Para mapataas ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas, mayroong mungkahi na tuonan ang 3 subjects hanggang Grade 3. Nabanggit ito matapos makita ang resulta ng Program for International Student Assessment (PISA) 2018. Ayon kasi dito, pagdating sa pagbabasa, Pilipinas ang may pinakamababang puntos mula sa 79 na mga bansa.
Kindegarten hanggang Grade 3
Ayon kay House Committee on Basic Education and Culture chair Roman Romulo, matagal na itong ipinapahayag ng mga guro. Simula pa lamang ng Agusto ngayong taon, iminumungkahi na ng mga guro na bawasan ang mga subject mula Kindergarten hanggang Grade 3. Ito ay para mas matutukan ng mga mag-aaral ang mga mas-importanteng paksa at hindi sila ma-overload.
Ang mga subjects na nais matuonan ng Department of Education (DepEd) ay reading, mathematics, at GMRC. Ayon pa kay Romulo ay dapat Grade 1 pa lamang, marunong nang magbasa at umintindi ng binabasa ang mga estudyante.
National Achievement Test (NAT)
Ang National Achievement Test (NAT) ay ang pambansang katumbas ng PISA. Ito ay isa ring examination na ibinibigay sa mga Grade 6 hanggang Grade 10. Sinusukat nito ang kakayahang matuto ng mga tumatanggap ng exam.
Subalit, ayon kay Romulo ay hindi nalalayo ang mga marka na natanggap sa PISA at NAT ng mga mag-aaral na Pilipino. Sa NAT palang ay makikita na ang dami ng mga hirap magbasa sa mga estudyante.
Mula dito ay nagdesisyon sila Romulo na magkakaroon ng malaking pagbabago sa kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. Kabilang dito ang nasabing pagbabawas ng mga subjects para sa Grades 1-3. Idinagdag naman ni Romulo na maaari parin matuto ng iba’t ibang bagay pa mula sa mga subjects na GMRC, Math at Reading.
Sulong Edukalidad
Kabilang sa layunin na pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa Pilipinas, isasagawa rin ng DepEd ang pagbabago sa apat na key areas:
- Pagsusuri at pag-update ng K to 12 program.
- Pagpapaganda ng learning facilities.
- Bagong professional development program para sa mga guro at pamahalaan ng mga paaralan.
- Pag-engage sa mga stakeholders para sa suporta at pakikipagtulungan.
Nananawagan si Education Secretary Leonor Magtolis Briones sa buong bansa. Layunin nila na walang isang Pilipino ang maiiwan pagdating sa pag-aaral. Para masigurado ito, kailangan ang tulong ng buong bansa. Kakailanganin ang active involvement, kooperasyon, at pakikipagtulungan para sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon ng Pilipinas.
Source: GMA News Online
Basahin: Ayon sa pag-aaral, masmasigla ang bata kapag kamukha ng tatay