Maraming sanggol ang ipinapanganak sa buong mundo na preterm. Ito ay naglalagay sa panganib ng kanilang buhay. Kaya narito ang mga bagay na dapat mong malaman tungkol sa Kangaroo Mother Care.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang kangaroo mother care (KMC)
- Mga benepisyo ng KMC
- Paano gawin ang KMC at mga dapat tandaan
- Danger sign na may impeksiyon ang sanggol sa kabila ng KMC procedure
- Listahan ng pasilidad ng KMC sa Pilipinas
Hindi na bago ang preterm birth sa ating mundo. Ayon sa records, tinatayang nasa 20million na na sanggol ang ipinapanganak taon-taon na preterm.
Sa kasamaang palad, walang simpleng solusyon para harapin ang problemang ito. Buti nalang, ang Kangaroo Mother Care (KMC) ay epektibong paraan para ibigay ang mga pangangailangan ng premature na baby.
Kangaroo Mother Care (KMC)
Ang KMC ay ang paraan ng pag-aalaga sa mga premature na baby sa pamamagitan ng pagbuhat sakanila na nagdidikit ang mga balat. Ito ay mahusay at madaling pamamaraan sa pagtaguyod ng kalusugan ng mga sanggol na preterm.
Ito ay unang prinesenta nila Rey at Martinez sa Bogota, Colombia. Na-develop ito bilang alternatibong pag-aalaga dahil sa kakulangan ng mga incubators. Napatunayan na ito ay epektibo para sa thermal control, breastfeeding, at bonding ng mga bagong panganak at mga ina.
Ilan lamang ang kailangan upang maisagawa an KMC. Kasama sa mga ito ang mga kailangan ng mga ina para maging komportable.
Ang pinamamalagian ay dapat may mga sapat na lugar para makaupo o makahiga ang mga ina. Dapat panatilihing warm ang mga kwarto para hindi lamigin ang mga baby. Katamtaman lamang dapat ang ingay sa paligid, sapat para hindi mabulabog ang bata.
Kangaroo Mother Care Philippines
Ang Kangaroo Mother Care Philippines ay unang pinagtibay sa neonatal care unit ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital noong 1999, matapos tumanggap ng pagsasanay ni Dr. Socorro De Leon-Mendoza sa Bogota, Colombia.
Sa ngayon, ang KMC program ng ospital ay nakatulong hindi lamang sa pagpapanatili ng mas mataas na survival rate ng mga sanggol kundi pati na rin sa pagpapalaganap ng patuloy na pagpapasuso sa mga ina.
Sa pagreretiro ni Dr. Mendoza mula sa serbisyo sa gobyerno, siya at ang ilang mga propesyonal ay nagpasya na magtatag ng KMC program sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas na mapapakinabangan ng maraming ina.
Kaya ang Kangaroo Mother Care Foundation Philippines, Inc. ay itinatag noong 2008. Ang layunin nito ay bumuo, subaybayan, at akreditahin ang mga sentro ng KMC at hikayatin din sa patuloy na paggamit ng KMC bilang karaniwang kasanayan sa neonatal care.
Noong 2014, bukod sa Fabella Hospital sa Maynila, naging instrumento ang Foundation sa pagbuo ng 21 KMC Centers na kung saan lahat ay kinilala ng Department of Health. Sa parehong taon, ang KMC ay isinama sa Care for Small Baby package na may tulong ng Department of Health.
Mga benepisyo ng Kangaroo Mother Care
Maraming benepisyo ang KMC hindi lang para sa mga premature baby kundi para na rin sa mga magulang. Heto ang ilan sa mga benepisyong dala ng KMC:
Para sa mga baby
- Stabilization ng heart rate
- Pag-regularize ng paghinga
- Pagpapaganda ng oxygen saturation levels
- Mas mahimbing na pagtulog
- Mas mabilis na pagbigat ng timbang
- Pagdalang ng pag-iyak
- Mas magandang pagpapasuso
- Mas mabilis na nalalabas ng ospital
Para sa mga magulang
- Mas maiging bonding sa mga nanay at baby
- Mas dumaraming supply ng breast milk
- Tumataas na kumpiyansa sa pag-aalaga ng anak
- Napapanatag ang kalooban na naaalagaan ang anak
- Sense of control
Maaaring pigilan ng KMC ang hanggang 450,000 bilang ng newborn sa pagkamatay bawat taon sa buong mundo
Kamakailan, napatunayan sa isang meta-analysis ng 3 randomized trial sa mga low-income na pamilya, nagpakita ng 51% na bawas sa mortality rate dahil sa tulong ng programang KMC.
Napag-alaman na ang KMC ay nagpapababa ng impeksyon (kabilang ang sepsis, hypothermia, respiratory tract, at malubhang sakit) at tagal ng pananatili sa ospital kumpara sa intensive newborn care unit at incubator.
Ang psychosocial effect ng KMC ay kinabibilangan ng pagbawas ng stress at pinahusay na mother-infant bonding, may positibong epekto sa kapaligiran ng pamilya at pag-unlad ng pag-iisip ng sanggol. Ito rin ay maaaring simulan at isagawa sa loob ng mga postnatal ward.
Paano gawin ang KMC?
Ang mga kadalasang kailangan gawin para sa KMC ay ang mga sumusunod:
- Tanggalin ang bra at magsuot ng blouse na nabubuksan ang harapan.
- Habang ang suot lamang ng baby at diaper at sumbrero, ilagay siya sa dibdib nang nakaayon sa katawan ng ina.
- Takpan ang baby ng iyong damit, hospital gown o kumot.
- Mag-relax at i-enjoy ang bonding experience.
