Bilang mga magulang, masayang makita at masubaybayan ang development ng ating mga baby – paggapang, pagtayo, pag-upo at baby talks. Paano kung hindi pa rin stable ang pag-upo ni baby? At ilang months nga ba nakakaupo ang baby?
Mababasa sa artikulong ito:
- Ilang months nakakaupo si baby
- Ang kahalagahan ng tummy time sa sitting development ni baby
- Paano turuan umupo ang baby
Ilang months nakakaupo si baby?
Ang mga baby ay nade-develop ang kakayahang umupo sa ika-6 na buwan niya. Maaaring hindi pa rin stable ang kaniyang pag-upo at nangangailangan pa ng suporta mula kay mommy at ibang tulong gamit ang baby seat devices.
Pagtungtong ng 4-9 buwan ng baby ay maaaring sinusubukan na niyang umupo. Handa na siyang umupo kung siya ay may mahusay na kontrol na sa kaniyang ulo.
Ang mga baby edad 7-9 buwan ay malapit na sa independent sitting milestone. Ibig sabihin, kaya na nilang umupo mag-isa ng hindi na masyadong kailangan ng gabay.
Masasabi ring na-meet na nila ang independent sitting milestone kung ang kanilang pag-upo ay may kasama nang ibang galaw tulad ng pag-posiyon para gumapang.
Milestones ng baby
Ang development ng mga baby ay depende sa kanilang edad. Ang newborn ay dapat ma-develop ang tummy time. Pagtungtong ng 4-6 buwan ay dapat nakakapag-tripod sit na.
Kung 5-9 buwan ay dapat nakakaupo na siyang mag-isa. Samantala ang 6-10 buwan ay nagsisimula na siyang gumapang. At sunod nito ay nakapag lakad na siya.
Ngunit hindi ito ang ganap na pamantayan ng development ng bata. Ito ay nagkakaiba-iba. Ayon kay Dr. Michiko Caruncho ng Makati Medical Center,
“Ang child development is not really a specific age or specific month. Range talaga, may mga batang slow, may mga batang fast.
Kunyari sa sitting, may mga mabagal may mga mabibilis. More than 8 months, medyo malambot or stiff ayan ‘yong mga time na kailangan na natin magtanong sa mga pediatrician natin.”
Ang kahalagahan ng tummy time sa sitting development ni baby
Para masigurong made-develop ni baby and independent sitting milestone sa tamang age range, ay dapat matibay ang kanyang muscles na makakatulong sa kaniyang pag-upo. Ipinaliwanag ni Dr. Caruncho ang tungkol sa kahalagahan ng tummy time sa motor skills ng baby.
“Ang tummy time, medyo recently lang natin ‘to naririnig. Tummy time is a special position that you put your babies in.
In other words, nakadapa. Nakadapa si baby kaya tummy time. So during the first few days, weeks and months importante ang tummy time. Because it strengthens the baby’s neck, the muscles in the arm, shoulder.”
Ang tummy time ang tumutulong sa baby na mai-ready siya pag-upo ng mag-isa pagtungtong ng 6 buwan dahil ang kaniyang muscles, leeg at balikat ay na-ensayo na habang siya ay newborn pa.
Ito rin ay para maiwasan ang Plagiocephaly – isang kondisyon kung saan ang mga partikular na bahagi ng ulo ng isang sanggol ay nagkakaroon ng abnormally flattened na hugis at hitsura.
“It gets the baby ready para ma-support ang weight na reready na si baby when it’s time to crawl or roll over gano’n klase ng mga motor development.
One more important thing, it keeps the baby’s head in shape. Kasi pag palaging nakadapa, magiging flat. It is called Plagiocephaly. ‘Pag ganun deform kaya we really encourage tummy time.”
Dagdag pa ni Dr. Caruncho na sa edad na 3-4 buwan, magsisimula na silang i-develop ang kanilang head control. Nakikita rin niya na ang hindi dumadaan sa ganitong proseso ay mataas ang tyansa na ma-delay ang development.
“So ideally 3 to 4 months, they start achieving head control so nasu-support na nila ‘yong head. Pwede mo na sila ilagay sa lap mo, at makikita mo more stable na at this time.
I have found or it has been shown na ang mga babies that don’t get consistent tummy time medyo sila delayed sa head control.
Mga baby na 3 to 4 months, na dapat kaya na nila head nila pero hindi pa stable. It is really important that parents do the tummy time for babies.”
BASAHIN:
Delayed motor skills: Mga dapat gawin at kung kailan dapat mabahala
Development at milestones ng isang bata: 6 taon at 6 buwang gulang
Ang mga dapat mong malaman at asahan sa development ng iyong anak
Paano turuan umupo ang baby
Practice makes perfect. Ang paggabay sa ating mga baby ay nangangailangan ng buong suporta mula kay mommy and daddy. Narito ang ilang paraan para turuang umupo si baby:
- Bigyan ang iyong anak ng maraming trial-and-error na pagsasanay. Manatiling malapit habang ginagawa nila ito ngunit hayaan silang mag-explore at mag-eksperimento ng iba’t ibang diskarte sa paggalaw ng kanilang sariling katawan.
