Ano nga ba ang katangian ng isang mabuting asawa?
Sa buhay pag-ibig hindi natin alam kung sino ang nakatadhana para sa atin. Maaaring siya ay iyong kababata, kaklase, katrabaho, nireto ng kaibigan, nakasalubong, nakilala sa malayong lugar, naka-chat, nakatabi sa byahe, kliyente, kagrupo sa isang organisasyon, at iba pa.
Mababasa sa artikulong ito:
- 11 na katangian ng isang responsable at mabuting asawa
- Ilan sa mga senyales ng pabayang asawa o mister
Maaaring matagpuan mo agad ang tunay na pag-ibig, mamuhay ng tahimik at masaya, o kaya naman masaktan ka muna ng ilang beses bago mo makilala ang iyong ” The One”. Masasabi kong isa ako sa pinakasuwerteng babae na nakapag-asawa ng isang responsableng lalaki.
11 na katangian ng isang responsable at mabuting asawa
Sa karanasan ko bilang asawa ito ang aking mga na-realize, kung paano ba masasabi na responsable ang iyong asawa. Hindi rin kasi madali ang pag-aasawa at dapat kayong dalawa mismo ay pinagsisikapan ang inyong pagsasama. Narito ang mga katangian ng isang responsableng asawa.
Larawan mula sa author
1. Priority ang kaniyang pamilya
Trabaho-Bahay lang ang kaniyang routine araw-araw. Hindi mahilig sa barkada, mas gugustuhin niyang kami ang kaniyang kasama sa mga lakad.
Siyempre, ganoon din ako bilang asawa niya. Dapat priority natin ang ating mga pamilya.
2. Malambing
Isa mga katangian ng isang responsableng asawa ay pagpapakita niya ng affection sa iyo at sa inyong mga anak. Gaya ng sa mister ko, bago pumasok sa trabaho ay hahalik at yayakap muna sa aming mag-ina. Kapag umuwi naman siya’y may dala siyang pasalubong lagi.
Minsan naman habang ako ay nagluluto o kaya naglalaba, siya ay nayakap at sasali ang aming anak. Hindi nagkukulang na ipakita ng isang asawa ang kaniyang pagmamahal sa pamilya niya. Gaano man siya kapagod
Larawan mula sa iStock
3. Laging maasahan
Kapag kailangan ko ng tulong sa mga gawain ay agad naman ang kaniyang aksyon. Hindi na ako magdadalawang salita pa. Madalas ay may kusa at siya na ang gagawa ng iba pang mga gawain.
Siya rin ang nagde-deliver ng aking mga paninda online. Kapag mag-asawa na kayo dapat lagi niyong tandaan ang isa sa katangian ng isang mabuting asawa lagi kayong natutulungan. Siyempre, ganoon din ako kay mister kapag kailangan niya ng tulong.
4. Maasikaso
Kapag walang pasok tuwing Linggo ay mauuna siyang bumangon. Magtitimpla ng kape at magluluto o kaya ay bibili ng aming almusal. Kapag ako ay may sakit, siya ang gumagawa ng mga gawaing bahay. Pati na rin ang pag-aalaga sa aming anak.
5. May respesto sa iyo at supportive sa iyo
Isa rin sa katangian ng isang mabuting asawa ay lagi siyang may respeto sa iyo. Nirerespeto niya ang iyong mga opinyon at hindi kaya niya sinasaktan o gagawa ng bagay na ikakasama ng loob mo.
Isa rin sa pagpapakita ng respeto ay kahit na mag-asawa na kayo ay sinusuportahan ka niya sa mga bagay na gusto mo. Malaki ang tiwala niya sa mga desisyon ko at alam niyang kaya ko. Lalo na sa usaping pagkakakitaan.
6. Siya’y mapagkumbaba
Agad nakikipag-usap upang ayusin ang hindi namin pagkakaunawaan. Isa ito sa katangian ng isang mabuting asawa, na hindi hinahayaan na matutulog kayo sa gabi ng may sama ng loob.
Dapat parehas kayong may mapagkumbaba sa inyong pagsasama, upang maunawaan ang inyong hindi pagkakaintindihan. O minsan ay pagpapaubaya upang maresolba ang problema.
7. Lagi kang pinapasaya kahit sa simpleng bagay
Ang asawa ko kahit na pagod siya galing sa trabaho ay hindi niya nakakalimutan na pasayahin ako. Lalo na kapag alam niyang pagod ako sa bahay. Naiintindihan niya rin ang hirap ko bilang isang ilaw ng tahanan.
Kahit sa simpleng paraan ay gumagawa siya ng effort para mapasaya ka at gumaan ang loob mo. Isa ito sa tingin ko na susi sa isang malusog na pagsasama. Siyempre, ganoon din ako sa kaniya kapag pagod at problema siya.
Larawan mula sa author
BASAHIN:
5 warning signs na napapagod ka na sa relasyon ninyong mag-asawa
7 rason kung bakit dapat bawasan ang pag-post tungkol sa inyong relasyong mag-asawa
Agree or disagree: Dapat mas mahalin ang asawa kaysa sa mga anak, ayon sa isang study
8. Mapagbigay
Kahit maubos ang kanoyang sweldo basta mabili niya lamang ang aming mga pangangailangan ay ayos lang sa kaniya. Basta masiguro niya nasa maayos na lagay kami, lalo na ang aming mga anak.
