Mommies, napatunayan sa isang pag-aaral ang kahalagahan ng pagtuturo sa bata ng maaga. Isa sa mga bagay na kinatatakutan ng mga magulang ay ang pagtuturo sa kanilang anak.
Minsan, pakiramdam natin ay wala tayong kakayahan na turuan ang bata kaya ipinagpapaliban na lang natin ito hanggang sa pumasok na sila sa paaralan. Hinahayaan na lang natin na ang eskuwelahan o ang mga guro nila ang magturo sa kanila.
Marahil, iniisip ng iba na dahil bata pa sila, hindi pa sila handang matuto o wala pa silang natututunan.
Subalit kung ikaw ay isang magulang, mapapansin mo na hindi ito ang kaso. Kapag kinausap mo ang isang batang 4 na taong gulang, magugulat ka kung gaano siya katabil at gaano karami ang nalalaman niya. Nasasabi pa nga natin minsan, “Parang nakikipag-usap ka sa matanda.”
Mommies at daddies, alam niyo ba na sa inyo unang natututo ang inyong anak? Kadalasan, may epekto ang itinuturo niyo sa bata sa kaniyang pag-iisip hanggang siya ay lumaki.
Talaan ng Nilalaman
Study: ang kahalagahan ng pagtuturo sa bata ng maaga
Sa katunayan, may isang bagong pag-aaral ang nagkumpirma na may kinalaman ang pagtuturo ng maaga sa isang bata.
Ayon sa isinagawang study ng mga scientist mula sa Virginia Tech at University of Pennsylvania, napag-alaman na malaki ang naitutulong ng pagtuturo sa bata bago dumating sa edad na 5 sa kaniyang brain development.
Sa pamamagitan ng Abecedarian Project, isang controlled experiment na sinimulan noong 1971 sa North Carolina, sinuri ng mga researcher ang brain scan ng mga taong nakatanggap ng “enhanced learning environment”.
O naturuan ng kanilang mga magulang bago dumating sa edad na 5, at ikinumpara ito sa mga bata na hindi nagsimula ang edukasyon o pagtuturo sa kanilang unang limang taon.
Sa nasabing pag-aaral, bagama’t parehong grupo ng mga bata ay nakatanggap ng tamang nutrisyon, health care at suporta sa pamilya, ang isang grupo ay sinimulan nang bigyan ng “high quality educational support” mula sa kanilang ika-6 na linggo.
Ang resulta: matapos ang halos apat na dekada, nakita sa brain scan na magkaiba ang hitsura at development ng mga utak ng mga participant sa magkabilang grupo.
Ang mga nasa grupo ng mga nakatanggap ng edukasyon ng maaga ay nagpakita ng mas malaking brain size, lalong lalo na ang prefrontal cortex na may kinalaman sa language, focus at pagkakaroon ng matalas na memory.
Ipinapakita lang ng pag-aaral na ito ang kahalagahan ng pagtuturo sa bata sa murang edad. Kaya naman totoo talaga na kung ano ang ituro mo sa isang bata ay madadala niya hanggang sa kaniyang pagtanda.
Paano natututo ang maliit na bata?
Subalit paano ba natututo ang maliliit na bata? Kailangan mo ba siyang ipasok sa paaralan ng maaga? Kailangan mo na ba agad silang turuan ng mga letra at numero?
Hindi naman. Sa katunayan, idiniin ng nasabing pag-aaral ang importansya ng “positive learning and social-emotional support” para sa mga bata sa maagang edad. Saan pa nga ba makakakuha ng ganitong klaseng pagtuturo at suporta ang mga bata kundi sa kanilang tahanan.
Sa katunayan, hindi natin kailangang umastang parang guro sa ating mga anak para turuan sila, dahil mga baby pa lamang sila ay natututo na sila mula sa pag-oobserba sa atin at sa kanilang paligid.
Natututo ang bata sa pamamagitan ng pag-interact sa kaniyang paligid. Gaya ng:
- pagmamasid sa mga bagay, mga mukha at pag-respond sa mga tunog at boses
- pakikinig sa mga tunog, paggawa ng tunog at pagkanta.
- pag-explore sa kaniyang paligid – kasama na rito ang paglagay ng mga bagay sa kaniyang bibig at pagkuha o paghawak sa isang bagay
- pagtatanong; nariyan ang paborito nilang, “Why?” o “Bakit?”
