Naririndi ka na ba sa paulit-ulit na “bakit?” at “ano yan?” mula sa iyong toddler?
Hindi man niya lubusang nabibigkas ng malinaw, alam mong sabik na siyang marinig mula kay Mommy at Daddy ang lahat ng bagay tungkol sa mundong ginagalawan niya.
Ito ang panahon na minsan ay naiisip mong sana huwag munang lumipas ang panahong nang sobrang bilis. Malapit nang mag-dalawang taong gulang ang iyong anak, at di mo napansin na ang “terrible twos” na nababasa at naririnig lang sa mga kuwento ay narito na sa harap mo.
Napakaraming madidiskubre sa kakayahan at pag-uugali ng iyong 22-buwang-gulang na anak. Mula sa pag-alam ng dominanteng kamay na gagamitin niya sa pagsulat at marami pang ibang gawain, nariyan ding maiirita ka minsan dahil sa labis na pagkalikot ng iba’t ibang bahagi ng katawan niya (lalo na ang ilong), dahil na nga natututo na ito ng maraming bagay tungkols sa katawan niya, at sa kayang gawin ng kaniyang mga kamay.
Magbaon na ng mahabang pasensiya dahil kakailanganin ito sa mga susunod na araw, linggo at buwan.
Ika-22 na buwan ni baby: Kamusta na ang kaniyang development?
Physical Development
Inaabot ba ng iyong toddler ang laruan niya gamit ang kaliwang kamay? Hawak niya ba ang crayon sa kanang kamay? Mayron na siyang dominanteng kamay ngayon! Huwag mag-alala kung kaliwete man siya, dahil hindi ito mali. Ayon sa mga pagsasaliksik, walang hayagang pagkakaiba kung kanan man o kaliwa ang gamit sa pagsulat o dominanteng kamay ng isang bata o isang tao.
Huwag din mag-alala kung hilig na kinakalikot ng bata ang kaniyang nappy, at pati na ang ari niya. Walang malisya ito sa kanila, at natural lang ito sa edad na ito dahil nga natututunan pa lang nila ang kanilang sarili, kasama ang mga bahagi ng kanilang katawan. Pagsabihan na alisin ang kamay sa pagkakalikot pero huwag gawing malaking bagay, o huwag pagalitan ang bata. Ipaliwanag na ginagamit ang kamay sa pagkain at pagsusulat, at hindi dapat na kinakalikot ang ibang bahagi ng katawan.
Ang lahat ng ito ay bahagi ng journey ng isang bata.
Mayron na ring buong set ng ngipin ang bata sa edad na ito, bagamat ang sa iba ay tumutubo pa lang.
Tips
Alam mo ba kung ano pa ang nadidiskubre ng iyong toddler? Pagtayo ng blocks. Napapagpatong-patong niya ang hanggang 5 blocks nang walang tulong. At syempre pa, ano pa ang mas masaya kundi ang patumbahin ang itinayong tore?
Napakalikot na niya—parang buhawi! Umiikot, tumatakbo, nagsasayaw, tumatalon, at kung anu-ano ang ibinabato, sinusulit ang lahat ng kayang gawin ngayong 22 buwan na siya. Kaya na rin niyang bumato ng bola (kung hindi ito masyadong mabigat).
Kailan dapat kumunsulta sa doktor?
Kung napapansin na lethargic, o walang gana at palagi lang nakahiga at nakaupo ang bata, at hindi kayang humawak ng mga bagay nang maayos, mas makakabuti na ikunsulta ito sa doktor.
Cognitive Development
Natututo ang isang toddler sa pamamagitan ng pagmamasid at paglalaro. Sa stage na ito ng toddler development ang pormal na edukasyon ay malayo pa. Nag-eeksperimento pa lang siya at pinagmamatiyagan ang lahat ng ginagawa ng mga matatanda sa paligid niya. Ipakita sa kaniya kung paano gawin ang isang bagay, tulad ng kung paano gamitin ang isang laruan, o kung paano gawin ang isang puzzle—at sa simpleng pakikipaglaro sa kaniya.
Mahilig siyang humawak ng mga bagay bagay, lalo kung curious siya. Minsan pa ay isusubo niya ito para lang malaman kung ano nga ba ito at kung ano ang mangyayari, at kung ano ang lasa!