9. Marunong mag-ipon para sa kinabukasan ng aming mga anak
Isa rin sa katangian ng isang mabuting asawa ay iniisip niya ang magiging kinabukasan ng aming mga anak. Nag-iipon siya, kagaya ng aking asawa. Siyempre, bilang misis ay tulungan din kaming mag-asawa sa pag-iipon.
Mahirap mawalang ng pinagkukunan lalo na kung may biglaang gastos o gipit kayo sa pera.
10. Siya ay matapat
Lahat ng kaniyang mga gagawin ay ipinapaalam at hihingin ang aking opinyon. Wala pa naman kaming naging problema sa third party. Sana ay huwag magbago ang kaniyang damdamin. Iyan naman ang lagi nating dasal sa ating mga pagsasama.
Ang lalaking mahal ka ay hindi gagawa ng mga bagay na ikakasakit ng iyong loob.
11. Marunong magpahalaga
Kapag nagtimpla ako ng kape, lagi siya nagsasabi ng “Thank you”. Ganoon din kapag ako ang nagluto, sasabihan niya na masarap. Hindi niya nakakalimutan na ma-appreciate ang ginagawa mo para sa inyong pamilya.
Minsan sasabihan na lang niya ako ng “ang ganda mo talaga kaya ako na-inlove sa ‘yo”. Ang mga ganitong simpleng mensahe ay nagpapakita ng pagpapahalaga niya sa iyo na kaniyang asawa.
Ang simula ng aming pagmamahaln at mga natutunan ko sa aming pagsasama
Larawan mula sa author
Sa apat na taon namin na magkaklase ni Jhake (ang aking asawa) sa elementarya noon ay hindi kami naging malapit sa isa’t isa.
Ilang taon na rin ang nakalipas. Hanggang sa magkaroon kami ng Class Reunion at ako ang kanilang organizer. Doon na nagsimula ang aming magandang pagtitinginan na nauwi agad sa kasalan.
Ganoon pala talaga kapag nakilala mo na ang taong nararapat at gusto mong makasama habang-buhay. Hindi ka na magdadalawang isip pa. Hindi rin naman kami nagkamali na piliin ang isa’t isa.
Nakakatuwang isipin, kami pala ang magkakatuluyan. Dahil isang baranggay lang ang layo ng aming tirahan at kami ay magkaklase pa.
Hindi perpekto ang aming pagsasama pero mas lamang naman ang aming kasiyahan. Alam kong hindi kami pinapabayaan ng ating Panginoon dahil patuloy ang pagbuhos ng biyaya sa aming pamilya.
Tahimik ang aming pamumuhay. Mababait ang aking in-laws. Kaya naman sobrang thankful at blessed ako.
Ilan sa mga senyales ng pabayang asawa o mister
Hindi lahat sa atin ay may responsableng asawa at nasa isang malusog na relasyon. Pero minsan hindi natin ito namamalayan dahil naging normal na sa atin ang ganitong pagtrato ng ating mga karelasyon sa atin.
Narito ang ilang mga senyales na pabaya ang iyong asawa.
Larawan mula sa iStock
- Hindi sila tinutulungan at hinahayaan lang mapagod sa mga gawaing bahay.
- Nakakalimutan at hindi ka niya binabati kapag may mahalagang okasyon.
- Hindi marunong mag-appreciate.
- Binabalewala ang kanilang nararamdaman.
- Hindi ka sinusuportahan at nirerespeto
- Wala sa kaniyang mga priority ang inyong pamilya at pagsasama.
- Nananakit mentally at physically.
- Inuuna ang barkada, bisyo, o paglalaro ng cellphone.
- Nagloloko at nambababae.
Ang maipapayo ko lang po sa mga nakakaranas ng mga ganito sa kanilang asawa ay dapat sabihin niyo sa kanila ang iyong nararamdaman. Ipaalam na nasasaktan ka at gusto niyong ayusin ang relasyon ninyo. Kapag sinasaktan ka naman huwag kang mahiya at matakot na humiling ng tulong sa iba.
Huwag mawalan ng pag-asa na magiging maayos din ang relasyon nyo bilang mag-asawa. Sana’y bumalik na ang dating matamis ninyong pagtitinginan. Kung paano kayo nainlove sa isa’t isa.
Larawan mula sa author
Ang sabi tuloy ng iba ay “SCAM” daw ang magkaroon isang responsableng asawa. Ang sabi ko naman ay “LEGIT” dahil ako ay napagkalooban. Kaya huwag mawalan ng pag-asa maayos niyo rin ang inyong pagsasama. Tamang komunikasyon lamang.
Tungkol sa May-akda
Si Marlyn Belarmino ay isang mabuting asawa, proud na ina, at blogger sa Sweet Mama. Isa rin siyang influencer, Content Creator at bahagi ng TAP VIP Parent.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!