Sa loob ng historic walls ng Intramuros, Manila, matatagpuan ang treasure trove ng cultural heritage ng bansa. Kilala ang Intramuros sa makalumang disenyo ng mga kalye at mga istrukturang ilang siglo nang nakatayo sa lungsod. Ito nga raw ay buhay na testamento ng makulay na kasaysayan ng Pilipinas. At ilan sa napakaraming tourist attractions sa walled city na ito ay ang mga museum sa Intramuros. Sumasalamin kasi ito sa samu’t saring kasaysayan, sining, at kultura ng bansa.
Mga museum sa Intramuros na maaaring puntahan ng pamilya
Bilang mga magulang, makabubuti rin na maimulat natin ang ating mga anak sa mayamang kasaysayan ng ating bansa. Sa pamamagitan nito, mas mamahalin ng mga bata ang kanilang pagiging Pilipino. At makakukuha sila ng maraming aral sa nakaraan na magagamit nila hanggang sa mga susunod na panahon. Dahil tunay nga namang malaki ang ginagampanan ng kasaysayan sa paghubog ng hinaharap.
Kaya naman kung nais mong imulat ang iyong anak sa ilang bahagi ng ating kultura at kasaysayan, maaari mo siyang dalahin sa mga Intramuros museum. Hindi lang educational trip ang pwede niyong gawin, dahil magandang bonding din ito ng pamilya.
Narito ang mga Intramuros museum na pwede niyong puntahan:
Casa Manila Museum
Sa pagpunta niyo sa Casa Manila Museum, tila mapapa-time travel kayo sa colonial era ng bansa. Ang museum kasi na ito ay isang recreated 19th century mansion. Kung saan ay masisilip ninyo ang uri ng pamumuhay ng mga Filipino elite noong panahon na sinakop ng Espanya ang ating bansa.
Makikita sa museum na ito ang mga antique furniture, exquisite textiles, at religious artifacts na talaga sumasalamin sa Spanish colonial period.
San Agustin Museum sa Intramuros
Matatagpuan ito sa iconic na San Agustin Church. Tinuturing na World Heritage Site ng UNESCO ang museum na ito. Matatagpuan sa San Agustin Museum sa Intramuros ang koleksyon ng mga religious art and artifacts.
Taong 1965 pa itinayo ang museum na ito kung saan makikita ang samu’t saring religious relics, paintings, sculptures, at manuscripts noong Spanish colonial period.
Kung Katoliko ang inyong pamilya, hindi lang art and history kundi spiritual experience din para sa inyo ang pagbisita sa museum na ito.
Bahay Tsinoy
Kung Filipino-Chinese heritage naman ang pag-uusapan, nariyan ang Bahay Tsinoy museum. Dito makikita ang cultural legacy ng mga Chinese sa Pilipinas.
Tampok sa museum na ito ang shared history, traditions, at contributions ng Filipino-Chinese community. Mayroong iba’t ibang exhibit ng ancient artifacts at contemporary artworks sa Bahay Tsinoy. Kung saan ay nagpapakita ng ilang siglo ng migration, trade, at cultural exchange sa pagitan ng Pilipinas at China.
Fort Santiago Museum sa Intramuros
Ang Fort Santiago ay itinuturing na simbolo ng resilience at patriotism ng mga Pinoy. Sa loob nito matatagpuan ang Fort Santiago museum. Kung saan ay tampok ang kabayanihan at mga sakripisyo ng mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng kasaysayan.
Makikita sa mga gallery sa museum na ito ang mga artifact, mga larawan, at interactive displays na nagpapakita ng paglaban ng mga Pilipino para sa kalayaan ng bansa mula pa noong Spanish colonial period hanggang sa Japanese occupation at sa mga sumunod pang panahon.
Ginawa ring immortal ang mga huling hakbang ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal sa sahig ng Fort Santiago. Tiyak na maraming matututunan ang inyong mga anak kung dadalhin niyo sila sa museum na ito.
Museo de Intramuros
Ito ang pinakabagong museum sa Intramuros na nagbukas lamang noong 2019. Matatagpuan ang Museo de Intramuros sa loob ng San Ignacio Church. Tampok sa museum na ito ang diverse collection ng artifacts, artworks, at multimedia installations na sumasalamin sa mayamang kasaysayan at kultura ng mga Pilipino.
Makikita sa museum na ito kung paano nag-evolve ang Intramuros sa loob ng mga nagdaang siglo. Mula sa pre-Hispanic artifacts o mga artifact na mula pa noong panahon bago dumating ang mga Kastila sa bansa. Hanggang sa mga colonial-era relics o mga relic noong panahon ng pananakop ng iba’t ibang lahi.
Tunay ngang hindi lang basta tourist destination ang Intramuros. Living testament ito ng legasiya at cultural heritage ng bansa. Sa pamamagitan ng pagbisita sa mga Intramuros museum para ka na ring nag time travel patungo sa kasaysayan na humubog sa pagkakakilanlan natin bilang mga Pilipino.