Cellphone puwede nang gamitin para ma-detect kung may ear infection ang bata
Narito ang pinakabagong smartphone app na magdedetect kung may impeksyon o fluid build-up sa tenga ang iyong anak.
Impeksyon sa tenga sa mga bata madedetect na ng isang cellphone app! Iyan ang magandang balitang ibinahagi ng mga researchers mula sa University of Washington para sa mga magulang.
Impeksyon sa tenga detector app
Kung dati ay kinakailangan pang pumunta sa doktor at gumamit ng iba’t-ibang aparato para madetect kung may impeksyon sa tenga ang iyong anak, pwes hindi na ngayon! Dahil sa tulong ng isang mobile app ay puwede na itong madetect ng mga magulang ng hindi na umaalis ng bahay.
Ang smartphone app na ito ay ginawa ng isang team ng mga engineers at doctors mula sa University of Washington.
Ayon sa lead researcher ng ginawang pag-aaral na si Dr. Sharat Raju, sa tulong ng pinakabagong smartphone app ay madedetect na ng mga magulang kung may impeksyon sa tenga ang kanilang anak gamit lang ang cellphone at DIY paper funnel.
Sa ganitong paraan ay agad na matutukoy kung may fluid build-up ba sa tenga ng mga bata na maaring dahilan ng pananakit nito o hindi kaya naman ay hirap nila sa pagdinig.
DIY testing
Gamit ang app at DIY paper funnel na idinikit sa microphone at speaker ng cellphone ay matutukoy na kung may impeksyon sa tenga ang isang bata.
Natutukoy ng cellphone app kung may impeksyon sa tenga ang isang bata sa pamamagitan ng pag-aanalyze nito ng echo at vibration ng eardrum.
Ang microphone sa cellphone ay magiging detector ng soundwaves na nagbobounce sa eardrum.
Kung mayroong fluid o pus sa loob ng tenga ay mababago ang mobility ng eardrum na babago rin sa tunog ng reflected sound sa loob ng tenga.
Magsesend ng text ang app bilang notification kung sakaling may na-detect itong fluid build-up sa loob ng tenga. Magpapadala rin ang app ng dagdag na impormasyon tungkol sa sintomas na maaring maranasan dahil sa fluid build-up na maaring mauwi sa impeksyon.
Ang resulta ng ginawang DIY testing gamit ang cellphone app ay maaring maipakita sa doktor bilang initial diagnosis at maresetahan ng gamot o mabigyan ng preskripsyon.
Accuracy ng impeksyon sa tenga smartphone app
Para naman masiguro ang accuracy ng smartphone app ay nagsagawa ang mga researcher ng test sa 98 na tenga ng mga batang may edad 18 months pataas. Kalahati sa mga bata ay may implanted ear tubes kaya naman mas naging madali para sa mga doktor na malaman kung may fluid build-up sa loob ng tenga ng mga bata. Ang resulta ng diagnosis ng mga doktor ay ikinumpara sa smartphone app results.
Nagsagawa rin ng isa pang mas maliit na test ang mga researcher gamit ang 25 ears ng mga batang 9 months pataas.
Sa magkahiwalay na test ay parehong tumugma ang resulta ng smartphone app sa diagnosis ng mga doktor.
Reaksyon ng mga eksperto
Ayon kay Dr. Justin Golub, isang ear specialist mula sa Columbia University na hindi kasama sa ginawang pag-aaral, ang uri ng technology na ito ay isang paraan para mabawasan na ang mga needless doctor visits. Ayon sa kaniya madalas ay maraming pasyente ang pumupunta sa doktor dahil sa suspetsang mayroon silang ear infection. Pero dahil sa tulong ng bagong smartphone app ay maari na nilang macheck sa kanilang bahay kung mayroon silang impeksyon sa tenga bago pumunta sa doktor. Idinescribe niya rin ang accuracy ng app bilang “quite impressive.”
Para namay kay Dr. Alejandro Hoberman, pediatrics chief ng UPMC Children’s Hospital of Pittsburgh na hindi rin kasama sa ginawang pag-aaral, ang pagkakaroon ng fluid sa tenga ay hindi nangangahulugan na may impeksyon sa tenga na kaagad. Nag-aalala siya na baka dahil sa tulad ng app na ito ay maalarma ang mga magulang at mapressure ang mga doktor na mag-prescribe ng antibiotocs na hindi kinakailangan.
Pero para kay Dr. Randall Bly, isang ear specialist mula sa University of Washington at co-author ng ginawang pag-aaral, ang smartphone approach daw na ito ay parang isang thermometer na magsasabi sa mga magulang kung kailangan na bang pumunta sa doktor. Kung wala naman daw nakikitang senyales ng pagkakaroon ng fluid sa tenga ng isang bata ay masasabing ang isang lagnat ay hindi dulot ng impeksyon sa tenga.
Isang matipid at madaling paraan rin daw ang paggamit ng smartphone app, ayon parin kay Dr. Raju, lead author ng pag-aaral para sa mga batang may pabalik-balik na fluid build-up sa tenga. Ito ay para matrack ng mas madali ng mga magulang kung kailangan na ba ng ear tubes ng kanilang anak ng hindi na pababalik-balik pa sa doktor.
Sa ngayon ay hinihintay pa ng mga researcher ng pag-aaral na maaprubahan ng Food and Drug Administration ang pagbebenta sa smartphone app na ito.
Samantala ang pag-aaral naman ay pinundohan ng National Science Foundation at National Institute of Health sa United States. Alinsunod rin ito sa panawagan ng American Academy of Otolaryngology ng development ng at-home strategies para madetect ang fluid build-up sa tenga na madalas na nagiging dahilan ng pagbisita sa doktor.
Source: CBC News
Basahin: Ang rason kung bakit hindi dapat cotton buds ang pinapanlinis ng tenga
- Ang mga kailangan malaman tungkol sa impeksyon sa tenga
- Impeksyon sa tenga ng sanggol maaaring dulot ng maling posisyon sa pagpadede
- Vic Sotto sa kahilingan ni Tali na magkaroon ng kapatid: "Ang problema parati namin siyang katabi matulog"
- Sylvia Sanchez nangangamba sa paglipat ni Ria Atayde: "Pag bahay mo, hindi dapat maging tambayan."