Mommy, ano ang gamit mong panglinis ng tenga ni baby? Alamin kung bakit hindi ka dapat gumagamit ng cotton buds para rito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Paano nagkakaroon ng impeksyon sa tenga ang bata
- Bakit masamang gumamit ng cotton buds panglinis ng tenga ng bata
- Paano dapat nililinis ang tenga ng iyong anak
Pagdating sa pagpapanatili ng personal hygiene at kalinisan sa katawan ng aking mga anak, ang isa sa mga bagay na kinatatakutan kong gawin ay ang paglilinis ng kanilang tenga.
Bukod sa napakaliit ng butas nito at hindi mo halos masilip ang nasa loob. Masyado pang malikot ang bata dahil nakikiliti sila kapag ipinapasok na ang cotton bud. Nakakatakot dahil ayokong matusok sila at masaktan.
Kinalakihan na natin ang paggamit ng cotton buds panglinis ng ating mga tenga. Ito rin kasi ang ginamit sa atin noon ng ating mga magulang. Subalit ayon sa mga mas bagong pag-aaral, hindi pala dapat gumagamit ng cotton buds para linisan ang ating tenga.
Mga doktor, pediatricians at mga gumagawa ng cotton buds na ang mismong nagsabi na may panganib na dala ang paggamit ng cotton buds para linisin ang tenga, lalo na ng mga bata. Pero ano nga ba ang mga panganib na tinutukoy nila?
Ang necrotizing otitis externa
Sa edad na 31 na taong gulang, isang lalaki ang biglang inatake ng seizures at matinding pananakit ng ulo. Siya rin umano ay nakakalimot ng mga pangalan ng tao hanggang biglang hinimatay. Hindi masabi ng mga paramedics na dumating kung ano ang sanhi nito.
Matapos ang brain scan, nakitaan siya ng dalawang nana sa may lining ng utak. Nakuha ito ng lalaki dahil sa cotton bud na ginamit niyang panglinis ng kaniyang tenga.
Ang cotton bud ay naging sanhi ng necrotizing otitis externa. Kilala rin ito sa tawag na malignant otitis externa.
Ito ay isang impeksiyon na nakukuha dahil sa bacteria. Nagsisimula ito sa ear canal bago kumalat sa bungo at kumain sa buto nito. Naaapektuhan nito ang mga ugat sa mukha kung saan nanghihina ang muscle parang may stroke.
Kadalasan itong nakikita sa mga matatanda at sa mga may problema ang immune system. Bihira ang impeksiyon na ito ngunit nakamamatay.
Image from Freepik
Bakit hindi dapat gumamit ng cotton buds na panglinis ng tenga
Ayon sa Healthline, noong taong 1990 hanggang 2010, ang pangunahing sanhi ng pagdala ng mga bata sa emergency room sa bansang Amerika ay dahil sa ear infection o ear injury.
Mahigit 260,000 bata ang naiulat na nagkaroon ng ear-related injuries, ilan rito ay dahil sa perforated eardrums at soft tissue injuries.
Ang eardrum ay isa sa mga pinakamahalagang bahagi ng ating tenga na nagba-vibrate ng tunog mula sa labas na ipinapasa sa ating inner ear papunta sa brain.
Ang bahaging ito ay maaaring maabot ng cotton buds. At dahil napakasensitibo nito, maaari itong masira, ma-rupture o mabutas ng kahit mahinang pressure gamit ang cotton buds.
Sinumang nakaranas na mabutas o ma-injure ang eardrums ay magsasabing hindi ito magandang karanasan. Makakaranas ka ng matinding pananakit sa iyong tenga na maaring maglabas ng nana o fluid.
Bagama’t gumagaling naman ang punctured eardrum, hindi mabilis ang prosesong ito. Sa ibang kaso, maaari pa itong magdulot ng pagkawala ng pandinig o pagkabingi (conductive hearing loss).
Dapat bang linisin ang tutuli
Isang karaniwang dahilan ng mga magulang para gumamit ng cotton buds na panglinis ng tenga ay para tanggalin ang mga earwax o tutuli.
Marami ang nagiisip na madumi ang mga tutuli. Ngunit ayon sa mga eksperto, natural lamang ito at importante sa kalusugan. Ang mga tutuli ay nagsasala sa mga alikabok at dumi. Itinataboy nito ang tubig, pinoprotektahan ang lining ng tenga, at pumapatay ng mga bacteria.
