Nakuhanan sa video ang insidente kung saan ang isang ina ay tinulak ang anak niya sa harap ng isang sasakyan. Kitang-kita rin sa CCTV ang kaniyang ginawa. Nangyari ang insidente sa Guangzhou, China.
Ina tinulak ang anak sa harap ng isang van!
Sa video makikita ang mag-ina na nakaabang sa tabi ng daan. Matapos ang ilang segundo, may isang van na makikitang dumaan sa lugar kung nasaan ang mag-ina.
Nang malapit na sa kanila ang van, makikitang dali-daling tinulak ng ina ang bata papunta sa umaandar na sasakyan. Sa kabutihang palad, nakatigil agad ang sasakyan, at hindi nasaktan ang bata.
Ngunit hindi pa rin tumigil ang ina, at dali daling tumakbo sa harap ng nakatigil na sasakyan, at pinilit na sumiksik sa ilalim nito! Nagkunwari pa siyang nabundol ng sasakyan, ngunit kitang kita ang kaniyang modus.
Panoorin ang CCTV footage:
Tinatawag itong “peng ci” scam sa China
Nakakagulat malaman na hindi na bago ang modus na ginawa ng ina. Ito ay tinatawag na “peng ci” sa China, na ang ibig sabihin ay humawak ng babasagin.
Kadalasang sinusubukan nilang lokohin ang mga motorista at nagkukunwaring nabundol o nabangga, para makapanghingi ng pera. Kadalasan nakaabang sila sa gilid ng kalsada, at bigla-bigla na lang tatakbo sa harap ng mga sasakyan.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga pulis ang pangyayari. Ayon sa kanila, kumakalat na ang ganitong uri ng panloloko. Pinapaalalahanan rin nila ang mga motorista na mag-ingat habang nagmamaneho, at tumingin ng mabuti sa kalsada upang makaiwas sa ganitong mga klaseng scam at panloloko.
Source: Straits Times
Basahin: Are you a work-at-home parent? Protect yourself from these online scams!