Hindi na lingid sa kaalaman ng lahat na maraming sakit ang dala ng mga lamok. Ngunit sino ang mag-aakala na dahil sa kagat ng lamok, mailalagay sa panganib ang buhay ng isang bata?
Ito ay matapos makaranas ng kombulsyon at pamamaga ng utak ang isang 6 na taong gulang na bata. Nangyari daw ito mula sa sakit na nakuha niya sa kagat ng lamok.
Kagat ng lamok, hindi dapat balewalain
Si Noah Surrett, isang 6 na taong gulang na bata mula sa US, ay muntik nang mamatay dahil sa simpleng kagat ng lamok. Ito ay dahil nagkaroon siya ng La Crosse encephalitis na isang uri ng sakit mula sa mga lamok.
Ayon sa kaniyang ina na si LoriAnne Surrett, namaga daw ang utak ni Noah, at nagkaroon ng mga seizure o kombulsyon. Sa sobrang sakit daw ng dinanas ng kaniyang anak, walang tigil daw ang pag-iyak nito. Halos parang zombie din daw si Noah dahil sa walang humpay na seizure at panghihina ng kaniyang katawan.
Napakabilis daw ng mga pangyayari
Nagsimula daw ito nang dalhin ni LoriAnne si Noah at ang kaniyang mga anak sa bahay ng kaniyang lolo at lola. Nagulat daw siya nang makakuha siya ng tawag na nagsabing kulay blue na raw ang labi ni Noah, at nakatirik ang mata. Yun pala ay nagkaroon na siya ng seizure.
Hindi inasahin ni LoriAnne na magkakasakit ng ganoon si Noah. Dagdag pa niya, napakabilis daw ng mga pangyayari, at agad silang tumawag ng ambulansya upang dalhin siya sa ospital.
Doon, napag-alaman sa mga pagsusuri na mayroong encephalitis ang bata.
Kung gaano kabilis nagkasakit si Noah ay ganoon ding kabilis siya gumaling. Sa kasalukuyan, wala na siyang encephalitis, pero hindi pa rin siya nakakarekober sa pinagdaanan. Masuwerte si Noah at hindi naging malala ang kaniyang encephalitis.
Madalas daw ay umiiyak ang bata kapag hatinggabi dahil nagkakaroon ng masamang panaginip. Pero umaasa pa rin siyang babalik sa dating sigla si Noah.
Hindi biro ang kagat ng lamok
Ang kagat ng lamok ay hindi dapat binabalewala. Madalas ay hinahayaan lang ng ibang tao na kagatin sila ng lamok, ngunit posible itong magdala ng napakaraming sakit.
Bukod sa dengue, puwede ding magdala ng encephalitis, malaria, yellow fever, at iba pang mga sakit ang kagat ng lamok. Kung tutuusin, isa ang lamok sa pinakamapanganib na insekto dahil sa mga sakit na dala nito.
Kaya’t mahalagang panatilihing malinis ang inyong tahanan, at huwag hayaang makagat ng lamok ang inyong pamilya. Heto ang ilang mahahalagang tips:
- Takpan ang mga palanggana, timba, at iba pang lalagyan ng tubig upang hindi ito pangitlugan ng lamok.
- Huwag hayaang may standing water sa paligid ng bahay. Itaob ang mga timba at palanggana kapag hindi ginagamit.
- Panatilihing malinis ang paligid ng bahay, at huwag hayaang maging masukal ang mga halaman.
- Gumamit ng kulambo kapag natutulog, at magsuot ng pajama o jogging pants at longsleeved na damit kapag natutulog.
- Kung magpupunta sa lugar na malamok, gumamit ng mga anti mosquito na lotion o spray.
- Nakakatulong din ang pagtatanim ng mga halaman tulad ng citronella na ayaw ng mga lamok.
Source: Health
Basahin: Simpleng lagnat, sintomas na pala ng rabies!