Mahilig din siyang manira ng mga gamit minsan. Hayaan siyang magbato (basta walang masasaktan o masisira na mamahalin) o magbagsak ng mga bagay sa sahig tulad ng pagkain. Ito kasi ang paraan niya ng pagkatuto. Hindi niya pa naiintindihan na makakasira o makakasakit siya, kung hindi mapapaliwanag sa kaniya.
Tips
Isa pang paboritong laro sa edad na ito ay ang pagkakabit ng mga bagay, at pagpuno ng mga lalagyan tulad ng bote (plastik), basket at bowl—at pagkatapos ay itataob ito. Bigyan siya ng mga basket o lalagyan na walang laman at mga bagay na pwede niyang ilagay dito.
Ilagay ang mga laruan niya sa kaya niyang abutin para malaya siyang makapaglaro. Huwag lang bigyan ng masyadong maraming choices dahil nakakalito naman kapag ganito.
Kumanta o magpatugtog ng mga nursery rhymes, at ituro ito sa bata. Patuloy na basahan siya ng mga libro para mas mapaunlad ang language at literacy development niya.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor?
Dapat ay marunong na siyang tumugon at makaintindi ng mga sinasabi sa kaniya, at kapag sinsasabing hindi puwede o itigil ang ginagawa. Kung hindi kayo pinapansin kapag may sinasabi sa kaniya, o talagang parang walang naririnig at walang takot kahit kanino, mas mabuting kumunsulta sa doktor.
Social at Emotional Development
Si Mommy pa rin ang paboritong kalaro ni baby, at lubos ang galak niya kapag nakikita si Mommy, pati na rin si Daddy. Sa piling kasi ng mga magulang ay nakakaramdam siya ng seguridad.
Sa edad ba ito, mas marami na siyang naiintindihan at natututunan, kahit hindi pa ito gaanong napapansin ng mga magulang. Kaya nga minsan ay nagpapakita siya ng “frustration” at umiiyak na lang bigla dahil nga alam niya ang gusto niya, pero hindi niya pa alam kung paano ipapaalam ito sa inyo. Patience is key, ika nga. Tandaan na ang bata ay natututo sa nakikitang halimbawa ng mga magulang.
Tips
Umaasa ang bata sa routine at mas uunlad siya kung alam niya kung ano ang mangyayari at susunod na gagawin. Magtakda ng regular na oras para sa pag-idlip at pagkain, pati mga morning at bedtime tiruals. Magugulat ka na lang at marunong na rin siyang tumulong sa pagliligpit ng kinainan o mga laruan, o kapag kusa na itong pupunta sa banyo at magtatangkang magsipilyo mag-isa. Ito ay dahil makikita at matatandaan niya ang mga routine na ito kung palaging ginagawa kasama siya.
Ang predictability na ito ang nagbibigay ng idea sa bata na may kontrol siya sa mga nangyayari at ginagawa niya. Iwasan ang pabago-bago ng routine dahil ito ang nagiging dahilan ng mga sumpong at tantrums. Bigyan palagi ng warning kung matatapos na ang paglalaro, halimbawa, at oras na para kumain o kaya ay maligo.
Napansin niyo bang natututo na siyang makipaglaro at magpahiram ng mga laruan sa iba, lalo na kung mas bata? Dahil na rin sa marunong na siyang makinig sa mga rules at instructions, ito ang tamang panahon para simulang turuan siya ng values at mabuting asal. Hayaan din siyang makipaglaro sa mga batang kaedad niya para mas matuto ng social skills.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor?
Huwag mag-alala kung madalas ay takot siya o ilag na makisalamuha sa mga tao, lalo na ang mga hindi niya kakilala pa. Ang nakakapag-alala ay kapag takot siya at hindi nakikipag-usap o nakikipaglaro sa mga magulang at kamag-anak na palagi niyang kasama.
Speech at Language Development
Makipagkwentuhan sa inyong anak at tiyak—walang katapusan at hindi niya ito tutuldukan. Non-stop ang paggana ng utak ng iyong toddler at napakarami niyang gustong sabihin. Mas marami pa ang gusto niyang malaman at matuklasan kaya maghanda na ng mga sagot sa “bakit”, “ano” at “kailan” niya. Maging matiyaga sa pagpapaliwanag ng mga bagay sa kaniya, at gumamit ng mga salitang tama, pero hindi mahaba at komplikado. Pumili din ng isang language muna at iwasan ang paghahalu-halo ng mga salita (Tag-Lish, Bisaya-Tagalog, atbp.).
