Dahil umano sa nagalaw na IV, baby nangitim at namaltos ang paa

Narito ang dapat isaisip ng mga magulang para makaiwas sa IV injury ang kanilang anak.

IV injury ng baby, paano nga ba maiiwasang mangyari?

Image from Facebook

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Baby na nangitim at namaltos ang paa dahil sa naggalaw na IV

Hindi inakala ng isang ina na ganito na pala ang itsura ng paa ng kaniyang anak na nagpapagaling sa ospital dahil sa sakit na pneumonia.

Ayon sa ina ng 2-months-old baby boy na si Lucas, masaya sana siya dahil unti-unti ng umaayos ang kondisyon ng kaniyang anak na na-diagnosed na may sakit na pneumonia. Naging effective daw ang antibiotics na ibinibigay sa kaniyang anak sa pamamagitan ng intravenous theraphy o IV.

Sa interview ng theAsianParent sa nasabing ina ng bata ay pangalawang gabi nila sa ospital ng maggalaw ng kaniyang baby ang dextrose nito. Kaya naman para maiwasang mangyari ulit yun ay tinakpan ito ng diapers ng mga nurse sa ospital ng pinag-admitan nila.

Mula daw ng matakpan ng diapers ang paa ng anak na pinagkakabitan ng IV ay naging irritable na ito at iyak ng iyak. Tumatahan lang daw ito kapag napapadede at nakakatulog.

Dahil dito ay oras-oras na pinapalitan ng ina ng bata ang diapers ng anak sa pag-aakalang ito maari ang dahilan.

Ngunit bandang alas-onse ng gabi, napansin ng ina ng bata na naninigas na ang legs ng kaniyang anak na pinagkabitan ng IV. Dito na siya tumawag ulit ng nurse para ito ay matingnan. Saka daw tinanggal ng nurse ang dextrose ng kaniyang baby.

Sa ngayon ay hindi na ulit kinabitan ng IV si Baby Lucas at binigyan nalang ng antibiotics drops para maipagpatuloy ang treatment niya.

Dahilan ng IV injury ng baby

Ayon naman sa doktor ng tumingin sa kaniya, ang pamamaga sa paa ni Baby Lucas ay dahil sa pagkakagalaw ng kaniyang IV. Ito daw ay madalas na nangyayari sa mga baby dahil hindi pa kayang kontrolin ang kanilang paggalaw.

Base naman sa isang pag-aaral na nailathala sa Wound Management and Prevention journal, ang IV injury ay mas mataas ang tiyansang mangyari sa mga batang pasyente tulad ng mga baby. Ito daw ay dahil sa liit ng kanilang ugat na sa konting galaw lang ay maaring mawala na tamang pwesto ang karayom na nakatusok na pinagdadaanan ng kanilang gamot.

Ayon naman sa iba pang pag-aaral, ang mga baby naman na mas maitim ang balat ay mataas ang tiyansang makaranas ng extravasation o leakage ng fluid o medication na dumadaan sa kanilang IV. Ito ay dahil mas mahirap hanapin ang kanilang ugat na dapat mapagtusukan ng IV ng tama.

Dinadagdagan rin ito ng epekto ng mga fluid na may taglay na electrolytes o antibiotics na mas nagdudulot ng damage sa tissue kapag nag-leak.

Mga tips para maiwasan ang IV injury ng baby

Ayon naman sa mga doktor, para maiwasang mangyari ito sa anak ay kailangang isaisip ng mga magulang ang mga tips na ito.

Ugaliing tingnan ang IV na nakatusok sa katawan ng bata.

Bagamat hindi daw dapat tinatakpan ng diaper ang lugar ng pinagtusukan ng IV ng isang baby, ito ang pinakaeffective way para maiwasang magalaw o hugutin nila ito. Lalo pa’t dito dumadaan ang kanilang medication sa sakit na nararanasan at hindi pa kayang makontrol ang kanilang mga galaw.

Ngunit dapat daw kahit nakabalot ng diapers ay dapat kita parin ang mga toes o daliri sa paa ng baby. Ito ay para mas madaling makita kung ang IV ay nagalaw at ang paa niya ay namamaga na.

Maliban rin sa paglalagay ng diapers, puwede ding lagyan ng papel o karton ang ilalim ng paa ng bata saka itali bilang pangsuporta sa kaniyang IV. Sa ganitong paraan ay agad na malalaman kung may leak na ang IV kapag nabasa na ang nilagay na karton o papel.

Sa oras naman na nakaranas ng IV injury ng baby ang iyong anak ay dapat agad ng patanggal sa nurse ang kaniyang IV at ilipat sa ibang parte ng kaniyang katawan. Ito ay para hindi na mas lalong mamaga pa ang parte ng kaniyang katawan na nagtamo ng injury.

Magtiwala sa iyong instinct bilang magulang.

Kung pakiramdam mo ay hindi komportable ang iyong anak, iyak ng iyak o may nararamdaman ito na nakakapag-pairita sa kaniya, ay huwag mahiyang lumapit o humingi ng tulong sa mga doktor o nurse. Mas mabuti na ang magtanong para agad na maagapan at maiwasan ang mga sitwasyon tulad ng IV injury ng baby.

 

Source: Wound Management and Prevention

Basahin: 3-buwan sanggol, pinainom ng lola ng tubig na hindi alam ng ina