7-anyos, naparalisa matapos makagat ng garapata
Karaniwan na sa ating mga Pilipino ang mag-alaga ng mga hayop. At bahagi na nito ang paninigurado na hindi magkaroon ng garapata ang ating mga alaga. Dahil bukod sa hindi sila komportable dito, posible rin itong magdala ng sakit.
Ngunit hindi lubos akalain ng isang ina na ang sinapit ng kaniyang anak, matapos itong mabiktima ng kagat ng garapata. Ito ay dahil nakaranas ang bata ng pagkaparalisa dahil lang sa kagat nito.
Ating alamin ang iba pang detalye ng mga kwento na nangyari sa USA.
Kagat ng garapata, naging sanhi ng pagkaparalisa
Ayon sa inang si Heidi Ganahl, nagsimula raw ang lahat matapos umuwi ng kaniyang anak galing sa summer camp. Aniya, pagkauwi raw ay may ilang mga garapata raw ang dumapo sa ulo ng kaniyang anak. Nang makita ito ni Heidi, tinanggal niya ito, at inakalang wala nang magiging problema.
Ngunit isang linggo matapos nito, nagising raw si Jenna at sinabi sa kaniya na nahihirapan raw siyang tumayo. Parang nawalan raw ng pakiramdam ang kaniyang mga paa, at hindi niya magalaw ang mga ito.
Dahil sa takot na baka mayroong nangyaring masama sa anak, dali-dali niyang dinala si Jenna sa ospital. Takang-taka raw si Heidi sa nangyari sa anak, dahil active raw at malusog ang bata. Kaya nagulat na lang siya nang malaman na dahil raw pala sa kagat ng garapata ang nararamdamang pagkaparalisa ni Jenna.
Summer raw kasi noong panahong iyon, at mas dumarami ang populasyon ng mga garapata na dumidikit sa mga hayop, kasama na ang mga alagang hayop tulad ng aso. At ang mga garapatang ito ay minsan mayroong toxin na nagiging sanhi ng pagkaparalisa.
Hiwalay pa ito sa mga sakit na dala ng garapata tulad ng lyme disease at iba pa.
Panandalian lang ang pagkaparalisa ni Jenna
Ang pagkaparalisa na nararanasan mula sa kagat ng mga garapata ay hindi agad lumalabas. Minsan inaabot pa raw ng lima hanggang pitong araw bago lumabas ang mga sintomas nito.
Ngunit sa kabutihang palad ay panandalian lang ang epekto nito. Basta’t siguraduhing natanggal ang buong garapata mula sa balat.
Sa kaso ni Jenna, mayroon palang naiwang bahagi ng katawan ng garapata na naging dahilan upang maparalisa si Jenna. Mabuti raw at nahanap ito ng mga doktor, dahil kung mapabayaan, posible itong ikamatay ni Jenna.
Matapos ang insidente, sinisigurado na ni Heidi na malinis at walang mga garapata ang katawan ng kaniyang anak. Inuudyok rin niya ang ibang mga magulang na maging maingat, at gumamit ng mga insect repellant sa kanilang mga anak, lalong-lalo na kung pupunta sa lugar na masukal, o kaya kapag mayroong alaga na may garapata.
Source: Daily Mail
Photo: Catseyepest.com