- Gawin ito nang nasa isang oras, 4 na beses o higit pa kada linggo.
- Pagpahingahin ang baby. Hindi ito ang panahon para makipaglaro sa kanya.
Maaari rin gawin ng mga ama ang KMC. Ang ibang pakiramdam na dulot ng katawan ng ama ay magiging stimulation sa baby.
Mga dapat tandaan kapag ginagawa ang KMC
- Kapag sinimulan ang KMC, tinganan ang temperatura ng baby tuwing 6 na oras nang tatlong sunod-sunod na araw. Kung ang temperatura ng bata ay mas mababa 36.5°C, painitin agad muli ang sanggol. Takpan ang sanggol ng kumot at siguraduhing ang ina ay manatili sa isang mainit na lugar.
- Sukatin ang temperatura pagkaraan ng isang oras at ipagpatuloy ang muling pagpapa-init hanggang sa maging normal ang temperatura.
- Hanapin din ang mga posibleng sanhi ng hypothermia sa sanggol (malamig na silid, ang sanggol ay wala sa KMC na posisyon bago sukatin ang temperatura, ang sanggol ay naligo o siya ay hindi makakain ng maayos).
- Kung walang mahanap na malinaw na dahilan at ang sanggol ay patuloy na nahihirapan sa pagpapanatili ng normal na temperatura ng katawan, o ang temperatura ay hindi bumalik sa normal sa loob ng 3 oras, suriin ang sanggol para sa posibleng bacterial infection.
Paano sukatin ang axillary temperature?
Mahalaga na panatilihing naiinitan ang sanggol sa buong procedure ng KMC. Dapat din na palagian namo-monitor ang kaniyang temperatura. Narito ang paraan kung paano makuha ang axillary temperature:
- Gumamit ng malinis na thermometer at alugin ito hanggang sa bumababa sa 35°C.
- Ilagay ang thermometer sa nang mataas sa kili-kili ng sanggol. Ito ay dapat na madiin na nakadikit sa balat at hindi napapasukan ng hangin.
- Hawakan nang marahan ang braso ng sanggol sa gilid ng dibdib at panatilihin ang thermometer sa lugar ng hindi bababa sa tatlong minute.
- Pagtapos ng 3 minuto, alisin ito at basahin ang temperatura.
Pag-oobserba sa paghinga ng sanggol
Ang normal na rate ng paghinga ng isang Low Birth Rate (LBW) at preterm na sanggol ay nasa pagitan ng 30 at 60 na paghinga bawat minuto, at may pagitan ng hindi paghinga ng ilang Segundo (apnoea).
Gayunpaman, kung ang mga pagitan ay masyadong mahaba (20 segundo o higit pa) at ang mga labi at mukha ng sanggol ay nagiging asul (cyanosis), ang kanyang pulso ay abnormal na mababa (bradycardia) at hindi siya nagpapatuloy sa paghinga, maaaring may pinsala ito sa utak.
Ang premature na bata ay mas madaling kapitan ng apnoea dahil ito ay nabubuo dahil kulang ang kaniyang nutrition na makukuha sa loob ng tiyan ng ina.
Ipinapakita ng pananaliksik na ang skin-to-skin contact ay maaaring gawing mas regular ang paghinga sa mga preterm na sanggol at maaaring mabawasan ang insidente ng apnea.
Ang apnea na lumilitaw nang mas malaon ay maaari ring nagpapahiwatig ng simula ng mas malubhang sakit. Ang mga ina ay dapat magkaroon ng kamalayan sa panganib ng apnea at agad na humingi ng tulong kung nakikitaan ang sanggol nito.
Mga danger sign na may impeksyon ang sanggol sa kabila ng KMC procedure
Kapag ang sanggol ay gumaling na mula sa mga unang komplikasyon dahil sa preterm na kapanganakan, stable na at sumasailalim sa KMC, ang tsansa na makakuha ng malubhang sakit ay maliit na lamang.
Ngunit ang sakit sa maliliit na sanggol ay kadalasang banayad at hindi napapansin hanggang sa lumala ang sakit at mahirap gamutin.
Kaya naman mahalagang malaman ang mga danger sign upang mabigyan agad ng aksyon. Narito ang mga danger sign na dapat bantayan na maaaring may impeksiyon o ibang karamdaman ang sanggol kahit pa sumasailalim sa KMC procedure:
- Hirap sa paghinga
- Pag-unggol
- Napakabilis o napakabagal na paghinga
- Mahabang pagitan ng apnea
- Ang sanggol ay nakakaramdam ng lamig
- Ang temperatura ng katawan ay mababa sa normal sa kabila ng muling pagpapa-init sa sanggol
- Huminto sa pagkain
- Nagsusuka
- May kombulsyon
- Pagtatae
- Naninilaw ang balat
- Hindi gumigising ayon sa regular na paggising nito
Listahan ng pasilidad ng KMC sa Pilipinas
Narito ang listahan ng pasilidad ng KMC sa Pilipinas:
- Dr. Jose Fabella Memorial Hospital (Manila, National Capital Region)
- Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center (Batac, Ilocos Norte, Region 1)
- Eastern Visayas Regional Medical Center (Tacloban City, Region 8)
- Southern Philippines Medical Center (Davao City, Region 11)
- Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (Manila, National Capital Region)
- Western Visayas Regional Medical Center (Iloilo City, Region 6)
- Davao Regional Hospital (Tagum City, Region 11)
- Philippine General Hospital-UP Manila, (National Capital Region)
- St. Luke’s Medical Center (Quezon City, National Capital Region)
- 12 Lying in clinics sa ilalim ng Manila Health Department
Source:
WorldHealthOrganization, ClevelandClinic, StandfordChildrens
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.