Kapa Ministry scam kumita ng P50 Billion di umano mula sa mga miyembro nito, ayon sa Securities of Exchange Commission o SEC.
Kapa Ministry Scam Scheme
Kilala ang Kapa Ministry bilang isang religious organization na naglalayong iahon sa kahirapan ang Pilipinas at buong mundo. Sa kabuuan ay mayroon ng 5 milyong miyembro ang organisasyon na pinamumunuan ni Pastor Joel Apolinario.
Ayon sa website na KAPAmilyonaryo, ang Kapa ay “legitimate non-denominational ministry, a religious corporation organized under Philippine laws.”
Para maging miyembro ng organisasyon kailangan mag-apply at mag-donate ng “minimum of five thousand pesos (5,000.00) and maximum of one million pesos (1,000,000.00) out of your willingness and generosity.”
Kapag naging miyembro na, makakatanggap ang miyembro ng “blessings monthly.” Mas malaki ang donasyon, mas marami din daw na “love gifts” ang matatanggap mula kay Pastor Joel. Makakatanggap daw ng blessings pang habangbuhay, maliban na lang kung mag-quit ang miyembro sa organisasyon.
Base sa records ng SEC ang Kapa Ministry ay nai-rehistro sa kanila noong March 3, 2017. Ang nakarehistrong headquarters nito ay sa Baslig City, Surigao del Sur.
Ngunit makalipas ang dalawang taon, ang nagpakilalang relihiyosong grupo ay naiiugnay sa itinuturing na pinakamalaking investment scam sa bansa na tinawag na Kapa Ministry Scam.
Ito ay dahil sa paghihikayat ng Kapa sa kanilang mga miyembro na mag-invest sa organisasyon na kung tawagin nila ay “donations.” Ang donations daw na ito ay magkakaroon ng 30% na tubo kada buwan na kung tawagin naman nila ay “blessings.”
Ngunit paliwanag ng SEC, ito daw ay “unsustainable” at hindi nakasaad sa pinirmahang registration contract sa kanila ng Kapa na isang religious group ang pagpapakilala.
Paliwanag ng SEC
Ayon kay SEC Chairman Emilio Aquino ay una na silang nagbigay ng advisory sa Kapa noong March 8, 2017 na hindi ito authorized mag-solicit ng pera sa publiko dahil sa hindi ito nakasaad sa lisensyang inisyu sa kanila.
Ito raw ay matapos makatanggap sila ng impormasyon na nangongolekta umano ng investment money ang Kapa Ministry ng P10,000 mula sa kada miyembro nito. Ang P10,000 na investment sa Kapa Ministry ay pinapangakong kikita ng 30% buwan-buwan na makukuha ng miyembro hanggang siya ay nabubuhay.
Ngunit ayon sa SEC, ito daw ay hindi sustainable at impossibleng mangyari. Dahil para ma-maintain at maibigay ang ipinapangakong 30% na tubo buwan-buwan ng Kapa ay nangangailangan sila ng P15 billion a month para maipamigay sa mga miyembro nito.
Sa ganitong uri ng scheme ay maari lang magtagal sa loob ng tatlong buwan ang operasyon ng Kapa lalo na kung hindi ito magre-recruit ng bagong miyembro.
Kung kuwekuwentahin, mula sa 5 milyong miyembro ay nakakolekta na ng P50 bilyon ang Kapa Ministry para sa kanilang organisasyon.
Napag-alaman rin nila mula sa kanilang records na nakabili ng mga mamahaling luxury vehicles ang mga may-ari ng Kapa Ministry na ang mag-asawang Pastor Joel Apolinario at Reina Lobitaña Apolinario.
Aksyon ng SEC laban sa Kapa Ministry Scam
Dahil sa patuloy na dumaraming reklamo tungkol sa Kapa ay nagbigay ulit ng advisory ang SEC sa organisayong noong October 2018.
At nito nga lang February 2019 ay naglabas na ng cease and desist order ang SEC laban sa Kapa Ministry na hindi pinapansin ang warning na binibigay nila. Kabilang sa CDO o cease and desist order ang mga partners, officers, directors, agents, representatives at sinumang nagpapakilala bilang representante ng Kapa.
Nitong Sabado ay nagbigay narin ng order si Pangulong Rodrigo Duterte sa NBI at PNP-CIDG na ipasara na ang Kapa Ministry sa buong bansa dahil sa mga reklamo na nakakarating sa kaniya tungkol sa scam.
Kaya naman matapos ang order ng Pangulo ay sunod-sunod ng ni-raid ang mga opisina at branches ng Kapa Ministry sa buong bansa.
Nag-issue narin ng freezing order sa lahat ng bank accounts ng Kapa ang Court of Appeals bilang sagot sa petisyon ng SEC at Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Inaalam parin sa ngayon kung saan napunta ang perang nalikom ng organisasyon.
Samantala, ayon sa founder ng Kapa Minstry na si Pastor Joel Apolinario ang kanilang organisasyon ay hindi raw scam at layunin lang ay makatulong sa mahihirap na tao.
Ayon pa nga sa lawyer ng Kapa na si Atty. Rex Mabali ay hindi raw totoo ang mga balita na nagtatago na ang founder na si Pastor Joel. Magpapatuloy rin daw ulit ang operasyon ng Kapa matapos ang 10 araw mula ng na-issue ang search warrant. Tatanggap daw ulit ang Kapa ng donasyon at magre-release daw ulit ng blessings.
Bilang pag-protesta sa nangyayari ay maglulunsad daw ng prayer rally ang organisasyon nitong darating na June 13 sa General Santos City.
Paalala ng SEC sa publiko
Nagbigay paalala naman ang SEC sa publiko na huwag ng makipag-deal at i-report ang iba pang investment-taking activity ng Kapa Ministry.
Huwag narin daw magpabiktima o tangkilikin ang mga investment scam na kanilang matutukoy sa sumusunod na senyales:
Senyales na isang investment scam ang sinasalihang grupo
- Nangangako ng napalaking kita ng walang risk
- Tiyak ang balik ng pera kasama ang napag-usapang interes
- Namimilit mag-invest sa kanila sa lalong madaling panahon
Source: ABS-CBN News, Manila Bulletin
Basahin: 5 taxi modus operandi that every parent should know!