Development at paglaki ng iyong toddler sa kaniyang ika-18 buwan

Sa ika-18 na buwan ng iyong anak ay magsisimula na silang maglaro at maglikot sa bahay. Pero tandaan, kailangan mo pa ring habaan ang iyong pasensiya!

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ito na ang panahon na nakakatuwa pang lalo ang iyong toddler. Ngiti at tawa, halik at yakap ang bigay palagi, at ganado pa siyang tumulong sa kung ano ang hinging tulong ni Mommy at Daddy. Lubus-lubusin ang sayang ito, dahil malapit nang mapalitan ng sumpong at “no”…

Lumalaki na si baby! Naglalakad, tumatakbo, susunud-sunod kay Mommy kahit saan ito magpunta. Tandaan lang na mainipin at madaling magsawa sa gawain ang bata sa edad na ito. Hindi pa niya alam ang salitang “pasensiya” at ang importante lang sa kaniya ay ang ngayon!

Ika-18 na buwan ng iyong anak: Kamusta ang kaniyang paglaki?

Physical Development

Pagsapit ng ika-18 buwan, ang toddler ay nagsisimulang bumigat ng 9 hanggang 12 kg, at may tipikal na may taas na 76 hanggang 84 cm. Bagamat bawat bata ay may kani-kaniyang pace pagdating sa development, ito ang tipikal na batayan.

Makikita ang mabilis na toddler development sa puntong ito. Kayang-kaya na ni baby na maglakad, tumakvo, umakyat, tumalon, bagamat hindi pa maayos ang koordinasyon niya.

Makikita na rin ang preferential hand niya, o kung kanan o kaliwa ang gagamitin niya ng mas dominante para sa pagsulat, paggamit ng kutsara, at kung iba pa. Tandaan na walang tama o maling kamay, hayaan siyang natural na piliin ito. Masdan kung paano niya dakmain at hawakan ang lahat ng makita niya gamit ang dominanteng kamay.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Magaling na rin siyang magpatong-patong ng dalawa, tatlo, apat, at higit pa na mga blocks para gawin torre, o kung anu-ano pang bagay. Ang masaya para sa kaniya ay  ang patumbahin ito at panooring kumalat muli sa sahig.

Marami pang ibang fine motor skills ang mahihinang sa edad na ito: kaya na niyang magdrawing sa papel, lalo kung laging nakikita si Mommy at Daddy na nagsusulat. Wala pang malinaw na drawing, pero kung palagi siyang bibigyan ng pagkakataon, mabilis din siyang matututo.

Kung nais pang lalong masanay ang mga daliri ng iyong toddler, bigyan siya ng mga malalaking wooden beads na tutuhugin niya ng tali sintas ng sapatos. Ipakita sa umpisa kung paano ito gawin, at magugulat ka sa bilis ng pagkatuto niya. Pwede ring gumupit ng mga cardboard ng kahon ng tissue paper o karton sa likod ng pad paper, at butasan ito ng puncher, pagkatapos ay kumuha ng sintas ng sapatos o yarn. Ito ang pag-praktisan sa pagpasok-labas sa butas, na mainam para sa fine motor skills ng bata.

Aktibo ang diwa at mataas palagi ang energy ng bata, kaya hirap siyang tumigil at mapahinga. Kasama na diyan ang hirap sa pagtulog o pag-idlip. May mga umiidlip na lang ng isang beses sa isang maghapon, mula sa 2 o 3 beses dati. May mga tuluyan nang hindi umiidlip sa maghapon, at maaga na lang natutulog.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Kaya nga madalas din ay pahirapan sa pagtulog sa gabi. Aktibo ang isip at sabik sa paggalaw ang mga toddler, kaya hirap silang magrelax, lalo pa’t matulog. Pakiramdaman ang bata, dahil iba-iba ang timpla ng bawat bata. May mga kailangan at gusto ng nap time sa maghapon, may mga gusto nga ng maagang pagtulog sa gabi pero walang nap time.

Kung hirap ang pagtulog sa gabi at hindi pa plakado ang sleeping pattern ng iyong toddler, ibig sabihin nito ay maaga naman ang paggising niya sa umaga. Magugulat ka na lang at gising na ang bata ng alas singko ng umaga, kahit ikaw ay nasa gitna pa lang ng panaginip mo. Pagtiyagaan munang obserbahan at alamin ang sleep schedule ng anak, at kapag nakapa mo na ito, tiyak lahat ay makakatulog na ng mahimbing at walang istorbo.

Kung nagpapakita na rin ng interes sa banyo at paggamit ng potty, samantalahin din ito. Hudyat na ito na handa na siya sa potty training. Makikita mong sinusundan ka sa banyo, o kaya ay nagtatanon kung ano ang ginagawa dito. Isa pa ay mas mahaba na rin ang oras na tuyo ang nappy niya, at bigla na lang basang-basa o puno na ito. Ibig sabihin ay unti-unti na ring nagkakaron ng bladder control ang bata.

