Hindi pa ako nale-late sa regla ko, alam ko na agad na buntis ako. Wala naman akong naramdaman na sintomas. Basta alam ko lang. Mother’s instinct kumbaga.
Araw-araw akong nag-pregnancy test. Nung una, malabo pa ang pangalawang linya. Naka-pitong tests ako bago naging klaro na, oo, positive—buntis ako!
Matagal na naming inaasam ng asawa ko na masundan ang panganay namin. Naisip namin na hindi na kami bumabata at habang tumatanda, lumiliit ang chance na mabuntis pa ako. Kaya laking tuwa namin ng malaman naming nagdadalang-tao ako.
Sa ika-10 week ko, pumunta ako sa OB ko para magpa-ultrasound. Ang dati-rating madaldal kong duktor biglang natahimik habang chine-check niya ako. Alam ko na na may problema. Mother’s instinct nga, diba?
Ectopic pregnancy daw sabi ng duktor ko. Nasa labas ng matres ang ipinagbubuntis ko. To make things worse, kailangan ko na daw operahan dahil may bleeding na ako sa fallopian tube ko. Galing sa ultrasound, diretso na ako sa operating room.
Tinanggal ang isa sa mga fallopian tubes ko. Siniguro ng OB ko na maaari pa rin akong magka-anak dahil healthy naman daw ‘yong natirang tube. Kahit sa susunod na buwan daw puwede na raw naming mag-asawa na subukan ulit!
Nag-desisyon kaming mag-asawa na mag-bakasyon sa ibang bansa upang maibsan ang kalungkutan sa pagkalaglag ng aming baby. Hindi namin akalain na pagka-balik namin galing bakasyon, may baon na pala kami.
Dalawang buwan matapos ang ectopic pregnancy ko, buntis na ako ulit! Laking pasasalamat namin dahil hindi kami nahirapan na makabuo. Ngunit mayroon pa ring pangamba na baka hindi ulit matuloy ang pagbubuntis ko.
Rainbow babies
Kabadong-kabado ako nang pumasok ako sa ultrasound room. Hawak ang kamay ng asawa ko, pigil-hininga akong naghintay sa resulta. Ngunit hindi ko inaasahan ang sasabihin ng duktor ko.
“May lahi ba kayo ng kambal,” tanong niya sa’kin.
“Ha?” sagot ko.
Doon ay ipinakita niya sa akin ang dalawang yolk sac na magkatabi. Kambal ang ipinagbubuntis ko!
Pinangalanan naming B1 at B2 ang yolk sacs, dahil sa kambal na saging sa palabas na Bananas in Pajamas noong bata pa ako. Mayroon ng heartbeat si B1 pero hindi pa makita ang kay B2.
Rainbow baby—’yan ang tawag sa baby na sumunod sa isang miscarriage o pagkalaglag. Sa kaso ko, rainbow babies. Naisip ko na humanap ng paraan ang ectopic baby ko para makabalik sa’kin.
Aminado ako na hindi kami handa na magkaroon ng kambal. Ang plano sana naming mag-asawa hanggang dalawang anak lang kami. Sabi nga nila, “Don’t let them (kids) outnumber you (parents)!” Ngunit tinanggap namin ang bigay sa amin. Doble ang blessing!
Not an easy pregnancy
Sa una kong anak, wala akong naramdaman na kahit anong sintomas. Sa kambal ko, lahat na ata ng sintomas ng pagbubuntis naranasan ko—pagkahilo, pagiging bugnutin, at higit sa lahat pagsusuka. Wala pang sampung minuto matapos kong kumain, tumatakbo na agad ako sa toilet para isuka ang kinain ko. Imbis na bumigat ang timbang ko, pumayat pa ako!
Minsan nagkaroon ng homework ang panganay ko. Tinanong siya kung ano ang hobby ng nanay niya. Ang sagot niya: “pagsusuka.”
Ang paliwanag ng OB ko, mas malala nga daw ang sintomas ng pagbubuntis kapag kambal dahil mas mataas ang hormones.