Bukod dito, hindi naman gaanong maraming tutuli ang tenga ng isang bata. Kadalasan, ang ear canal ay gumagawa lamang ng tamang dami ng ear wax na kailangan ng ating tenga.
Subalit may mga kaso pa rin na nagkakaroon ng earwax build-up o dumadami ang naiipong tutuli sa tenga. Maaari itong tumigas at magbara na pwedeng maka-abala sa pandinig at magdulot ng pananakit ng tenga.
Ilan sa mga posibleng sanhi ng pagdami o pagka-imbak ng tutuli ay ang mga sumusunod:
- Paggamit ng cotton buds na panglinis ng tenga. Kadalasan, naitutulak lamang ng cotton buds ang tutuli palubog ng tenga.
- Pagpasok ng mga daliri sa loob ng tenga, dahil maari rin nitong matulak paloob ang tutuli.
- Pagsusuot ng ear plugs.
Isang sintomas ng earwax buildup ang pananakit ng tenga na pwedeng idaing ng mga bata. Malalaman mo namang masakit ang tenga ng iyong sanggol kapag balisa siya at paulit-ulit niyang hinahawakan ito.
BASAHIN:
Bata, nagkaroon ng amag sa tenga dahil sa laging pagsusuot ng earphone
Could your child’s school grades be hinting at a hearing problem?
Are your kids using headphones more during the pandemic? Here’s how to protect their ears
Pagkakaroon ng bara sa tenga
Habang tumatanda ang tao, lalong tumitigas ang tutuli na nagpapahirap sa kusang paglabas nito. Maaari itong maging dahilan ng pagbara ng tutuli.
Ang mga sintomas ng pagbara ng tutuli ay panandaliang pagka-bingi, pakiramdam na puno ang tenga at nagri-ring o makalog na tunog sa tenga.
Kapag may bara sa tenga, inirerekomenda ng mga eksperto ang paglapit sa doktor ang microsuction na ipapayo nila ay dapat isagawa ng nurse.
Ang home syringing ay hindi iminumungkahi. Ito ay dahil maaaring mabutas ang ear drum kapag mali ang pagkakagawa.
Mahigpit din na pinagbabawalan ng mga doktor ang ear candling. Ito ang proseso nang paglagay ng nakasinding kandila sa tenga sa paniniwala na hinihigop nito ang tutuli palabas. Bukod sa panganib ng pagkapaso, maaari rin pasukan ng wax ng kandila ang tenga.
Tamang paraan ng paglinis ng tenga ng bata
Kung hindi dapat gumamit ng cotton buds panglinis ng tenga, ano ang pwedeng gamitin?
Ayon sa mga eksperto, wala. Hindi dapat at hindi kailangan linisin ang loob na bahagi ng tenga.
Ang lining ng tenga ay tuloy-tuloy na tumutubo palabas mula sa ear drum. Nadadala nito ang mga tutuli palabas ng tenga sa pagtubo nito. Dahil rito, kusang nahuhulog at natatanggal ang mga tutuli.
Ang paggamit ng cotton bud bilang panlinis ng tenga ay maaaring makasira sa maselan na lining ng tenga na magiging dahilan ng pag-ipon ng tutuli.
Para linisin ang tenga ng sanggol o bata, maaaring gumamit ng basang washcloth o bulak at pahiran lang ang labas na bahagi ng tenga. Nalilinis rin ito sa tuwing nagsa-shampoo tayo ng ating buhok.
Pagdating sa loob ng ating tenga (ito ang bahagi na hindi na natin makita), hayaan lang ito ay huwag magpapasok ng anumang bagay sa loob nito. Kusa naman itong nalilinis sa tuwing naliligo tayo (may sapat na tubig ang napupunta sa ating ear canal na nagtatanggal ng tutuli).
Kung hindi naman nagrereklamo ang iyong anak tungkol sa kaniyang tenga, mas mabuting pabayaan lang ito. Subalit kung ito naman ay nagdadala ng anumang sakit sa kaniya, kumonsulta agad sa kaniyang pediatrician para malaman kung anong dapat gawin para solusyunan ito.
Larawan mula sa Pexels
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source:
Daily Mail, Healthline, Healthy Hearing
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!