Kwentuhan siya tungkol sa iba’t ibang bagay na interesado siya, tulad ng pagpapaliwanag na ang kotse ay may busina, at may iba’t ibang gamit ito, at ang kalan ay mainit kapag may niluluto si Mommy o si Ate. Dito na din maaaring simulang turuan siya ng mga magkasalungat na salita at mga pang-uri (describing words). Kaya narin niyang intindihin ang mga simpleng proseso tulad ng “Una, kunin mo ang tasa. Tapos ay ilagay ang gatas sa tasa. Ngayon ay pwede mo nang inumin.”
Tip
Pangalanan ang mga bagay, halimbawa na lang ay ang bahagi ng katawan. Gawin itong parang laro, at saliwan ng musika tulod ng mga kanta.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor?
Kung hindi pa nagsasalita o nakakabigkas man lang ng mga salitang may dalawa at higit pang pantig, maaaring maging red flag para sa isang problema.
Kalusugan at Nutrisyon
May kumpletong ngipin na ang iyong toddler. Hindi ibig sabihin nito ay pwede na niyang kainin ang lahat ng gusto niya—o gustong ipakain ni Mommy at Daddy sa kaniya. May mga pagkaing choking hazzard at allergen kaya’t mag-ingat pa din. Iwasan ang candy, nuts, popcorn at lollipop, halimbawa. Ang mga pagkain tulad ng ubas ay kailangang hiwain para hindi makaharang sa lalamunan.
Ang karaniwang timbang ng mga batang 22 buwang gulang ay 9.8 kg hanggang 15.5 kg, at taas na 81.7 cm hanggang 94.2 cm. Sa edad na ito din karaniwang nangangailangan ng influenza shot ang bata. Siguraduhing updated ang mga bakuna ng bata.
Tips
Turuan ang iyong toddler ng tamang pag-aalaga ng ngipin, gums at bibig. Ang mabuting oral hygiene habits ay mahalaga, at kasama dito ang pagsisipilyo sa umaga at gabi, at pag-iwas sa mga matatamis na pagkain.
Ilang karaniwang sakit sa edad na ito ay sipon, ubo at lagnat, tigdas at HFMD. Huwag mag-alala dahil ang mga sakit na ito ay makakatulong sa pagpapatibay ng immunity ng bata. Huwag ipagwalang-bahala at siguraduhing kumunsulta sa doktor kapag may sakit ang bata.
Sa edad na 22 buwan, kaya na ng toddler na sumunod sa mga instructions at gumaya sa ginagawa ng mga matatanda. Para mapangalagaan ang kalusugan ng bata, at matuto ng healthy choices, maging mabuting halimbawa sa anak—kumain din ng masustansiyang pagkain at iwasan ang junk at matatamis. Bigyan ang bata ng mga masustansiyang pagkain.
Limitahan ang pag-inom ng gatas sa hanggang 2 hanggang 3 beses sa isang araw, ng 200ml. Bigyan siya ng isang prutas o higit pa, kada araw, o isang tasa ng halu-halong prutas tulad ng saging, mansanas, watermelon, pear, orange, na hiniwa-hiwa, 1 piraso ng tinapay, 1 biscuit/cracker/cookie at iwasan ang mga processed food.
Iwasan din ang sobrang maalat at sobrang matamis.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor?
Kung ang iyong toddler ay may reaksiyon sa mga pagkain, na makikita sa balat niya, o kung nabubulunan o biglang hindi makahinga pagkakain ng isang uri ng pagkain, maaaring allergic siya dito. Kumunsulta agad sa doktor. Kung napapansin din na masyadong malapit ang pagtingin niya sa tablet, gadget o TV, o kapag tumitingin sa libro o mga larawan, kumunsulta sa isang pediatric ophthalmologist.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni ANNA SANTOS VILLAR
sg.theasianparent.com/22-month-old-development
Basahin: Development at paglaki ng iyong toddler sa kaniyang ika-21 buwan