- Hayaan silang magsanay sa sahig. Ito ay makakatulong na ma-improve ang kanilang sitting development. Makakatulong din ang paglalagay ng mga laruan sa sahig (naa-angkop na laruan para sa kanilang edad).
- Sa sahig, i-upo si baby sa iyong kandungan o sa pagitan ng iyong mga binti. Maaari mo siyang basahan ng mga libro, kantahan, at laruin ang iba’t-ibang movement games.
- Kung medyo nasasanay na silang umupo mag-isa, maglagay ng mga unan o iba pang padding sa paligid nila habang sinusubaybayan mo silang nagsasanay sa sahig. Iwasang magsanay sa matataas na sahig ng inyong bahay.
Hindi kailangang madaliin ang pag-upo ni baby. Kailangan lang dahan-dahanin ang pagtuturo sa kanila. Ayon kay Dr. Caruncho, hindi namang masama kung sinusubukan mong paupuin ang baby.
“‘Pag we try the baby to sit on our lap. Makikita mo hunch pa ‘yong back nila meaning hindi pa strong ang mga muscles nila.
‘Pag nakikita mo naman ‘yong mga baby na nakaupo na tapos their back is straight, ayun na sinusuportahan na ng muscles nila ‘yong back nila.
Hindi naman siguro masama pero you have to be careful. Give your baby a lot of space and support.”
Dagdag pa ni dok, mas mainam pa rin na hayaan si baby sa sahig magsanay kaysa palagi itong nasa crib.
“I would not recommend the baby na laging nasa crib lang si baby. In fact, ‘pag may specific area sa bahay mo. ‘yong mga rubber mat, na pinagdugtong dugtong, mas maganda ‘yon for the baby. Alisin ang mga furniture maaaring sumangga, mauntog at makanto.
“Gumamit ng mga walker? Hindi na ni recommend ‘yan. Marami rin nadisgrasya. Hayaan gumapang at gumabay sa mga furniture.”
Ano ang susunod na baby milestones pagkatapos ng independent sitting
Ang susubukan naman ng baby kapag natutunan na niya ang independent sitting ay paggapang. Ito ay depende pa rin sa baby. Ngunit ang normal na development ay ang mga sumusunod:
- Paggapang
- Pagsubok na tumayo
- Kumakapit sa mga furniture para maka-hakbang
- Paglalakad
- Pagsasalita
Kailan masasabi na delay ang motor skills development ng isang bata?
Kung ang baby ay hindi pa rin nakakaupo nang mag-isa sa edad na 9 buwan, kailangan na niyang magpasuri sa pediatrician. Ang ilan sa mga warning signs na may motor delay ang baby:
- Tight ang mga muscle
- Matamlay na paggalaw
- Isang kamay lamang ang ginagamit sa pag-abot ng mga bagay
- Hindi matibay at stable ang head control
- Hindi inilalagay sa bibig ang mga bagay na nahahawakan
Ayon rink ay Dr. Caruncho, dapat tignan din ang ibang pwedeng maging sanhi ng pagka-delay ng motor development.
“Siyempre, hindi lang one are ng development dapat full. You have to make sure the delay is significant. Tignan mo kung may risks factors ba. Premature ba ganun.
May mga posibleng neurologic problems. Kailangan ievaluate may seizure ba. Kailangan ma root out muna lahat ng mga posibleng reasons or cause bakit mabagal.
Everytime naman kasi you need to go to the pediatrician. ‘Pag pumunta ka, hindi lang sila magbibigay ng bakuna sa ‘yo they check their baby’s development. Anytime you have a concern ask your pediatrician.”
Tips para sa mas safe na pagsasanay umupo ni baby
Narito ang ilang tips para matulungan si baby sa mas ligtas na pagsasanay na pag-upo.
- Takpan ang mga outlet sa silid na madalas paglaruan ng bata
- Siguraduhin nakatabi ang mga bagay na maaaring mahawakan ng bata tulad ng kandado ng cabinet, mga kandado sa banyo, atbp. Ilagay ito sa isang kahon na hindi maaabot ng mga bata
- Ilayo ang mga bagay na pwedeng makain ng bata na maaaring makalason sa kanila.
- Kapag nakaka-upo na ang bata, ibaba ang kuna sa mas mababa nitong posisyon. Sa ganitong edad ay mahilig na silang maghablot ng mga gamit. Siguraduhin din malayo ang kuna sa mga saksakan ng kuryente.
- Siguraduhing naka-kabit ng maayos ang mga sinturon kung sila ay naka-upo sa high chairs o iba pang sitting devices.
Source:
Healthline, WebMD, What To Expect