Hindi pa rin nakaka-move on ang mga netizen sa naging issue nina Maris Racal at Anthony Jennings kamakailan. Mayroon mang mga taong tumutuligsa sa pagtataksil ng dalawa. Mayroon ding mga fans na nagsasabing dapat na kasuhan umano si Jam Villanueva, ang live-in partner ni Anthony, sa paglalabas nito ng screenshots ng intimate conversation ng dalawang aktor.
Jam Villanueva pinakakasuhan sa paglabas ng convo nina Maris-Anthony
Patuloy na umiinit ang kontrobersiya sa pagitan nina Jam Villanueva, Maris Racal, at Anthony Jennings matapos ang paglalantad ni Jam ng diumano’y pribadong usapan ng magka-loveteam. Maraming netizens ang nagsusulong na kasuhan si Jam dahil sa paglabag umano sa karapatan sa privacy nina Maris at Anthony.
Larawan mula sa Instagram ni Maris Racal
Ayon sa ilang legal experts, ang paglalabas ng mga screenshots ng pribadong mensahe ay maaaring magresulta sa kaso ng cyberlibel o paglabag sa Data Privacy Act. Bagaman nagawa ito ni Jam sa gitna ng kanyang hinanakit bilang biktima ng pagtataksil, iginiit ni Atty. Jesus Falcis na may mga legal na hakbang na maaaring tahakin para makamit ang hustisya nang hindi lumalabag sa batas.
“Even cheaters have human rights,” ani Falcis. Paliwanag niya, ang mga screenshots ay maaring gamitin bilang ebidensya sa korte, ngunit hindi dapat isapubliko. “Instead of posting on social media, file a VAW (violence against women) case – psychological violence caused by infidelity,” dagdag pa ng abogado.
Larawan mula sa Instagram ni Jam Villanueva
Ano ang karapatan ng common-law wife kapag nagkaroon ng kabit ang live-in partner?
Sa ilalim ng Republic Act No. 9262 o Violence Against Women and Children (VAWC) Act, may karapatan ang isang common-law wife na magsampa ng kaso laban sa kanyang live-in partner at sa kabit nito kung ang pagtataksil ay nagdulot ng pisikal, emosyonal, o sikolohikal na pang-aabuso.
Ayon sa batas, ang infidelity o pagtataksil ay maituturing na psychological violence. Maaari itong magdulot ng matinding emotional distress at trauma sa biktima, na maaring gamiting basehan sa pagsasampa ng kaso sa korte.
Larawan mula sa Instagram ni Jam Villanueva
“Take screenshots as evidence of cheating or an affair,” payo ni Atty. Falcis. Ngunit imbes na isapubliko ang mga ito, dapat itong idulog sa korte upang hindi maharap sa kasong cyberlibel o paglabag sa data privacy.
Bagaman mahirap ang sitwasyon para sa mga kababaihang nasa common-law relationship, may mga legal na hakbang upang ipaglaban ang kanilang karapatan at makamit ang hustisya. Sa huli, ang pagsunod sa tamang proseso ang susi upang mapanagot ang mga nagkasala nang hindi lalabag sa batas.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!