Ang potty training ay depende sa bawat bata. Pagmasdan ang iyong anak at tingnan kung handa na siya at nagpapakita na ng interes at kakayahan na magsabi na gusto niyang gumamit ng potty, at alisin ang diaper. Huwag pilitin ang bata, at huwag madaliin, dahil mas magkakaron ng trauma kapag negatibo ang karanasan niya sa potty training.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Cognitive Development

Mahilig na siyang kumanta ngayon, at nakakatuwang pakinggan na binibigkas na niya ng tama ang mga salita sa mga paboritong kanta. Ikinatutuwa din niyang makinig sa mga tugtog at kanta, lalo kung si Mommy o Daddy ang kakanta. Turuan siya ng mga kantang may hand movements at galaw ng buong katawan (Incy Wincy Spider, Kung ang ulan ay puro Tsokolate, The Wheels on the Bus). Bigyan din siya ng mga laruang instrumento tulad ng gitara, drums, at shakers.

Habang binabasahan ng libro ang iyong toddler, ituro ang mga larawan at sabihin ang pangalan ng mga bagay na ito. Maglaro din ng mga malalaking puzzles na bagay sa edad ng iyong anak.

Hayaan siyang maglaro mag-isa, at bigyan din siya ng oras na makipaglaro kasama ang mga batang ka-edad niya. Bigyan siya ng mga laruang para sa pretend play, tulad ng laruang telepono, lutu-lutuan, baso, pinggan, at mga bag at damit. Pinagmamasdan niya ang mga araw-araw na gawain ninyo sa loob ng bahay, pati kapag nakasakay sa kotse, at lahat ito ay tinatandaan niya—at gagayahin kapag naglalaro siya.

Gagawin niyang “baby” niya ang kaniyang mga laruang hayop o manyika, kakausapin at kakantahan, at babasahan din ng libro kunwari.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Huwag magugulat kung makakakita ka ng medyas, tsinelas o damit na nakakalat sa bahay. Magsisimula na ring matutong magtanggal ng damit si baby, kasama na ang medyas, sapatos at kung anu-ano pang suot niya. Isa ito sa mga pag-eeksperimentuhan niya ngayon.

Social at Emotional Development

Isa namang ikatutuwa ni Mommy at Daddy ay ang pagtulong ni baby sa mga gawaing bahay—sa abot ng kaniyang kaya. Kapag nakikita niyang ginagawa ng mga magulang, gagayahin niya ang pagwawalis, pagpupunas, pagliligpit, pati pagkuha ng gamit sa refrigerator. Hikayatin siya at turuan ng mga maliliit na gawaing ito para magkaron siya ng sense of accomplishment, at lalo pang ganahan na tumulong.

May iba’t ibang paraan para mahikayat ang iyong toddler na tumulong sa mga gawaing bahay. Mga simpleng bagay tulad ng paglalagay ng carrots sa bowl, o ng mga maruming damit sa loob ng waching machine, pati na rin pag-iimis ng mga crumbs o nahulog na kanin sa lamesa, ay kayang gawin ng bata. Hayaan siyang panuorin kayong ginagawa ito, at tingan kung gaano siya ka-interesadong matutunan ito.

Tandaan lang na maikli ang attention span niya. Huwag pilitin at lalong huwag patagalin, o huwag bigyan ng mahihirap na gawain. Kung sinabi na niyang ayaw na niya at gusto na niyang maglaro, hayaan lang siya. Pasalamatan siya sa tulong niya at bigyan siya ng papuri sa nakaya niyang gawin. Huwag na huwag papagalitan kung may pagkakamali, o kung halimbawa ay nagkalat o nakasira ng gamit.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Higit sa lahat, ipakita sa anak ang ugali at behavior na gagayahin niya. Lahat ng bata ay natututo sa pamamagitan ng halimbawa ng mga nakatatanda na palagi niyang kasama. Kung malumanay at magalang makipag-usap ang mga matatanda, ganon din ang pamamaraan ng pakikipag-usap na matututunan ng bata. Kung palaging pasigaw at pagalit, iyon din ang mapupulot ng bata. Pati nga ang mga salitang palaging naririnig mula sa mga matatanda ay siya ring maririnig na sinasabi ng bata. Ang pagiging masinop, masipag at iba pang positibong pag-uugali ay mabuting ipakitang halimbawa sa iyong toddler.

Mayron nang natutunang 10 salita (o higit pa) ang iyong toddler sa edad na ito, at isa na dito ang salitang “Mine!” o “Akin!” Markado niya ang teritoryo niya at normal lang ito para sa isang toddler. Gayunman, inaasahan pa rin niya ang mga magulang na magtakda ng limitasyon para sa kaniya.