- pag-experiment sa iba’t ibang texture o pakiramdam ng isang bagay sa kanilang balat
- paggamit ng kanilang limang senses, kaya mahalaga ang sensory play sa ganitong edad
Mapapansin mo rin ang kagustuhan ng bata na matuto kapag:
- pumipili siya ng librong babasahin
- nagtuturo ng mga bagay sa kaniyang libro o napapanood
- namimili na siya ng mga laruan
- alam na niya kung nasaan ang gulay sa pagkain niya
Mahalaga rin na hayaan ang iyong anak na makaranas ng iba’t ibang bagay, sitwasyon o activities dahil natututo rin siya sa ganitong paraan. Hayaan siyang magmasid sa inyong bakuran, o mag-ingay, at lalong lalo na, ang magkamali paminsan-minsan.
Mga dapat matutunan ng bata bago dumating sa edad na 5
Bagama’t mas importante sa mga bata ang matutunang mag-isip para sa kanilang sarili at gamitin ang kanilang mga kamay bago sila matutong magsulat at bumasa, may mga bagay na pwede na nating ituro sa kanila habang naglalaro sila sa loob ng bahay.
Dito sa Pilipinas, ang requirement lang sa mga batang 5-taong gulang pataas ay pumasok sa kindergarten. Subalit bago pa siya umabot sa edad na ito, pwede mo nang turuan ang iyong anak.
Ayon sa website na Kids Health, narito ang ilan sa mga milestones na dapat matutunan ng isang bata:
Bago mag-1 taon
Sa maagang edad, nagsisimula na ang bata na:
- matutunan ang ibig sabihin ng mga galaw at tunog
- tumugon kapag kinakausap sila
- tumingin ng diretso sa isang tao o bagay
- makaintindi ng 50 salita o higit pa
- humawak ng libro at magturo sa mga pahina
Toddlers (edad 1–3)
- nakakasagot na sila sa mga tanong at nakikilala ang mga bagay o tao
- nakakapagturo para ma-identify ang isang tao o bagay
- nagpapanggap na nakakapagbasa
- natatapos ang pangungusap mula sa mga librong kabisado nila
- nagkukunyaring sumusulat
- alam na niya ang mga libro niya sa pamamagitan ng mga larawan sa cover
- maglipat ng pahina sa kaniyang libro
Early Preschool (Edad 3)
- kaya na nilang tumingin sa kanilang libro ng walang suporta
- makinig sa mga mas mahabang libro
- ulitin ang buod ng isang pamilyar na kwento
- magsulat ng mga simbolo o mga hugis sa papel
- nakakasabay na kapag kumakanta ka ng ABC
- alam na ang unang letra ng kaniyang pangalan
- nagkukunyaring magbasa ng malakas
Late Preschool (Edad 4)
- nakikilala ang mga pamilyar na signs at larawan, lalo na mula sa mga container
- nakakakilala ng mga magkakatugma na salita o rhymes
- alam na nila ang mga titik sa alpabeto
- nakikilala na nila ang mga titik sa kanilang pangalan
- nasusulat na ang kanilang pangalan
- nakikilala na ang letra sa pamamagitan ng tunog
- sumusubok nang magsulat ng mga letra at salita
- naiintindihan na kung paano magbasa
Kindergarten (Edad 5)
- nakakapagsabi ng mga salitang magkakatugma
- magtutugma ng mga salitang binibigkas at sinusulat
- nakakasulat ng mga letra, numero at ilang salita
- nahuhulaan kung anong sunod na mangyayari sa kwento
- nakaka-identify ng mga tunog ng mga letra
- nakakaintindi ng kahulugan ng mga salita
- nakakabasa ng mga simpleng salita
- nakakapagbigay ng detalye sa isang kwento (mga tauhan, saan nangyari, buod ng kwento)
Bagamat nasa magulang naman ang desisyon kung gusto niyo nang ipasok sa paaralan ang iyong anak, maari mo namang ituro ang mga bagay sa itaas sa iyong anak at sa loob lang ng bahay.
Tandaan mommies at daddies, makikita ang kahalagahan ng pagtuturo sa bata ng maaga hindi lang sa mga leksyon o sa kaniyang kakayahang bumasa at sumulat. Kasama na rin rito ang pagkakaroon niyo ng maganda relasyon sa isa’t isa.
Laging iparamdam sa iyong anak na handa kang gabayan at suportahan siya, at paniguradong magiging maganda ang kaniyang pananaw sa buhay hanggang sa kaniyang paglaki.