Nung tinanggap ng mister ko si *Maria para maging kasambahay namin, paniwala akong napili namin ang pinakamahusay na mag-aalaga sa aming mga anak, at mamamahala sa bahay namin habang wala kami. Buo ang tiwala ko sa kaniya at malapit ang tatlong anak ko sa taong ito. Pati nga aso namin, maamo sa kaniya. Sinong mag-aakala na siya ang magiging kabit ng asawa ko!
Mabuting kasambahay si *Maria—mahaba ang pasensiya, metikuloso, at masinop. Hindi ko na kinailangang pagalitan o pagsabihan, o turuan nang paulit-ulit. Pinagamit ko pa sa kaniya ang luma kong iPhone dahil mahal namin siya, at pinagkakatiwalaan. Para na siyang ka-pamilya.
Kapag naiisip ko ngayon, may mga senyales na dapat kong napansin noon pa man. Alam kong may nangyayari na, lalo na nung araw na gustung-gusto kong magpamasahe, at tinanong ko ang mister ko kung puwede niyang masahiin ang likod at balikat ko.
Ang sagot ng asawa ko: “Si *Maria magaling mag-masahe.”
Tinanong ko kung pa’no niya nalaman, ngunit hindi siya nagpaliwanag. Ang sabi lang niya, e, naikuwento daw ni *Maria sa kaniya.
Ngayon alam kong tanga ako, pero pinagkatiwalaan ko sila—lalo na ang asawa kong 17 taon ko ng kinakasama. Hindi din ako manakapaniwala na aakitin ni *Maria ang asawa kong halos kasing edad na ng tatay niya.
Isang taon pa lang siyang nagtatrabaho sa amin, napansin ko nang halos maligo na sa pabango si *Maria, kahit nasa bahay lang siya. Madalas pa, sa gabi siya ayos nang ayos at nagpapabango—sakto sa pagdating ni mister galing sa trabaho.
Hindi sila nag-uusap, pero makikita ko siyang nakatingin sa asawa ko, at labas masok sa kusina para “maglinis” sa tuwing pupunta din dun si mister para may kunin.
Tinanong ko ang asawa ko kung napapansin niya ito kay *Maria, pero ‘di niya ko pinansin. Masyado lang daw akong maduming nag-iisip. Madalang din ang pagtatalik namin noong taon na ‘yon. Inisip ko na lang na pagod lang siya sa trabaho dahil kaka-promote lang niya, at laging nakasubsob sa laptop niya.
Isang gabi, nasa shower siya, at ginawa ko ang isang bagay na sabi ko ay hinding-hindi ko gagawin—pinakialaman ko ang cellphone niya. Parang kutob lang talaga, kaya’t di ko napigilan. At nagpapasalamat ako sa Diyos na binigyan ako ng “moment of doubt.” Dito na nagbago ang lahat sa buhay ko.
Sa una, parang normal naman lahat. Maraming mga mensahe galing sa mga ka-opisina niya, kaibigan, boss, at ako. Nakahinga ako nang maluwag. Pero hindi pa rin ako mapakali, kaya tiningnan ko ang photo gallery niya… at duon ako natulala at halos mahimatay!
Hindi ako makahinga. Daan-daang litrato ni Maria na naka-panty at bra, at naka-pose nang malaswa. Ang malala, panty at bra ko ang suot ni *Maria!
Tuloy ang pagtingin ko, at parang tuloy din ang pagsaksak sa puso ko. Kinakalma ko ang sarili ko, ‘tsaka ko kinuha ang cell phone ko para kunan din ang mga litratong nasa harap ko. Ebidensiya ko ito, sakaling burahin niya lahat ito.
Galit at poot lang ang bumalot sa buong pagkatao ko. Hindi ko pa nararamdaman ang sakit nung oras na ‘yon. Sumugod ako sa kuwarto ni *Maria dala ang cell phone ng asawa ko, para itanong kung anong ibig sabihin nito. Puro pagtanggi ang narinig ko, pero natahimik na siya nang pinakita ko ang mga litrato.
Hingi siya nang hingi ng tawad, pero wala akong pakialam. Hindi ko kailangan ng “sorry” niya. Gusto kong mabura lahat ng nakita ko mula sa utak ko. Gusto ko siyang lumayas sa pamamahay ko! Malayo sa mga anak ko, at ‘yon din ang gusto ko para sa taksil kong asawa.
Dumating ang mister ko at tinatanong kung bakit ako nagsisisigaw. Pinalayas ko silang dalawa at sinabi kong ayaw ko na silang makita. Nang mapansin niya na hawak ko ang cell phone niya, napagtanto na niya kung ano ang nangyayari. Inaya niya ko na bumalik sa kuwarto namin para mag-usap.
Buo ang loob ko, at pigil na pigil na tuluyang magwala. Puro tanong ang lumabas sa bibig ko, naghihintay ng sagot.
Gaano katagal ng kabit ng asawa ko si *Maria? Paano nagsimula? Saan sila nagtatalik? Alam ba ng mga bata? Gumamt ba siya ng proteksiyon? Bakit hindi niya naisip ang mga anak namin—at ako?
Inamin niya ang lahat (dahil wala na siyang magawa), at natural, walang kuwenta ang mga dahilan niya. Dahil daw subsob ako sa trabaho, si *Maria ang nando’n para makausap niya kapag wala ako, at “inaaruga” siya kapag pagod siya o masama ang araw niya.
