Ang World Suicide Prevention Day ay ginugunita taon-taon sa ika-10 ng Setyembre. Para alalahanin ang araw na ito, narito ang isang liham mula sa isang suicide survivor para sa kapatid niyang nagpakamatay.
Dear ate,
Bakit mo ito nagawa?
Matagal ko nang iniisip kung bakit mo ito nagawa; kung anu-ano ang mga bagay na nagsabi sa’yo na tama na. Marahil, hindi ko na malalaman ang sagot. Kahit sa aking mga panaginip, hindi rin kita matanong.
Simula nang namatay ka 24 taon na ang nakalipas, palagi kang bumibisita sa aking mga panaginip. Habang ako ay tumatanda, kahit kailan hindi nagbago ang iyong hitsura — 17 ka palagi, nakasuot ng puti, at maigsi ang buhok. Naalala ko pa nga sa isang panaginip, nagterno ka pa ng roller skates sa puti mong damit.
Ngunit hindi ka nakangiti sa aking mga panaginip. Hindi ka rin naman nakasimangot. Nariyan ka lang, hindi ko mahawakan, maganda pa rin tulad ng dati.
At hindi ka nagsasalita.
Yun din siguro ang naging sanhi ng lahat: hindi mo nasabi sa amin ang iyong mga problema.
May nanakit ba sa’yo? Nasaktan ka ba namin? Bakit hindi mo kami pinagkatiwalaan na tulungan ka?
Siguro ay talagang hindi mo na kinaya ang iyong nararamdaman kaya naisip mong uminom ng kemikal na nakakatunaw ng plastik. Hindi ito naging mabilisang paraan ng pagkamatay; ikaw ay naghirap at naghingalo — ngunit lahat kami ay nahirapan noong panahong iyon.
Hindi natin ito nagawang pag-usapan bago ka mamatay, at lalo na noong pumanaw ka na.
Hindi pa rin matanggap ng ate natin ang iyong pagkamatay (ni hindi nga niya kayang basahin ang sinulat ko dati tungkol dito). Minsan lang niya nakwento ang mga nangyari bago ka pumanaw — kung paano ka umubo ng dugo, at ang sinabi ng mga nurse sa ICU na natunaw ka sa loob ng kemikal na ininom mo, at kung paano siya nabigla nang sinagot niya ang tawag mula sa ospital, na sinabing pumanaw ka na.
Dahil malayo ako sa inyo nang ikaw ay namatay, yun lang ang mga natitira kong mahalagang mga alaala bago ka mamatay.
Hindi ka dapat namatay ng ganoon. Iniisip ko pa lang ang nangyari, nararamdaman ko na wala akong magawa. Sa totoo, nagagalit ako.
Nagagalit ako sa iyo.
Dahil puwede ka namang lumapit sa amin. Napakasakit isipin na kahit sarili mong pamilya, hindi mo pinagkatiwalaan para sabihin ang iyong nararamdaman.
Sa halip, nawalan ako ng ate, nawalan ang ating ina ng anak, nawalan ng tita ang mga anak ko. Ninakawan mo ako, ang ating pamilya, at lahat ng nagmamahal sa iyo ng mga magagandang mga alaala. Ako ang nakababata mong kapatid at tinitingala kita. Nangarap ako noon na makita kang maging isang mahusay na babae, asawa, at ina. Ngunit pangarap na lang ang lahat ng iyon.
24 na taon na ang nakalipas simula nang ikaw ay magpakamatay. Pero kahit kailan, hindi nawala ang matinding emosyon. 24 na taon pagluluksa, galit, pagkahinayang, at pagsisisi.
Pero sinusulat ko ang liham na ito dahil humihingi ako ng patawad na hindi ko nakita ang iyong kalungkutan, na kahit ang pamilya mo hindi ito napansin, lalo na nung kailangan mo kami. Na inakala mong ikaw ay nag-iisa.
Sana ay mapatawad mo kami, kasi hindi namin mapatawad ang aming sarili. Hindi pa ngayon, pero marahil baka hindi na.
Hindi madali sa aming tanggapin ang iyong pagkamatay. Ang karahasan ng iyong pagkamatay ay palaging magiging masakit para sa aming lahat.
Pero sa tingin ko, mananatili pa rin ang sakit, upang alalahanin namin, at upang matuto kami mula sa pagkawala mo.
Pinapanood ko ang mga anak ko — mga pamangkin mo — at namamangha ako sa kanila. Kahit 5 at 3 pa lang sila, may sarili na silang pagkatao, may sariling pag-iisip, damdamin, at may sariling paraan kung paano haharapin ang mga pagsubok sa buhay.
Kapag malaki na sila, hindi ko itatago ang kwento mo. Mahalagang malaman nila ang tungkol sa iyong pagkamatay, dahil mahalagang pag-usapan ito, kahit na masakit.
Iniisip mong kaya ka bumibisita sa aking mga panaginip ay dahil gusto mo kaming paalalahanan na mabuhay, na magpatawad, o kaya’y iparamdam na naaalala mo kami, tulad ng pagkaalala ko sa’yo.
Kahit marami tayong hindi na napag-uusapan, huwag mong kalimutan: ikaw ang ate ko, at walang makapagbabago nun. Ang hinahanap mong pagpapatawad, pag-ibig, at pagtanggap, buong puso kong ibinibigay. Hindi mo na kailangan pang hingin.
Isang paalala mula sa may-akda:
Ang suicide ay isang health issue, at ito ay naagapan. Kadalasan, ang mga taong nag-iisip na magpakamatay ay nararamdamang hindi nila makayanan ang isang malaking problema sa kanilang buhay. Kahit na hindi natin malalaman kung ano ang tunay na nararamdaman ng isang tao, makikita natin ang mga warning signs, at may magagawa pa rin tayo.
Ang isang tao ay posibleng magpakamatay kapag:
- nagsasabing gusto na niyang mamatay
- laging iniisip ang kamatayan o karahasan
- naghahanap ng paraan upang patayin ang sarili (tulad ng sleeping pills)
- nagpapaalam sa mga tao na parang hindi na sila magkikita
- nagsasabing wala na silang magawa o nahihirapan sa isang sitwasyon
- nagagalit o gustong maghiganti
- pinamimigay ang mga gamit, kahit walang dahilan
- nagbabago ang gawain sa pang araw-araw
- hindi kumakausap ng tao, o lumalayo sa mga tao
- nagsasabing pabigat lamang sa ibang tao
- pagiging mapanira sa sarili, tulad ng pag-inom ng maraming alak at paggamit ng droga
- pabago-bago ang ugali
- nag-iiba ang pagkatao
Kapag napansin mo ang mga ganitong bagay sa isang tao, huwag mo silang iwan. Tanggalin mo ang kahit anong bagay na baka gamitin nila upang magpakamatay. Kausapin mo siya. Mahalaga ang pakikipag-usap sa pagpigil ng suicide, at nakakatulong ito upang makaiwas sa suicide.
Puwede ka ring tumawag sa sumusunod na mga linya:
- HOPELINE. (02) 804-HOPE (4673) at 0917 558 HOPE (4673). Toll free number sa Globe at TM 2919
- Psychconsult, Inc. +632 421 2469 / +632 357 6427 or +63917 8080193 o bisitahin ang kanilang website dito.
sources: reportingonsuicide.org, mayoclinic.org
Isinalin sa Filipino ni Alwyn Batara
https://ph.theasianparent.com/letter-to-my-sister
Basahin: Suicide Prevention – Know the Warning Signs
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!