Maraming katangian na namamana ang isang bata mula sa kaniyang mga magulang. At ayon sa mga eksperto, may pitong katangian na siguradong makukuha niya mula sa kaniyang ama.
Katangian na namamana ng iyong anak sa kaniyang ama
“Mana ka talaga sa tatay mo!” Ito ang madalas na linyahan ng mga ina sa kanilang anak kapag nagagalit na.
Pero ang bugso ng damdamin na ito ay maaring totoo, dahil ayon sa mga pag-aaral at eksperto, may pitong katangian talaga na mamamana ang iyong anak mula sa kanilang ama.
Ang mga ito ay ang sumusunod:
1. Sakit sa puso
Malungkot man kung iisipin pero ang isa sa katangian na namamana ng iyong anak mula sa kaniyang ama ay ang pagkakaroon ng sakit sa puso.
Ayon sa naturopathic doctor na si Jen Stagg, 50% ang tiyansa na mamana ng anak na lalaki ang sakit sa puso ng kaniyang ama. Dahil ito sa impaired ability ng isang gene na mapigilan ang pag-develop ng plaque sa arteries ng puso.
Ang gene na ito ay naipapasa lang ng ama sa kaniyang anak na lalaki. Sinuportahan ang pahayag na ito ni Stagg ng isang pag-aaral na ginawa ng University of Leicester na pareho rin ang naging findings.
2. Mental disorders
Isa pang katangian na namamana ng anak sa kaniyang magulang ay ang pagkakaroon ng mental disorder.
Bagamat maaring makuha ito ng isang bata mula sa pareho niyang magulang, mas mataas ang tiyansa na mamana niya ito mula sa kaniyang ama. Lalo na kung ang bata ay ipinagbuntis ng ang ama niya ay matanda na.
Ang ilan nga sa mga mental disorder na maaring mamana ng anak ay ang schizophrenia, autism at attention deficit hyperactivity disorder o ADHD.
3. Dental issues
Kung mayroong dental issues ang ama ng iyong anak, huwag ng magtaka kung pati ito ay kaniyang mamana.
Ang tooth size, jaw size at hugis ng ngipin ay maaring mamana ng isang bata mula sa kaniyang ama’t ina. Ito ay ayon sa isang pag-aaral na nailathala sa American Journal of Physical Anthropology.
Pero ayon kay Dr. Stagg, malaki ang posibilidad na makuha ng isang bata ang mga katangian na ito mula sa tatay niya. Ito ay dahil umano sa genetic dominance na kung saan mas active ang genes ng mga lalaki kumpara sa mga babae.
4. Infertility
Marami mang paraan ngayon para masolusyon ang infertility pagdating sa mga lalaki, hindi naman mapipigilan ng mga modern ways na ito na hindi maipasa ng ama sa kaniyang anak na lalaki ang kondisyon. Ito ay ayon sa isang pag-aaral na inilathala sa journal na Human Reproduction.
Sinuportahan ito ng isa pang pag-aaral na ginawa sa mga lalaking ipinanganak sa pamamagitan ng intracytoplasmic sperm injection o ICSI. Mula sa ginawang pag-aaral ay natuklasan na katulad ng kanilang ama ang mga lalaking ipinanganak sa pamamagitan ng ICSI ay mababa rin ang sperm count na maaring mauwi sa infertility.
5. Pagkakaroon ng anak na lalaki o babae
Ang gender ng iyong anak ay nakadepende din sa kaniyang ama. Dahil ayon sa science, ang chromosome na dadalhin ng sperm ng isang lalaki ang magdidikta kung magiging lalaki o babae ang mabubuo kapag ito ay naki-team up na sa egg cells ng isang babae.
Kung ang sperm ay may dalang X chromosome at nai-partner sa X chromosome ng isang ina, ang resulta ay isang baby girl.
At kung Y chromosome naman ang dala ng sperm cells at nai-partner sa X chromosome ng ina, ang resulta naman ay isang baby boy.
6. Kulay ng mga mata
Isa pang katangian na namamana ng mga anak sa kanilang ama ay ang kulay ng mga mata nito. Ngunit maari rin nila itong mamana mula sa kanilang ina. Dahil ito ay nakadepende sa kung sino ang may dominant o recessive genes sa isang mag-asawa.
Ang mga matang may lighter colors tulad ng blue at green ay dahil sa recessive genes. Habang ang brown eyes naman ay dahil sa dominant genes. Ngunit madalas, kung sino ang mas maitim o darker ang kulay ng mata sa isang mag-asawa ay siyang mas mamamana ng kanilang anak.
7. Height
Pagdating sa height wala rin iba pang pagmamanahan ang mga anak kung hindi ang mga kanilang mga magulang.
Dahil ayon sa mga eksperto, ang 80% umano ng height ng isang tao ay nakadepende sa DNA sequence variants na namamana mula sa kaniyang magulang.
Sinuportahan ito ng isang pag-aaral na nailathala sa journal na Nature ay natuklasang may 700 different genetic sequence ang nakakaapekto sa tangkad ng isang tao. Kada pulgada o inch nga daw ng height ng isang tao ay naaapektuha ng mga genes na ito.
Ilan lamang ito sa mga katangian na namamana ng mga anak mula sa kanilang mga magulang. Kaya naman kung may family history kayo ng genetic health disorders ay dapat ng asahan na maaring mamana ito ng iyong anak.
Makakatulong ang mga genetic counselors at clinical geneticists kung may katanungan tungkol sa mga sakit na maaring mamana ng iyong anak lalo na kung nagplaplanong magdalang-tao.
Source: Genetic Home Reference, Healthway
Photo: India Fatherhood Coalition
Basahin: Pagiging responsable, nasa DNA rin ng tao ayon sa isang pag-aaral