Pinuri ng mga netizen ang naging reaksyon ni Juan Karlos o JK Labajo nang makita niya ang isang 2-month old na baby sa kaniyang recent concert gig.
Mababasa sa artikulong ito:
- JK Labajo nag-alala sa 2-month old baby sa kaniyang concert
- Mensahe ni Juan Karlos sa mga magulang na nagdadala ng anak sa concert
JK Labajo nag-alala sa 2-month old baby sa kaniyang concert
Usap-usapan sa social media ang video na pinost ng Facebook user na LifeofEs. Kung saan ay makikita ang 23-year-old singer-actor na buhat-buhat ang isang sanggol.
Sa nasabing video, maririnig na may humihirit kay JK ng “isang karga naman diyan para sa pinakabata mong fan.”
Tila nagulat naman si JK Labajo nang makita ang baby. Doon ay tinanong niya kung ilang taon na ito. At mas nagulat pa lalo ang singer nang sabihin ng magulang ng baby na 2 buwan pa lamang ang sanggol.
“Ba’t mo pinaparinig ng Ere ‘yung bata? Two months pa lang, maaga, wag. Wala bang earmuffs si baby? Umiiyak na si baby, okay lang ba ‘yan? Umiiyak, kawawa naman ‘yung bata,” tukoy nito sa kaniyang hit song.
Sandaling natigil ang performance ni JK Labajo upang pakalmahin ang sanggol na umiiyak.
Mensahe ni Juan Karlos sa mga magulang na nagdadala ng anak sa concert
Makikita rin sa video na nagtanong si JK kung sino ang mag earmuffs o earphones na pwedeng ilagay sa tenga ng baby. Ipinaalala niya rin sa mga magulang na sensitibo pa ang pandinig ng mga baby kaya hindi dapat na dinadala sa mga lugar na maiingay tulad ng ganoong uri ng concert.
“So yung mga bata, especially mga one year old and below, super sensitive pa yung mga tenga nila. “Sino ba meron diyang headphones or something? Headphones na di naka-on, something na ganon,” ani JK.
Saad pa ng singer-actor, nagpapasalamat siya sa suporta ng mga magulang ng baby pero mas mahalaga umano ang safety ng sanggol.
“Maraming salamat sa suporta, pero please, alagaan niyo si baby.”