Sinisi niya ko dahil hindi ko daw natutugunan ang seksuwal na pangangailangan niya. At para lalo pang durugin ang durog ko nang puso, sinabi niyang handa daw kasing gawin ni *Maria ang lahat ng gusto niya sa kama, kahit anong oras, kahit anong paraan. Napakawalang-hiya!
Nasaktan ako, nang hindi ko mailarawan. Galit at sakit ang nararamdaman ko. Hiyang-hiya ako sa sarili ko. Paanong ang lalaking minahal ko at kasama ko ng 17 taon, ay makakapagsabi sa akin ng mga bagay na ito? Parang hindi ko na siya kilala. Humingi ako ng divorce, pero laking gulat ko nang sabihin niyang matagal na niyang iniisip na hiwalayan ako.
Nag-impake ako at sinabi ko sa mga anak namin na papunta kami sa Lola nila at d’on matutulog. Hindi ako handang magpaliwanag ng mga detalye. Ayoko din kasing magalit sila sa Tatay nila. Kaming dalawa lang ang may problema. Sinabi kong gusto silang makita ni Lola, kaya dadalaw kami.
Pagdating namin d’on, sinabi kong lahat sa Mommy ko. Wala akong magawa kundi umiyak. Maswerte akong suportado ako ng Mommy ko.
“Gawin mo ang tama para sa mga bata. Hindi ito ang panahon para isipin ang asawa mo. Ginawa niya ang gusto niya, at hindi niya inisip kung ano ang magiging kahihinatnan nito. Sinira ka niya. At ang pamilya niyo. Kaya dapat ay ayusin mo ang sarili mo at ayusin ang buhay ninyong mag-iina.”
Ito ang pinanghawakan kong mga salita. Nagpakatatag ako, dahil alam kong kailangan ng mga anak ko ng magulang, ng nanay. Hindi ako pwedeng maging marupok.
Isang linggo pagkalipas, ipinaliwanag ko sa mga anak ko na gusto kong makipaghiwalay sa Daddy nila. Noon ay 10, 12, at 16 taong gulang sila. HIndi ko sinabi ang totoong dahilan, dahil hindi na nila kailangan pang masaktan lalo. Sinabi kong may mga problema kaming mag-asawa na hindi na maaaring mabigyan ng solusyon, at mabuti nang maghiwalay kami.
Sa una, marami din silang tanong, at isa na dito ay kung bakit hindi namin pwedeng ayusin kung anuman ang problema. Ang tanging nasabi ko ay ipapaliwanag ko sa kanila kapag nasa tamang edad na sila.
Moving On
Apat na taon na ang nakaraan mula nang sinira ng dati kong asawa ang mga pangarap namin para sa pamilya. Plano namin noon na iikot kami sa buong mundo, at ibibigay ang lahat ng gusto ng mga anak namin. Pero wala akong pagsisisi. Wala. Dahil alam kong kung nanatili ako sa relasyong iyon, hindi na ako makakapagtiwala pang muli—sa kaniya o sa sarili ko, kahit napatawad ko na siya.
Umalis si *Maria sa bahay namin nung gabi din ‘yon. Pinabalik ko siya sa ahensiya niya, at ang nakuha ko lang ay mas marami pang paghingi ng tawad. Nangungulila daw kasi siya at mabait ang (dating) asawa ko.
Nagmakaawa din si mister na huwag kaming maghiwalay. Kinausap pa ang mga magulang ko na kumbinsihin ako na makipag-ayos sa kaniya. Ang mas masakit, nalaman ko mula sa mga kaibigan namin na hindi lang si *Maria ang naging kabit ng asawa ko.
Ngayon, alam na ng mga anak ko ang dahilan ng paghihiwalay namin. Sa akin sila nakatira, sa bahay ng mga magulang ko. Nakikita lang nila ang tatay nila kapag weekends. Hindi ko binibilang ang oras na magkasama sila, dahil alam kong kaya na nilang mag-desisyon para sa sarili nila. Malalaki na sila. Wala rin akong ka-relasyon ngayon, at hindi ko alam kung magkakaron pa ako ng damdamin para sa isang tao. Ang mga anak ko lang ang iniisip ko. Sila ang buhay ko.
Patuloy lang akong nagtatrabaho para sa pamilya ko, at masaya kami kahit wala ang tatay nila. Sinisigurado kong kumakain kami nang magkakasama hangga’t maaari, nagkukwentuhan, at ginagawa ang mga bagay na ginagawa ng “normal” na pamilya. Nagpapakatatag ako para sa mga anak ko, at para na rin sa sarili ko.
Para sa mga babaing nakaranas ng sakit at pait na tulad ng sa akin, tama ang desisyong magpatuloy sa buhay ng walang pabigat na asawa. Kaya mong bumangon ulit, at maging mabuting tao para sa mga anak mo, at para sa sarilli mo. Ang pag-alis sa masalimuot na sitwasyong iyon ang pinakamabuting magagawa mo para mabuo ulit ang pagkatao mo, para na rin sa mga anak mo. Sabi nga sa Ingles: Good riddance!
*Lahat ng pangalan sa salaysay na ito ay binago.
Isinalin sa wikang Filipino ni Anna Santos Villar mula sa artikulong https://sg.theasianparent.com/caught-my-husband-cheating-on-me-with-our-maid