Hindi rin nakatulong na nagkaroon ako ng gestational diabetes. Nalimitahan ang mga puwede kong kainin. Hirap na hirap akong paakyatin ang timbang ko.
Delayed development
Habang tumatagal, napapansin ng OB ko na hindi pantay ang paglaki ng kambal ko. Tugma ang laki ni B1 sa age of gestation, habang nahuhuli naman ng dalawang linggo si B2. Kahit na magka-iba ang estimate na edad nila, patuloy pa rin ang paglaki ni B2.
Ang isa pang anomalya ay ang hindi pa rin na nahahanap na heartbeat kay B2. Ipinalagay na lang na baka hindi ito makita dahil sa posiyon nila sa loob ng tiyan ko. Hindi rin ako gaanong nabahala dahil nakikita ko siyang lumalaki at gumagalaw sa ultrasound.
Ngunit habang tumatagal, lumalayo ang agwat ng laki ng kambal.
Nang pumunta ako sa duktor para sa ika-14th week na ultrasound ko, kinausap ako ng OB ko ng masinsinan.
Hindi nabuo ng maayos ang utak ni B2, ang sabi niya. Mayroon si B2 na partial anencephaly. Kalahati lang ng ulo niya ang nabuo. Ang mga batang may ganitong kundisyon ay kalimitan namamatay ilang oras matapos ipanganak dahil hindi nito kayang mag-survive sa labas ng tiyan ng nanay.
Gumuho ang mundo ako.
Tumakbo sa isip ko na pagkapanganak ko kay B1, ipagluluksa ko naman si B2. Sa bawat birthday ni B1, gugunitain din namin ang death anniversary ni B2.
Hindi ko alam ang gagawin ko. Bibili ba ako ng gamit na pang baby para sa dalawa o para sa isa? Saan nakakakuha ng kabaong na pang baby? Paano ako magiging masaya para kay B1 kung nagluluksa ako kay B2?
More bad news
As if hindi pa mabigat ang kalbaryo namin, napag-alaman namin sa sumunod na ultrasound na walang sariling puso si B2. Nabubuhay lamang siya dahil sa puso ni B1, na nagpu-pump ng dugo para sa kanilang dalawa. Acardiac twin ang tawag sa kundisyon niya.
Inihanda kami ng duktor sa mga posibleng mangyari. Kapag lumaki pa si B2, baka hindi kayanin ng puso ni B1 na buhayin silang dalawa. Posibleng dalawa silang mamatay.
I felt so helpless.
Nagpunta kami ng Manaoag ng asawa at anak ko. Binalak kong magmakaawa sa Diyos na buhayin ang kambal ko, mawala lahat ng sakit nila, at humingi ng miracle.
Pero pagdating doon, ang tanging nasabi ko lang: “Kayo na po ang bahala.”
Happy birthday to me
Isang araw bago ng birthday ko, nagpa-check-up ako. Sinabi ng OB ko na huminto na sa paglaki si B2 at hindi na rin ito gumagalaw. Vanishing twin syndrome ang tawag. Safe na si B1.
Masaya ako na mabubuhay si B1 pero mayroong kaakibat na sakit dahil wala na si B2.
Hindi maaaring tanggalin sa sinapupunan ko si B2 kaya kinailangan din siyang mag-stay sa tiyan ko habang ando’n si B2. Sa bawat ultrasound, nakikita ko ang paglaki ni B1. Minsan nakita namin na yakap-yakap niya ang kaniyang kambal, minsan ginagawa naman niyang unan.
Lumaki nang lumaki si B1 hanggang hindi na halos namin makita si B2.
Nang manganak ako, finally, natanggal na rin si B2. Kasing laki siya ng palad ng duktor ko. Wala siyang ulo at kulang din siya ng limbs.
Isang taon na ngayon si B1—isang baby girl na ubod ng takaw at daldal. Madalas, pag nakaharap siya sa salamin at nakikita ang reflection niya, napapa-isip ako: paano kaya kung nabuhay si B2?
May kuwento din ba kayo na gustong i-share sa mga TAP mommies at daddies? Magpadala ng mensahe sa TAP Facebook.