Mahalaga sa mga magulang ang makahanap ng kasambahay na masipag, maaasahan, at mapagkakatiwalaan. Ngunit mahalaga rin naman para sa mga magulang na ibigay sa kanilang mga kasambahay ang tamang sahod at karapatan ng kasambahay na naaayon sa batas.
Kaya’t para sa aktres at inang si Isabelle Daza, naisipan niyang gumawa ng kontrata para sa kaniyang mga kasambahay. Ito ay para malaman nila ang kanilang mga tungkulin, pati na rin ang mga karapatan bilang kasambahay.
Karapatan ng kasambahay, hindi dapat balewalain
Ibinahagi ng aktres sa kaniyang Instagram account na nais niyang gumawa ng kontrata para sa kaniyang mga kasambahay. Ito raw ay upang maging malinaw ang kanilang mga dapat gawin pagdating sa pagtatrabaho, pati na rin ang kanilang mga karapatan at makukuhang benepisyo.
Dagdag pa ni Isabelle, walong oras raw ang kanilang magiging trabaho, at mayroong mga sick leave at day off sa kontrata. Yun nga lang, hindi siya papayag na magbigay ng salary advance kung hindi ito emergency.
Sinabi rin niya na ito raw ay para malaman ng mga kasambahay na hindi sila masisisante sa mga simpleng pagkakamali. Mahalaga raw ang pagkakaroon ng kontrata upang malaman ng mga kasambahay na ligtas sila sa trabaho. Nakakatulong rin daw ito para magkaroon sila ng kompyansa at makapagtrabaho ng mabuti.
Bukod dito, binabayaran din daw ni Isabelle ang SSS, PhilHealth, at Pag-Ibig contributions ng kaniyang mga kasambahay.
Anu-ano ba ang mga karapatan ng kasambahay?
Karaniwan na sa Pilipinas ang pagkuha ng mga kasambahay nang walang kontrata. Bagama’t ito na ang nakasanayan, hindi ito tamang gawain. Ito ay dahil ang pagiging kasambahay ay pagtatrabaho rin, at kinakailangang ibigay ang nararapat na mga karapatan at tamang sahod sa mga kasambahay.
Kabilang na rito ang pagkakaroon ng kontrata upang maging malinaw sa kasambahay at sa kanilang employer kung anu-ano ang mga benepisyo at limitasyon ng kanilang trabaho.
Heto ang ilang mga dapat tandaan ng mga nagnanais na kumuha ng kasambahay:
- Pagkakaroon ng kontrata kung saan nakasulat ang mga trabaho na dapat gawin, mga benepisyo, pati na kung magkano ang magiging sahod.
- Pagbabayad ng tamang sahod nang naaayon sa batas. Kasama na rito ang pagbabayad ng mga benefits tulad ng SSS, Philhealth, at Pag-Ibig, pati na ng buwis.
- Pagbibigay ng mga days off, at ng mga sick leave.
- Pagsasabi sa kanila kung ilang oras ang kanilang magiging trabaho. Hindi dapat 24/7 ang trabaho ng mga kasambahay.
- Ipaalam kung bibigyan pa sila ng matutulugan, at pagpapagamot sa kasambahay kung sakaling sila ay magkasakit.
- Mahalaga ring malaman ng mga kasambahay kung paano sila masisisante sa kanilang trabaho.
- Kinakailangan rin ng medical certificate, NBI clearance, NBI clearance, at birth certificate.
Mahalagang sundin ang mga bagay na ito dahil hindi madali ang trabaho ng mga kasambahay. Mahalagang ibinibigay natin sa kanila kung ano ang nararapat, at hindi natin dapat silang abusuhin.
Source: ABS-CBN
Basahin: Anak ni Isabelle Daza na si Baltie, bininyagan sa France
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!