May kasabihan na biyaya ang pagkakaroon ng anak, at doble ang biyaya kapag kambal na anak ang dinadala ng isang ina. Ngunit paano kung malaman lang ito ng ina kapag nanganak na siya?
Ano ang inyong magiging reaksyon kapag sa inyo nangyari ito?
Kambal na anak, hindi inasahan ng ina
Ayon sa inang si Devi, hindi niya inaasahan na ang una niyang anak ay magiging kambal pala. Lalo na at nalaman lang niya ito nang siya ay nanganak na.
Nag-alala daw siya nang malaman na premature ang kaniyang mga anak, ngunit ayon sa mga doktor, normal lang daw ito sa mga may dinadalang kambal.
Ngunit nagtataka pa rin si Devi kung bakit hindi agad nalaman ng kaniyang doktor na kambal ang nasa kaniyang sinapupunan.
Madalas ay nakikita sa ultrasound examination ang mga kambal. Ngunit hindi nito ibig sabihin na nakikita na ng ultrasound ang lahat ng nangyayari sa tiyan ng isang ina. Sa kaso ni Devi, ‘nagtago’ ang isa niyang anak, kaya’t hindi nakita sa ultrasound ang bata. Ito ay tinatawag na hidden twin.
Paano nalalaman kung mayroong kambal?
Ang mga kaso ng hidden fetus ay bihira lamang mangyari. At bagama’t nakikita ang uterus sa ultrasound, minsan ay kulang pa rin ang nakikita ng mga doktor.
Posible na sa ika-8 linggo na ultrasound, may isang fetus na nakikita ang doktor. Pero pagdating ng katapusan ng 1st or 2nd trimester, 2 na pala ang sanggol sa sinapupunan.
Minsan ang nangyayari ay 2 ang sanggol sa iisang chorion sac, kaya’t magkadikit silang dalawa. Sa mga ganitong kaso, posibleng isa lang ang nakukuha ng scanner, at hindi nakikita ang kambal na anak.