ngunit makitid o matulis sa tuktok
Ang mga pwesto o lokasyon naman na tinutubuan ng extra tooth dulot ng hyperdontia ay ang sumusunod:
- Paramolar o ang pagtubo ng ngipin sa likurang bahagi ng iyong bibig o malapit sa bagang
- Distomolar o ang extra tooth na tumubo na kahilera ng bagang
- Mesiodens o ngipin na tumubo sa likod o paligid ng incisors o ang unang apat na ngipin sa harap ng bibig na ginagamit pangkagat
Ang hyperdontia ay matutukoy sa pamamagitan ng dental x-ray. Bagamat ang ilang kaso nito ay hindi kailangan ng treatment, may ilang kaso ng hyperdontia na itinuturing na bibihira ang nangangailangan ng surgery. Ito ay para matanggal ang mga extra teeth lalo na kung ito ay nagdudulot ng discomfort o pain sa isang tao.
Source: Healthline, GMA Kapuso Mo Jessica Soho Youtube video
Basahin: 10 home at natural remedies sa sakit ng ngipin