Ito na ang edad na mas matindi ang mga “sumpong” ni baby. Lahat ay ayaw niya: ayaw niyang umupo sa stroller, ayaw niya ng pagkain, at paulit-ulit siyang sisigaw ng “mommy” o “daddy” lalo kapag may kausap kang ibang tao. Lahat ito ay kasama sa kagustuhan niyang iparating sa iyo na kailangan niya ng boundaries o limitasyon, mula sa mga magulang.

Maging malinaw sa pagpapaliwanag ng mga rules sa bata. Isa itong paraan para maipakita sa kaniya na siya ay nasa isang safe environment. Iwasang pagbigyan ang lahat ng gusto niya, lalo kung umiiyak. Kung labis ang “misbehavior”, kausapin siya at ipaliwanag (gamit ang mga salitang naiintindihan niya) ang mga bagay na hindi dapat o hindi “acceptable”.

Ipakita sa anak ang walang hanggang pagmamahal. Tandaan na hindi ito alam ng bata, kung hindi ipaparamdam at sasabihin. Pupugin ng halik at yakap si baby, anumang oras.

Speech at Language

Magugulat ka na lang sa mga salitang kaya na niyang bigkasin, dagdag sa “Mommy” , “Daddy”. Nariyan din ang ‘no’, ‘mine’, ‘don’t want’, at mga paborito niyang bagay tulang ng ‘milk’, ‘ball’ o ‘cat’.

Mas marami na rin siyang naiintindihang salita, bagamat hindi pa niya ito nasasabi. Mahilig din siyang magturo ng mga bagay na alam niya ang pangalan, at minsan ay sinusubukang bigkasin ito. Kapag nakakita siya ng litrato ng pamilya at sarili, ituturo niya ito at papangalanan din. Paborito niya ang pagtuturo ng bahagi ng katawan niya at mukha, kaya nga paborito niyang kanta ang “Paa, tuhod, balikat, ulo” .

May mga toddlers na kaya nang magsabi ng two-word sentences, lalo kung kinakausap at binabasahan palagi ng libro. Lumalawak ang bokabularyo ng bata kapag palaging nakakarinig ng mga pangungusap at salita.

Mabilis na rin kasing lumalago ang memory niya, at natatandaan niya ang bawat pahina ng librong palagi ninyong binabasa. Kaya kapag may nalaktawan kang pahina, sasabihin niya ito sa iyo kaagad.

Kalusugan at Nutrisyon

Oras na naman para sa mga bakuna para kay baby sa edad na ito. Alamin ang mga booster na kailangan para sa DTaP (diphteria, tetanus and pertussis o whooping cough), at ang five-in-one, kasama ang poliomyelitus, at Hib para sa haemophilus influenza type B.

Mas may kontrol na ang bata sa paghawak ng kutsara o tinidor habang kumakain, kahit minsan ay may kaunting kalat pa din.

Sa pagtuturo ng boundaries sa bata, tandaan na ang magulang ang dapat na nagtatakda kung kailan dapat kumain (sunod sa tamang oras ng agahan, tanghalian, meryenda at hapunan), pero ang bata ang magsasabi kung busog na siya o kung sapat na ang nakain niya.

Sa edad na 18 buwan, nagdedevelop pa lang ang panlasa ng bata. May ibang araw na gustung-gusto niya ang isang ulam, pero sa susunod na araw ay ayaw man lang niyang tingnan ito. Siguraduhin lang na panay masustansiyang pagkain ang ihahain at ipapatikim sa bata. Iwasan ang mga matatamis at sobrang alat tulad ng junk food, para hindi niya muna ito kasabikan. Kung ano ang nakasanayan niyang kainin ay siya niyang hahanapin.

May mga paborito na rin siyang pagkain, at dito makikita ang isang aspeto ng kaniyang indibidwalidad.

Tips para sa mga magulang

Ang lahat ng bata ay may kani-kaniyang panahon ng pagkatuto. Huwag madaliin at lalong huwag ikumpara sa ibang bata. Maraming mga toddlers ang alam nila ang gusto at kaya nila, at hindi tutugon sa pilit o pananakot. lalo sa pressure.

Lahat ng bata ay matututong magsalita o magbilang sa tamang panahon, at kapag handa na siya. Basta’t may paggabay at palaging may oportunidad na matuto, at siya ay may kapaligiran na naghihikayat sa pagkatuto, dadating ang kaniyang sariling panahon para magawa o matutunan ang anumang kakayahan. Basahin ang mga articles tungkol sa developmental red flags (AsianParent.com) para malaman ang mga early warning signals.

Kung nag-aalala at may napapansing problema, ikunsulta agad sa pediatrician.

Ilang Red Flags:

Kung hindi pa naglalakad o nakakatayo ang bata

Kung hindi pa gumagapang man lang ang bata

Kung madalas nabubulunan o nauubo kapag kumakain

Isinalin mula sa wikang Ingles ni ANNA SANTOS VILLAR

https://sg.theasianparent.com/toddler-development-18-months