#FirstAid: Ano ang dapat gawin kapag nakagat ng surot

lead image

Narito ang mga paraan para malunasan at tuluyan ng maiwasan ang nakakairitang kagat ng mga surot o bedbugs.

Kagat ng surot, ano ang mga palatandaan nito. At ang dapat gawin para malunasan sa oras na mangyari sa ‘yo.

kagat ng surot

Image from Healthline

Bedbugs o surot

Bagamat hindi nagdadala ng sakit, isa ang surot sa mga insektong nagdudulot ng matinding iritasyon sa sinumang mapeste nito. Dahil maliban sa pangangati na dulot ng kagat nito, mahirap ding tuluyang alisin ang mga surot na namamahay sa mga tahanan.

Ang mga surot (in English, bedbugs) ay maliit at hugis oval na insekto na nabubuhay sa dugo ng tao o hayop. Kasing laki ng apple seed ang mga adult bedbugs habang kasing laki naman ng poppy seeds ang mga baby bedbugs.

Madalas kulay brown ang mga surot ngunit nagkukulay pula kapag sila ay busog na.

kagat ng surot

Image from Healthline

Hindi lumilipad ang mga surot ngunit kaya nilang lumipat nang mabilis mula sa sahig, dingding hanggang sa kisame. Mabilis din silang dumami dahil ang mga female bedbug ay kayang mangitlog ng daan-daang baby bedbugs na kasing laki lang ng alikabok ang bawat isa.

Ang mga surot ay maaring pumasok sa inyong bahay sa pamamagitan ng bagahe, damit, gamit na kama o couches at iba pang gamit na infested nito. Dahil sa flat nilang katawan na kasing kapal lang ng credit card ay kaya nilang magtago sa maliliit na spaces ng mga gamit o parte ng bahay.

Pero madalas ang mga surot ay namamalagi sa matresses, box springs, bed frames, headboards, sofa o kahit saan na maari silang makakagat ng tao lalo na sa gabi. Dahil ang oras na madalas umatake ang surot ay kapag tulog na ang kaniyang biktima.

Kagat ng surot

Sa una ay aakalain na ang kagat ng surot ay dahil sa lamok. Hindi rin agad ito mararamdaman. Dahil ang mga bedbugs ay may ini-inject sa balat na pampamanhid bago sila tuluyang mangagat at sumipsip ng dugo mula sa tao. Minsan ay lumilipas pa ang ilang araw ‘tsaka mapapansin ang kagat ng surot.

Ang kagat ng surot ay maliliit na kulay pula na kung titingnan ay tila namamaga. Maaring ang mga kagat ay kumpol-kumpol o kaya naman ay tila may pattern na sinusunod na makikita sa isang area ng katawan.

Bagamat makati ay hindi dapat kinakamot ang kagat ng surot dahil ito ay maaring magdugo o kaya naman ay maimpeksyon.

Sa halip ay mas mabuting gawin ang sumusunod na paraan sa kagat ng surot sa iyong katawan:

  • Hugasan ang kagat ng surot gamit ang tubig at sabon. Ito ay para maiwasan ang skin infection at mabawasan ang pangangati na dulot nito.
  • Kung nangangati ang kagat ng surot ay lagyan ng corticosteroid cream. Mabibili ang weak form ng cream ng walang reseta habang ang matatapang na corticosteroids ay kailangan na ng preskripsyon ng doktor.
  • Puwede ding gumamit ng cold cloth o ice pack na nabalot sa isang towel saka ipunas o idampi sa parte ng katawan na may mga kagat ng surot.
  • Paggawa ng paste ng pinaghalong baking soda at tubig ay makakatulong rin para maibsan ang pangangati.
  • Pagpahid ng essential oils tulad ng camphor at chamomile oil para sa mas mabilis na paggaling ng mga kagat ng surot.

Samantala para sa mga baby ay hugasan lang ng tubig at sabon ang parte ng katawan na nakagat ng surot. Saka applyan ng cold compress o calamine lotion.

Bago gumamit ng kahit anong topical steroids cream o oral antihistamine ay dapat magpakonsulta muna sa iyong doktor para masigurong ligtas ito sa baby o sa mga bata.

Sa oras naman na marami na ang kagat ng surot sa katawan, infected na, may blisters o nagdulot ng skin allergic reaction at namaga na ang balat dahil dito ay dapat ng magpunta at magpatingin sa dermatologist.

Maaring mag-reseta ang dermatologist ng antihistamine injection, corticosteroid, or epinephrine (adrenaline) para sa allergic reaction.

Kakailanganin naman ng antibiotic kung nauwi na ito sa skin infection o kaya naman ay ang paggamit ng antiseptic sa balat para tuluyan na itong maiwasan.

kagat ng surot

Image from Healthline

Palatandaan ng surot o bedbugs infestation

Para mas makumpirma na kagat na surot nga ang nararanasan, ito ang ilang palatandaan na infested na ng surot ang inyong tahanan.

  • Pagising sa kalagitnaan ng tulog dahil sa pangangati
  • Blood stains sa bedsheet o punda ng unan
  • Maitim o brown na spot sa bedsheets, mattress o dingding
  • Mga eggshells o natuyong balat ng insekto na madalas na makikita sa lugar na pinagtataguan ng mga surot
  • Mabaho amoy na parang amoy ng lumang libro

Para mas makasiguro ay inspeksyunin at painitan gamit ang blower ang frames ng kama o sofa upang sila ay maglabasan. Dahil ito ang mga lugar na kung saan sila madalas na nagtatago.

Ang paglilinis ang pangunahing paraan para tuluyang mawala ang mga surot sa iyong tahanan. Ang mga tamang paraan ng paglilinis at dapat gawin ay ang sumusunod:

Mga paraan para tuluyan ng mawala ang surot sa inyong bahay

  • Labhan ang mga bedsheet, kumot at damit sa mainit na tubig o kaya i-dry sa pinakamataas na dryer setting. Maari ring painitan sa tirik ng araw ng hindi bababa sa isang oras para mamatay ang surot na namamahay.
  • Gumamit ng stiff brush para kuskusin ang mattress at tuluyang maalis ang mga surot pati na ang mga itlog nila bago ito i-vacuum.
  • I-vacuum ang kama at paligid ng mas madalas. Matapos mag-vacuum agad na ilagay ang vacuum cleaner bag sa isang plastic bag at itabi sa basurahan sa labas ng bahay.
  • Para hindi pamahayan ang mga mattress at box springs ng kama ay gumamit ng zippered bed covered para hindi ito pasukin ng mga surot.
  • I-repair ang mga cracks sa dingding gamit ang plaster at i-dikit ang mga peeling wallpaper gamit ang glue para hindi pagtaguan ng surot.
  • Tanggalin rin ang mga kalat at iba pang gamit sa iyong kama.
  • Kung infested na ang inyong mattress ay mabuting palitan na ito ng bago. Ngunit dapat ay siguraduhin munang wala ng bedbugs sa inyong bahay para hindi ito ulit pamahayan.
  • Para naman mas makasigurado ay maaring humingi ng tulong sa mga bedbugs extermination professional na mas may kaalaman pagdating sa chemical treatments para makontrol at tuluyang mawala ang surot sa inyong bahay.

 

Source: American Academy of Dermatology, Healthline, WebMD

Basahin: Bata, nagdugo ang tainga dahil sa kagat ng ipis

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner